INSPIRASYON SA BUHAY: “… Kung hindi kayo makikinig sa tinig ng Diyos at hindi susunod sa Kaniyang mga utos… mangyayari sa inyo ang mga sumpang ito… Patuloy kayong gigipitin, pagnanakawan, at sasamsaman ng inyong mga ari-arian, at ang inyong yaman ay dadambungin, ngunit walang sasaklolo sa inyo…” (Deuteronomio 28:15, 29, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
“MGA PULITIKO AT MGA PINUNO NG PILIPINAS, PARE-PAREHONG SANGKOT SA KATIWALIAN SA BILYON-BILYONG PONDO NG BAYAN, NOON AT NGAYON”: Pare-pareho lang talaga ang mga pulitiko at mga pinunong Pilipino, kung korapsiyon ang pag-uusapan, ayon sa mga concerned citizens na nagpahayag sa Kakampi Mo Ang Batas noong umaga ng Huwebes, Setyembre 02, 2021.
Matinding pagka-dismaya ang namutawi sa mga labi ng mga concerned citizens sa mga naglalabasang ulat tungkol sa overpriced personal protective equipments (PPEs) ng gobyernong Duterte at ng gobyernong Noynoy Aquino.
Wala na talagang maaasahan pa ang sambayanang Pilipino sa mga pulitiko, noon at ngayon, lalo na at may mga naglalabasang ulat ng kanilang pagiging korap sa paggamit ng bilyon-bilyong pondo ng bayan.
Idinagdag pa ng mga concerned citizens, partikular yung nasa hanay ng mga nag-aaral ng Bibliya, na ang pagiging korap na ito ng mga pulitiko at pinuno sa Pilipinas, noon at ngayon, ay isang sumpang ibinabalang mangyayari sa mga bersikulo ng Banal na Aklat ng Kristiyanismo.
***
OVERPRICING NG MGA PPEs, GINAWA DIN NOONG NOYNOY AQUINO PRESIDENCY, AYON SA GOBYERNONG DUTERTE: Ibinatay ng mga concerned citizens ang kanilang pananaw sa pagiging tiwali ng mga pulitiko at pinunong Pilipino noon at ngayon, sa pagbabatuhan sa kasalukuyang panahon ng mga opisyales ng gobyernong Duterte at ng mga opisyales ng gobyernong Aquino, sa pagbili ng mga personal protective equipments, o PPEs, sa presyong mas mataas sa talagang halaga ng mga equipment.
Sa kasalukuyang gobyernong Duterte, binabatikos ang Department of Health at ang Department of Budget and Management, ng mga lider-oposisyon, na karamihan ay bahagi ng gobyernong Aquino mula 2010 hanggang 2016, ng diumano ay sobrang overpricing ng mga PPES na binili ng gobyernong Duterte noong mag-uumpisa pa lamang ang Covid 19 noong 2020 mula sa mga Chinese suppliers.
Nag-umpisa ang matinding batikos ng oposisyon sa gobyernong Duterte sa diumano ay overpricing na ito, noong ilabas ng Commission on Audit ang kaniyang audit report sa DOH para sa taong 2020. Sa ganti ng mga opisyales ng gobyernong Duterte sa mga kasapi ng oposisyon na noon ay bahagi naman ng Noynoy Aquino presidency, lumabas ang record na overpriced din ang pagbili ng ppes noong panahon ni Noynoy.
Partikular na inungkat ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga ulat na noong Setyembre 2015, habang si Noynoy Aquino ang pangulo ng bansa, naging mas mataas ang overprice ng mga binili nilang PPES. Ibinatay ni Roque ang kaniyang pagbubunyag sa mga datos na inilabas naman ni Anak Kalusugan Party List Representative Michael Defensor, na bahagi naman ng gobyernong Macapagal-Arroyo ng matagal na panahon.
***
“KUNG NAGING TIWALI ANG NOYNOY GOVERNMENT, OKAY BANG MAGING TIWALI NA DIN ANG DUTERTE PRESIDENCY?” Ipinapakita ng mga dokumento, ayon kay Defensor, na bagamat P200 lamang ang sinasabing overprice ng isang PPE sa panahon ng gobyernong Duterte, P3,500 naman ang overprice sa panahon ng Pangulong Noynoy Aquino. Batay dito, ayon sa mga concerned citizens, mas tiwali at korap pala diumano ang gobyernong Noynoy Aquino.
Kakatwa namang biglang natahimik ang mga dating opisyales ng gobyernong Noynoy Aquino sa mga pagbubunyag ni Defensor at ni Roque. Habang sinusulat ang balitang ito, wala pang lumalabas na pagpapaliwanag ang mga opisyales ng Noynoy Aquino presidency, bagamat may pahayag na si Senate Minority leader Senator Franklin Drilon.
Ayon kay Drilon, na nagpalipat-lipat na sa mga matataas na puwesto sa gobyernong Noynoy Aquino at maging sa gobyernong Cory Aquino mula 1986, wala namang ginawang pagpuna ang COA Sa sinasabing overpricing sa panahon ni Noynoy sa pagbili ng mga PPEs.
Maliwanag na hindi kinakitaan ng COA noon ng anomalya ang overpricing sa panahon ni Noynoy, paliwanag ni Drilon sa mga pahayag sa media. Magkaganunman, maraming mga abogado ang agad pumuna sa mga pahayag ni drilon. Una, ayon sa mga abogado, hindi ibig sabihin na kung walang sinabi ang COA sa overpricing ng PPEs noong panahon ni Noynoy na legal ang naging transaksiyon.
***
MGA TIWALI AT KORAP NA PINUNO, ISUNULAT SA BIBLIYA: Ipinunto ng mga abogado na mga appointees ni pnoy ang mga namumuno sa COA noong 2015, at maliwanag na hindi magsasalita ang mga ito ng laban sa kanilang amo. Ang dapat tumingin ng legalidad ng transaksiyon sa overpricing ng PPEs sa panahon ni Noynoy Aquino ay ang Ombudsman.
Ang problema noon, ang nakaupo sa panahong iyon ay iniluklok din ni Noynoy, na kinakitaan ng pagpabor sa maraming pagkakataon sa kaniyang benefactor, dagdag pa ng mga abogado. Maliwanag na nagkaroon ng “sabwatan sa pananahimik” o “conspiracy of silence” ang COA at ang ombudsman na noon ay parehong pinamumunuan ng mga pinagkakatiwalaang alagad ni pnoy.
Sa kabilang dako, binatikos din naman ng mga abogado ang mga pahayag ni Defensor at Roque sa pagtatanggol sa overpricing ng Duterte government sa panahon ngayon ng pandemya. Ayon sa mga abogado, hindi komo parehong may anomalya sa gobyernong Aquino at Duterte, okay lang na magka-anomalya na din sa gobyernong Duterte.
Sa pananaw naman ng mga nag-aaral ng Bibliya, ang ganitong kawalan ng tapat na mga pinuno sa bayan ay ibinabala bilang isa sa mga sumpang ipadadala ng Diyos sa mga tao na hindi na nakikinig at hindi na sumusunod sa kaniyang mga utos.
***
REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, https://ift.tt/3jq7483, https://ift.tt/2Vmhld1, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.
The post Pulitiko at pulitiko noon at ngayon, parehong sangkot sa katiwalian appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: