KAPAG buhay na ng tao ang nakasalalay wala nang dapat pang pagdebatehan alisin ang away o kampihan sa politika bigyang prayoridad ang kaligtasan at madaliin ang lunas.
Kaya nito lamang Lunes mga Ka Usapang HAUZ naghain ng isang resolusyon sina dating House Speaker Alan Peter Cayetano at kanyang mga kaalyado sa Kongreso na nananawagan sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na magbigay ng booster o karagdagang bakuna sa healthcare workers at mga immunocompromised o iyong mga lubhang mahina ang resistensya.
Kina-alarma ng Balik sa Tamang Serbisyo (BTS) Group ng Kongreso ang hindi na mapigilang pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng Covid-19 makaraang makapagtala ang Pilipinas ng 26,303 kaso nito lamang Setyembre 11, ang pinakamataas na pang-isang-araw na bilang ng mga positibong kaso sa bansa, na iniuugnay ng mga eksperto sa lubhang nakakahawang Delta variant ng coronavirus.
Mag-iiwanan ba naman ang BTS group mga Ka Usapang HAUZ kaya magkakasamang lumagda sa House Joint Resolution No. 40 sina Taguig 2nd District Rep. Maria Laarni Cayetano, ANAKALUSUGAN Party-list Rep. Michael Defensor, Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez, Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu at Bulacan 1st District Rep. Jose Antonio “Kuya” Sy-Alvarado.
“Nearly two years into the pandemic, the Philippines has struggled to vaccinate more than a small fraction of its population due to shortages in supply,” ayon sa naturang resolusyon.
(Halos dalawang taon matapos magsimula ang pandemya, hirap pa rin ang Pilipinas na bakunahan ang kahit maliit na bahagi ng populasyon nito dahil sa mga kakulangan sa supply.
Dagdag pa ng resolusyon, isang “moral imperative and a practical necessity to prevent the collapse of our healthcare system” ang pagbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga bulnerableng indibidwal at sa mga frontliner na pinakalantad sa virus.
Ang pagbibigay ng karagdagang mga bakuna ay isang moral na tungkulin at praktikal na pangangailangan, upang maiwasan ang pagbagsak ng sistemang pangkalusugan ng bansa.
“It is vital to protect our healthcare workers, so that they may, in turn, take care of COVID-19 and non-COVID-19 patients. With hundreds of hospitals in the country nearing full capacity and our healthcare workers having to attend to more patients and extending working hours as a result of recent rise in positive cases, we cannot afford a further shortage of our health manpower as a result of our healthcare workers being infected with the virus,” dagdag nilalaman ng resolusyon.
Paliwanag ni Rep Cayetano mga Ka Usapang HAUZ na mahalagang protektahan ang mga healthcare workers, nang sa gayon ay maalagaan nila kapwa ang mga pasyenteng may COVID-19 at walang COVID-19. Sa gitna ng napipintong pagkapuno ng daan-daang mga ospital sa bansa, at sa araw-araw na pagkasagad ng ating mga healthcare workers sa pangangalaga ng paparaming mga pasyente bilang resulta ng biglang pagdami ng mga positibong kaso kamakailan lang, hindi natin kakayanin ang anomang magiging pagkukulang sa ating mga tauhang pangkalusugan gawa ng pagkahawa nila sa virus.
Base pa ng resolusyon, sa tala ng World Health Organization (WHO) na nasa 23,611 Pilipinong healthcare workers na ang nagpositibo sa COVID-19 sa katapusan ng Agosto.
“Despite government programs inoculating frontline healthcare workers as early as six months ago in March 2021, immunity for health workers has not been achieved,” ayon sa resolusyon.
Sa kabila ng mga programa ng gobyerno upang mas maagang bakunahan ang mga frontline healthcare worker simula Marso 2021, hindi pa rin naaabot ang kabuuang immunity sa kanilang hanay.
Sinipi din sa resolusyon ang isang pag-aaral na ginawa ng mga mananaliksik sa China tungkol sa antibody prevalence o antas ng kakayahan ng katawan na labanan ang impeksyon sa mga indibidwal na nabakunahan ng Sinovac, ang pinakalaganap na bakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Ayon sa naturang pag-aaral, bumababa ang bisa ng bakunang Sinovac lampas sa isang susing threshold o palatandaan anim na buwan matapos ang ikalawang turok.
Naunang kinumpirma ng Malacañang noong Agosto 19 na maglalaan ang pamahalaan ng P45 bilyon sa 2022 national budget upang makabili ng booster o karagdagang mga bakuna.
Sa isang Laging Handa public briefing noong Setyembre 4, sinabi din ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na iminungkahi na ng Vaccine Experts Panel (VEP) ng DOH ang posibleng pagbibigay ng booster shots para sa medical workers at mga taong immunocompromised.
Noong Agosto 20, nauna nang nagsumite sina Cayetano at kanyang mga kaalyado ng isang liham sa IATF kung saan pinanawagan nila sa naturang task force ang pagbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga pinakabulnerableng Pilipino, pati na ang mga tauhan sa mga ospital at health center ng bansa na direktang sumasagupa sa pandemya.
***
Para sa Anumang Reaksiyon Puri at Puna maaaring mag email sa cesarbarquilla2014@yahoo.com or mag Txt o tumawag sa 0935-2916036
The post Resolusyong inihain, dagdag bakuna sa mga health workers dapat madaliin! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: