Facebook

Cayetano: Hindi ako tatakbo sa pagka-Pangulo

Inanunsyo na ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano nitong Biyernes na hindi siya tatakbo sa pagka-Pangulo sa darating na halalan 2022 dahil ayaw niyang lalo pang mahati ang mga Pilipino.

Sa isang panayam sa media nitong Oktubre 1 na unang araw ng paghahain ng Certificates of Candidacy (COC), sinabi ni Cayetano na nais niyang ituon sa ngayon ang kaniyang atensyon sa pagbuo ng isang five-year economic recovery plan na maaaring gamitin ng mga nais tumakbo sa pinakamataas na posisyon.

“We did a lot of praying and discerning at syempre kailangan mong tanungin sa Panginoon at sa tao, ‘Ano ba’ng role mo?’” pahayag niya.

“Kasi mas importante naman y’ung role mo at y’ung maitutulong mo rather than the position,” dagdag niya.

Dati nang sinabi ng dating House Speaker na pinag-iisipan niyang tumakbo sa pagka-Pangulo ng bansa. Siya ang running mate ni Pangulong Rodrigo Duterte — noo’y alkalde ng Davao City — noong 2016 general elections.

Ani Cayetano, matapos ang mahabang konsultasyon at pagdarasal ay napagtanto niyang ang tungkulin niya sa panahong ito ay bumuo ng five-year plan para sa bansa na magagamit ng mga gustong maging Presidente.

Ikalawang layunin niya ngayon ay ituloy raw ang pagtulak sa 10K Ayuda Bill na magbibigay ng P10,000 direct stimulus sa bawat pamilyang Pilipino.

Ang ikatlong nais niyang gampanan ay ang humanap at magtulak ng mga bagong solusyon sa pagharap sa dalawang aspeto ng pandemya — buhay at kabuhayan.

“I really feel na kung ako’y tatakbong Pangulo mas makaka-divide ito kaysa sa makaka-bring together,” aniya.

Nagpasalamat si Cayetano sa kaniyang mga taga-suporta — mga evangelical Christian, Catholic, at Muslim — na sinikap manawagan para sa isang “faith-based leadership.”

“We did our best but together with the family and close supporters, hindi po tayo tatakbo bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas ngayong 2022,” wika niya.

Pahayag ni Cayetano, ngayong hindi siya tatakbo sa pagka-Presidente ay mapapanatili niyang bukas ang komunikasyon sa mga presidential candidate patungkol sa five-year plan.

“Since hindi na isang presidentiable or isang tao lang ang nag-aadvocate, sana ito ay yakapin din at kunin din n’ung iba kasi kailangang kailangan natin ng plano,” wika niya.

Mas malaya na rin daw siyang magpahayag ng mga bagong ideya — “whether ito ay mga best practices around the world or iniisip din ng mga Pilipino, you know, how to better respond sa nangyayari sa atin ngayong pandemya.”

The post Cayetano: Hindi ako tatakbo sa pagka-Pangulo appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Cayetano: Hindi ako tatakbo sa pagka-Pangulo Cayetano: Hindi ako tatakbo sa pagka-Pangulo Reviewed by misfitgympal on Oktubre 01, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.