
DAIG ng maagap ang magaling.
Ito ang panuntunan sa buhay ni 8-division world boxing champion at politician Senador Manny Pacquiao, pangalawa sa pinakamayaman sa mga Senador, sumunod kay Senadora Cynthia Villar.
Nitong Biyernes ng umaga, unang araw ng filing ng Certificate of Candidacy (CoC) para sa Halalan 2022, kaagad nag-file ng kanyang kandidatura sa pagka-Pangulo si Pacquiao. Sinamahan siya ng kanyang misis, Jinkee, at supporters na halos mapuno ang paligid ng Comelec sa Pasay City.
Ang 42-anyos na Pacquiao ay nag-anunsyo ng kanyang pagretiro sa boxing kamakailan para sa kanyang pagtakbong pangulo ng bansa sa ilalim ng ruling PDP Laban-Pimentel faction.
Running mate ni Pacquiao ang dating alkalde ng Maynila at kasalukuyang Buhay Party list Representative Lito Atienza. Ang dalawang ito ay matagal nang magkaibigan.
***
Anumang araw mula ngayon ay inaasahang magdedeklara narin ng kanyang kandidatura si Vice President Leni Robredo matapos ihayag ng 1Sambayan na siya ang napagkaisahan ng grupo para pambato ng oposisyon para sa pagka-pangulo.
Malugod na tinanggap ni Leni ang nominasyon ng 1Sambayan. Pero hindi niya sinabi kung kakasa nga siya at kung sino ang running mate niya.
Ayon sa ating source, isa o dalawang araw bago ang deadline ng filing ng CoC sa Oktubre 8 ay isasapubliko ni VP Leni ang kanyang pagtakbo. Abangan!
***
Inaasahan namang sa huling araw ng filing ng CoC magsusumite ang tandem nina Manila Mayor Isko Moreno at Dr. Willie Ong.
Naniniwala kasi itong si Yorme na masuwerte ang numero otso kaya ito ang napili nilang petsa para sa pagsumite ng CoC. Go, Yorme!
***
Sa pag-file ni Pacquiao ng CoC sa pagka-pangulo, nabura na ang agam-agam na maging running mate siya as VP ni Robredo.
Wala naring tsansa ang unity nina VP Robredo at Mayor Isko dahil “all system go” na ang Isko-Ong tandem.
Sabi ng kampo ni Isko, ang senatorial nalang ang open sa Aksyon Demokratiko. Apat pa ang kulang para makumpleto ang 12. Ang walo sa senatorial lineup ni Isko ay sina Congresswoman Vilma Santos, broadcaster at dating Vice Pres. Noli de Castro, reelectionist Joel Villanueva, mga magbabalik na sina Chiz Escudero, Loren Legarda JV Ejercito, Carl Balita at Samira Gutoc. Matibay ito!
Bago ang pagdeklara nina Isko at Pacquiao, kinausap sila ni Robredo para sa kanilang unity. Failed!
***
Ang pinakaaabangan ay ang pag-file ng CoC ng tandem nina Senador Bong Go at Pangulong Duterte na inendorso noon ng PDP Laban-Cusi faction.
Ang problema kasi rito ni Pangulong Duterte ay ang binubuo na tandem ng kanyang anak na si Sara at dating Senador Bongbong Marcos.
Si Sara ay nag-leave na as Mayor ng Davao City, ipinagpalagay na ito’y naghahanda ng pag-file ng CoC sa Comelec sa Maynila.
Ang Sara-Bongbong o Bongbong-Sara ay maingay na sa social media. Pero wala pa tayong naririnig mula sa kanila na sila na nga. Malalaman natin ang final answer bago Oktubre 8.
Abangan!
The post Early bird si Manny appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: