Mga estudyante sa Siniloan, Laguna, sinuportahan ni Bong Go; hinikayat na mag-aral ng mabuti kahit hirap dahil sa pandemic
NAMAHAGI ang tanggapan ni Senador Christopher “Bong” Go ng tulong para sa mga estudyante ng bayan ng Siniloan sa Laguna kamakailan at hinikayat ang mga ito na higit pang pagbutihin ang kanilang pag-aaral kahit pa hirap sila dahil sa banta ng pandemya.
May 300 benepisyaryo ang nakatanggap ng pagkain, bitamina, masks, at face shields sa naturang aktibidad, na isinagawa ng may kasamang pag-obserba sa health at safety protocols laban sa COVID-19, sa Siniloan town plaza nitong Miyerkules.
“Sa mga estudyante mag-aral ho kayo nang mabuti. Bagama’t hindi pa po tayo face-to-face learning sa ngayon dahil delikado pa po ang panahon. Pinag-aaralan pa po ng gobyerno dahil delikado po itong COVID-19 at talaga pong nakakahawa, lalung-lalo na po itong Delta variant na four times more contagious,” mensahe ni Go para sa mga kabataan.
“Ang importante po, tuluy-tuloy po ang kaalaman ng ating mga kababayan at makapagtapos po ng pag-aaral. Pakiusap ko lang po sa mga kabataan para sumaya ang inyong mga magulang, mag-aral ho kayo nang mabuti at kayo po ang kinabukasan ng bayang ito,” aniya pa.
Namahagi rin naman si Go sa ilang piling estudyante ng computer tablets, sapatos at bisikleta upang mapapakinabangan nila sa kanilang pag-aaral at pagbiyahe ngayong limitado pa ang mga pampublikong transportasyon.
Ang Department of Social Welfare and Development naman ay namigay ng financial assistance sa mga benepisyaryo habang nagpaabot rin ng dagdag na tulong ang local government unit ng Siniloan.
Sa kanyang video message, nagpaabot rin naman si Go, na siya ring chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ng pag-aalala para sa mga Pinoy na nagdadalawang-isip pang magpabakuna.
Umapela rin siya sa publiko ng suporta at tiwala sa national vaccination drive at hinikayat ang mga ito na kaagad nang magpabakuna upang maprotektahan sila laban sa COVID-19.
“Kapag nandiriyan na po kayo sa priority list, magpabakuna na po kaagad kayo. Ang bakuna po ang susi o solusyon upang unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay. Magtiwala ho kayo sa bakuna, huwag ho kayong matakot sa bakuna. Matakot ho kayo sa COVID-19,” ayon pa kay Go.
Samantala, nag-alok din si Go ng karagdagang tulong sa mga benepisyaryo at kanilang mga mahal sa buhay na nangangailangan ng atensiyong medical.
Pinayuhan din niya ang mga ito na humingi ng medical care sa San Pablo City General Hospital sa San Pablo City o sa Laguna Medical Center sa Sta. Cruz kung saan mayroong mga Malasakit Centers na handang tumulong sa kanila para sa kanilang hospital at iba pang medical-related expenses.
“Mayroon na ho tayong 144 na Malasakit Center sa buong Pilipinas na handang tumulong po sa mga poor and indigent patients, zero balance po ang target po ng Malasakit Center,” ayon pa kay Go, na siyang nagsulong ng batas para maitatag ang mga naturang centers.
Pinuri rin ni Go ang mga lokal na opisyal na sumusuporta sa kanilang constituents ngayong panahon ng pandemya at sinabing, “Salamat po sa inyong tulong sa panahong ito. Huwag niyo pong pabayaan ang ating mga kababayang mahihirap po.” (Mylene Alfonso)
The post Mga estudyante sa Siniloan, Laguna, sinuportahan ni Bong Go; hinikayat na mag-aral ng mabuti kahit hirap dahil sa pandemic appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: