Inireklamo ang mga isang nurse sa Quirino Province Medical Center (QPMC) nang bawian ng buhay ang isang mister sa Quirino.
Ayon kay Ginang Rowena Elchico na dinala niya ang kanyang asawa sa QPMC noong Oktubre 9 dahil sa pananakit ng tiyan ngunit dinala sila sa Covid-19 ward ng naturang pagamutan.
Kinuwestyon ng ginang kung bakit sila dinala sa Covid-19 ward dahil hindi naman Covid-19 patient ang kanyang mister.
Inihayag naman ng mga medical staff na puro Covid-19 patients ang laman ng nasa kabilang kuwarto kaya’t inilagay sila sa isa pang Covid-19 room para hindi sila mahawa.
Reklamo ng ginang, nagpapatulong siya sa mga naka-duty na nurse dahil nahihirapan ang kanyang mister sa sobrang sakit ng tiyan ngunit sinagot siyang hindi pa umano oras ng pag-iikot ng mga nurse.
Dahil naghihingalo na ang kanyang mister, tumawag uli ito ng nurse ngunit sinabihan siyang hindi lamang sila ang pasyente sa pagamutan at noong pangatlong tawag niya pinatayan na siya ng nasa kabilang linya.
Nang makita ni Elchico na patay na ang kanyang mister nagtungo ito sa Nurse Station at ipinaalam na patay na ang asawa at saka pa lamang may tumingin sa pasyente.
Tinanong anya siya kung papayag silang malagyan ng tubo o hose sa ari ng mister upang mahabol ang buhay nito.
Sa pagkakataong iyon, natagalan naman ang pagkuha ng tubo kaya’t sinabihan na niya ang mga medical staff na huwag nang lagyan ang mister dahil patay rin naman ito.
Giit ng ginang, noong nanghihingalo pa lamang ito ay hindi man lamang tumugon ang mga nurse sa kanilang panawagan.
Matapos mamatay ang kanyang mister ay inilagay muna sa freezer ng apat na araw dahil hihintayin pa ang resulta ng swab test at kalaunan nagpositibo ito sa virus.
Duda naman si Ginang Elchico na positibo nga sa Covid-19 ang kanyang mister dahil kung positibo ay nahawaan sana siya.
Nais ng ginang na mapanagot at maparusahan ang mga nurse na nagpabaya umano sa kanyang mister at hindi man lamang tumugon sa kanyang pagmamakaawa.
Sa ngayon, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pamunuan ng Quirino Province Medical Center kaugnay sa reklamo ni Ginang Elchico.
Ayon kay Dr. Marissa Mamate, Head ng Medical Department ng Quirino Province Medical Center na inatasan na ang kanilang Chief Nurse na siyasatin ang reklamo ng Ginang Elchico.
Inilagay nila sa Covid-19 probable ang pasyente kaya’t nadala sa Covid-19 ward habang hinihintay ang RT-PCR test result.
Nilinaw din ni Dr. Mamate na bagamat mayroong oras na pag-iikot ng mga nurse ay dapat ding tumugon sa emergency cases kaya’t sinisiyasat na ang reklamo ng nasabing ginang. (Rey Velasco)
The post Nars inireklamo sa namatay na pasyente appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: