Facebook

Sa 110-M Pilipino umiinog ang mundo ni Isko

ANG totoo, ayaw ngang patulan pa ni Manila Mayor FranciIsko ‘Isko Moreno’ Moreno ang mga patutsada ng mga kalaban sa politika, kasi ang nais niya, maipokus ang sarili sa paglalatag ng mga plataporma sa gobyerno ng kanyang administrasyon kung papalaring manalo sa darating na 2022 May elections.

Pero paano kung malisyoso at mali ang tirada na ang epekto ay makapanlinlang ng kapwa.

Tulad ng sabi ni VP Leni Robredo na kaya raw siya tumatakbong Pangulo, kasi nais niyang matalo si dating Sen. Bongbong Marcos.

Mababaw na dahilan, sa paniniwala ni Yorme.

Bakit nga Marcos na naman?

Paano ang mas maraming Pilipino; wala bang malasakit si VP Leni sa maraming walang trabaho?

Si Marcos lamang ba ang mahalaga sa bise-presidente na hanggang ngayon, maraming Pilipino ang naniniwalang hindi naman talaga siya ang nanalo kungdi ang kinamumuhiang katunggali.

Paano nga naman ang maraming Pilipino na nagdidildil ng asin at walang makain.

Wala bang malasakit si VP Leni sa mga Pilipinong walang nakikitang magandang kinabukasan sa ilalim ng administrasyong ito?

***

Hindi umiinog ang mundo ni Yorme Isko sa away ng Marcos at Aquino, at sa away ng mga anak ni dating Pangulong Marcos sa mga Yellowtards.

Ang mundo ni Yorme ay umiinog sa mga Pilipino, … kung paano matutulungang maiangat ang kalagayan sa pamumuhay ng mga Pilipino na marami ay nagugutom, walang trabaho at nagkakasakit at namamatay gawa ng pandemyang COVID-19.

At bakit ipinanawagan na umatras na siya sa Panguluhan?

Tulad ng iba, karapatan rin ni Yorme Isko ang tumakbong Pangulo kaya bakit ipinanawagan na mag-withdraw siya sa kandidatura ng mga kaalyado ni Leni na Yellowtards.

Ay ano, Pink na nga pala si Robredo.

Laging iginigiit ng mga Dilawan na ipaglaban ang demokrasya, pero pag kontra sa paniniwala nila, kontra demokrasya na.

Naibulalas tuloy ni Yorme, sila ba na mga kunwaring Pink pero dilaw na dilaw ang may-ari ng demokrasya?

***

Pag-aari ng bayang Pilipino ang demokrasya, hindi ng mga nagmamagaling at ng mga nagmamapuring matatalino at may mataas na estado sa buhay.

Malaya ang sandaang milyong Pilipino na isabuhay ang demokrasya.

Nanawagan ng pagkakaisa ang Reyna ng Circus na Pink, pero sariling katropa ay hindi magawang nagkakaisang bigkis.

Ni hindi nga mapagkaisa ni Madam Leni ang sarili niyang kasama.

Siya ay Pink, pero ang katiket na bise presidente ay si Sen. Kiko Pangilinan na buong pagkatao ay Dilaw na Dilaw.

Paano nga mapagkakaisa ang Pink at Dilaw na kapwa mapusyaw na Pula.

Malabnaw na Pula na kung ito ay itutulad sa Dugo ay ano? Anemic.

Kung mapusyaw o kulay Pink ang dugo ng isang tao, ano ang maasahang mangyayari kung hindi magagamot?

Ang destinasyon ay kungdi ospital ay sementeryo!

***

Kungdi simpleng sabotahe, isang ‘idea theft’ ang ginawa ni Bongbong Marcos kay Manila Mayor ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Ito ang galit na pahayag ni Ernest Ramel, tagapangulo ng Aksyon Demokratiko nang imungkahi ni Marcos na agad suspindihin ang excise tax sa langis matapos na ipangako ni Yorme Isko na kung siya ang mahahalal na pangulo, agad niyang iuutos na bawasan ng 50 porsiyento ang pataw na buwis sa elektrisidad at mga produktong petrolyo.

Sabi ni Ramel, ang ginawa ni Bongbong ay katulad ng isang batang Forbes Park na ninakaw ang term paper ng isang ismarte at matalinong batang iskwater ng Tundo.

Parang nasa dugo na raw ng mga Marcos ang pagnanakaw at pamemeke, sabi ni Ramel.

Naipangako ni Yorme ang pagkaltas sa excise tax sa isang miting ng mahihirap na magsasaka, mangingisda, tsuper at karaniwang obrero sa Tartlac City nitong Huwebes, Okt. 21.

Sinariwa ni Ramel ang tungkol sa pekeng war medal ni dating Presidente Ferdinand Marcos at ang pekeng diploma ni Bongbong sa Oxford.

Kungdi raw pagnanakaw at pagsabotahe sa unang proposal ng kanilang kandidatong presidente, ano ang maitatawag dito, tanong ni Ramel.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post Sa 110-M Pilipino umiinog ang mundo ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Sa 110-M Pilipino umiinog ang mundo ni Isko Sa 110-M Pilipino umiinog ang mundo ni Isko Reviewed by misfitgympal on Oktubre 24, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.