Facebook

12 upuan sa Senado

LABINDALAWANG upuan ang pag-aagawan ng mga politiko na piniling tumakbo sa pwestong makakatuwang ng pangulo sa paggawa ng batas ng bansa. Maraming nagnanais, ngunit 12 ang magiging mapalad sa labanan ng mga tumatakbo sa pagka senador na bumubuo sa 24 katao sa mataas na kalipunan ng kongreso. Sa takbuhan sa pagka senador marami ang mga lumang pangalan, nagbabalik, susubok galing sa ibang halal na posisyon, artista, broadcaster, pribadong sektor, manggagawa, dating pulis, at sa kung saan-saang sektor. Sa labanang ito malinaw na bentahe ang mga kasalukuyang senador subalit hindi ito nangangahulugan ng pagkapanalo. Ang mga dati sa pwesto na nagpalamig sa mga lokal na posisyo’y nagbabalikan at tila may dating ang simula nito. Habang ang ibang pagtatalo sa nakaraang halala’y muling nagbabakasakali na mahalal at sumama sa partido na may kakayahang maglunsad ng mga pambansang kampanya. At ang iba’y umaasa sa pangalan na batid ng bayan dahil sa pag-arte at komentaryo ng radyo’t TV.

Ang bawat dahilan ng mga tumatakbo’y nakatali sa pagnanais na serbisyohan si Mang Juan at ang bayan. Walang nagbabangit hingil sa pansariling pag-unlad o mapanatili ang kalagayang pangkabuhayan na tinatamasa. Subalit batid ng bayan o ni Mang Juan na dala nito ang interes pang sarili at hindi ang kanilang kagalingan, Wala sa puso ng mga ito ang manilbihan ng totoo kay Mang Juan, subalit maririnig ang pambobola na namumutawi sa bibig ang pagsisilbi sa bayan. Uunahin ang mga batas na magsusulong upang gumanda ang kabuhayan ni Mang Juan. Ngunit maraming panahon na ang lumipas, ang kalagayan ng kabuhayan ni Mang Jua’y nanatili na nakatali sa mga batas na ginawa upang mapanatili ang kasalukuyang kaayusang pambayan. Mahirap mag-tukoy ng batas na nagpa-unlad ng kabuhayan ni Mang Juan. Ano ang silbi ng VAT law at pinalawak pa, ano ang silbi ng Train Law, ano ang silbi ng Universal Health Care na pinagkitaan lamang, lumakas ba ang kabuhayan ng Pilipino? Hindi po.

Masikip ang 12 upuang bakantehin ng mga senador na nakapagsilbi na sa sarili este sa bayan ng 6 na taon, walang mapipisil sa mga ito na masasabing tumayo para sa kapakanan ng bayan. Ang mga batas na mga nabuo’y hindi sapat na masasabi na nakakagaan sa buhay ng mamamayan. Maraming mga batas na nagawa’y tila lihis sa pagseserbisyo sa interes ng bayan bagkus pabor ito sa mga padrino na nagbibigay ng kaginhawahan sa kanilang buhay.

Walang batas na nagbigay ng tuwirang benepisyo kay Mang Juan. Maging sa panahon ng pandemya, ang batas ng Bayanihan 1,2 at 3 hindi tuwirang nakatulong kay Mang Juan, sa halip ginawang gatasan ng mga nagpapatupad ng ayuda. Hindi ganap ang tulong na naibigay ng batas kay Mang Juan, sa halip ang mga tagapagpaganap ang nasiyahan sa batas ng Bayanihan sa dami ng takits na di bumaba kay Mang Juan. Ang masakit mahigpit ang pag-papatupad ng batas na may kaparusahang multa.

Himayin natin kung ano ang tayo ng mga tumatakbo sa pananaw ni Mang Juan. Sa paghihimay ng mga nagawa, malakas ang dating ng mga kandidato na tuwiran na tumutulong sa mamamayan, gayung hindi ito halal ng bayan. Batid ng bayan na hindi paggawa ng batas ang naitulong nito sa halip pagbibigay hustisya sa mga naapi o naipit ng pagkakataon. Subalit ito ang ibig ng Pilipino na mahalal sa halip ang mga taong may utak at puso na kakamada ng batas na mapakikinabang sa mahabang panahon. Ang mabilisan at tuwirang pagtulong kay Mang Juan tanging dahilan kung bakit ito maihahalal sa ‘22. Pangalawa, nariyan ang mga kandidato na kasalukuyang mambabatas sa mababang kapulungan ng kongreso na kung ilang ulit na nahalal at ipinagmamalaki ang mga nagawang batas, hindi pa ba sapat ang panahon na pamamalagi sa mababa at mataas na kapulungan at kailangang bumalik?

Malaki ang tsansa ng mga ito na manalo gayung puro papogi ang alam nito at hindi serbisyo sa tao. Pangatlo, nariyan ang mga dating senador o lingkod bayan na kilala sa mga maanomalyang proyekto na humahabol, hindi pa ba busog sa mga takits na kinamkam ng nasa posisyon. Pang-apat nariyan ang mga tumatakbo na tila gagawing panangalang ang pwesto sakaling palarin sa halalan darating. Batid nito ang malaking pananagutan sa maraming anomalya kinasangkutan..

Panglima, may mga tatakbo na tila naubusan na ang lukbutan sa dami ng asuntong kinaharap at kailangang bumawi. At ang panghuli, ang mga walang pangalan na dalisay ang pagnanais na magsilbi sa bayan. Ang grupong ito ang mainam na mahalal subalit at nakakaiyak na hindi ito pupugpog sa laban.

Sa pagsusuring ito, sana’y tahakin ng mga nagnanais na maging senador ang landasin ng 12 apostoles na dumaan sa butas ng karayom upang maging tagasunod ng tagapagligtas. Tulad ng dinaanan ng mga ito, ang masinsin na pagpili sa 12 senador ang gawin ni Mang Juan upang masiguro na sila ang tunay na magdadala ng interes ng bayan, ‘di ng iilan lalo’t di pansarili lamang. Maraming ulit ng nabigo ang bayan sa mga taong nahalal na hindi naging maganda ang takbo ng buhay ng mamamayan. Napag iwanan na ang bansa, ang pagpapasya sa pagpili ng mga kinatawang baya’y pag-isipan ‘di lang ng para kasalukuyan kundi hanggang sa salinlahi ng bayan. Mamulat na o bayan sa uri ng lider na pinagbibigyang maglilingkod sa bayan nating mahal.

Kasama ang 12 senador na ihahalal sa ’22, hindi kailangan galing sa iisang partido ang pinanggalingan, hindi kailangan na itutulak ang nais ng pinunong bayan na batas kung walang pakinabang si Mang Juan. Ang kailangan ang magdadala sa bansa sa pag-unlad para sa lahat. Marami nang magagandang batas na nariyan, ang batas na nakaugat sa pangangailangan ng bayan ang sana’y magawa ng umunlad ang kabuhayan ni Mang Juan. Hindi kailangan ang mga senador na mahusay sumayaw sa saliw ng ehekutibo, ang pagiging tapak nito sa kalagayan ng bayan ang magreresulta sa batas na makakaahon sa buhay ng mga Pilipino.

Dapat mapunta ang 12 upuan sa senado na pinag-aagawan sa mga kandidatong may tunay ang pag-ibig sa bayan. Hindi kailangan ng mahusay sa retorika, kailangan sa panahong ito ang serbisyong bayan na walang pag-iimbot at ng buong katapatan ng sa gayu’y danasin ng mga batang Pilipino na muling makilala sa mundo ‘di bilang talipandas sa halip Pilipinong tinitingala sa kagalingan sa kanyang larangan. Panahon na upang simulan ang pagbangon ng Bayan nating Mahal…

Maraming Salamat po!!!

The post 12 upuan sa Senado appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
12 upuan sa Senado 12 upuan sa Senado Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 04, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.