PERSONAL na dinaluhan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagbubukas ng ika-147 Malasakit Center sa bansa sa Culion Sanitarium and General Hospital (CSGH) sa Culion, Palawan.
Ito ang ikalawang Malasakit Center sa Palawan, ang una ay sa Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City. Pang-81 din ito sa Luzon at ikaanim sa Region IV-B. May Malasakit Center na nakatakda na ring buksan sa Brooke’s Point Palawan.
Tiniyak ni Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, na ipagpapatuloy niya na maging maayos ang access ng Filipino sa healthcare services, partikular ng mga nasa liblib na komunidad.
“Sabi ko, bakit natin pahirapan ‘yung mga kababayan natin na pwede naman natin ilagay sa isang kwarto ‘yung apat na ahensya ng gobyerno. Ang DSWD, PCSO, DOH, at PhilHealth,” ang gunita ni Go kaya niya naisip ang Malasakit Center.
“Hindi pa ako senador nailagay na namin sa Cebu noong 2018. Noong naging senador po ako, nadagdagan po. Ngayon mandated by law included all DOH hospital magkakaroon ho ng Malasakit Center, isa na po ito sa mga huling DOH hospital na lalagyan po ng Malasakit Center,” anang senador.
“Sa lahat po ng mga healthcare workers, mga frontliners, mula sa amin ni Pangulong Duterte, maraming salamat po sa inyong serbisyo sa panahon ngayon. Hindi po nababayaran ng kahit anuman po ang inyong sakripisyo sa panahon ngayon,” sabi ni Go.
Samantala, ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development ay namahagi ng financial assistance sa mga pasyente at 279 rank-and-file CSGH employees.
Sa naturang event, nagbigay naman si Pangulong Rodrigo Duterte ng maiksing virtual message sa pamamagitan ng pagpapasalamat sa mga residente ng Culion sa kanilang pagsuporta sa pamahalaan.
“Ang Malasakit Center, para iyan sa inyo. Iyan lang ang maibigay natin ngayon at kung ano pa ang kayang ibigay, eh ibibigay ko sa inyo. Maraming salamat po,” ayon sa Pangulo.
Lubos na pinasalamatan ng munisipalidad ng Culion si Senator Go dahil siya ang kauna-unahang senador na bumisita at nagbigay ng ayuda sa mga residente ng maliit na isla.
Matapos bisitahin ang Culion, nagsagawa rin si Go ng monitoring visit sa Malasakit Center sa Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City.
Namigay siya rito ng ayuda sa may 145 pasyente at 713 frontliners, bukod pa sa ipinamahagi ng DSWD.
The post 147th Malasakit Center binuksan sa Culion, Palawan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: