Facebook

Bong Go sa PhilHealth: Utang sa mga ospital aregluhin

Kinalampag ni Senator Christopher “Bong” Go ang liderato ng Philippine Health Insurance Corporation na makipagtulungan sa Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) para mabilis na maareglo o mabayaran ang “unpaid claims” ng mga pribadong ospital

Ito ay kasunod ng mga ulat na ikinokonsidera o binabalak ng mga pribadong health care facilities na “makipaghiwalay” na sa state insurer dahil sa kabiguan nitong ayusin ang kanilang mga obligasyon.

Sinabi ni Go na pinangunahan niya ang isang conference call noong Martes, kasama sina Executive Secretary Salvador Medialdea, PhilHealth President Dante Gierran, at PHAPI President Dr. Jose Rene de Grano para maresolba ang nasabing isyu.

“Kinausap at pinaalalahanan namin (ni ES Medialdea) ang pamunuan ng PhilHealth na ayusin ang mga isyu sa mga apektadong ospital at makipag-ugnayan rin sa mga grupo, tulad ng PHAPI, para maresolba ang problema sa mabilis at maayos na paraan. Both sides committed to work together in order to protect the welfare of all Filipinos who are affected,” ayon kay Go.

Pinaalalahan ng senador, pinuno ng Senate Committee on Health, ang PhilHealth na bilisan nito ang proseso sa unpaid claims at tiyaking walang pondo ng gobyerno na masasayang dahil sa katiwalian.

Hiniling din niya sa lahat ng health care facilities na makipagtulungan at maging tapat sa kanilang claims upang maiwasan ang delays.

“Magtulungan tayo alang-alang sa mga kababayan natin. Hindi pwedeng maantala ang serbisyong pangkalusugan, lalo na’t meron tayong pandemyang pilit na nilalampasan,” ani Go.

“I am again reminding PhilHealth to exert all efforts possible in accordance with our laws to expedite the processing of payments for legitimate claims. Mas bilisan, mas simplehan, at mas iklian ang proseso sa tulong ng teknolohiya at dagdag na tao kung kakailanganin,” pakiusap ng senador.

Umapela rin si Go sa mga ospital na siguraduhing lehitimo ang lahat ng mga claims na isinusumite sa PhilHealth para hindi na magtagal ang vetting process.

Sinasabing nakikipag-ugnayan ang state insurance agency sa National Bureau of Investigation para siyasatin ang mga umano’y false insurance claims.

May koordinasyon na rin ito sa Department of Information and Communications Technology at iba pang government agencies para mapabilis ang operasyon nito sa paglilinis ng mga backlogs.

Sinimulan na ng PhilHealth ang debit-credit payment method nito noong Mayo, isang mekanismo sa mabilis na pagbabayad ng accounts sa HCFs.

Tinatayang 60% ng claims ang nabayaran na sa pamamagitan ng DCPM habang ang nalalabi ay masusi pang bina-validate, ayon kay Gierran.

Nilinaw ni Go na kinakailangang mabayaran ang unpaid claims sa akmang panahon upang hindi maabala at abilidad n mga ospital sa pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa pangkalusugan lalo’t nasa gitna ng pandemya ang bansa.

“Hindi naman kakayanin ng mga ospital na itutuloy ang kanilang operasyon kung wala naman silang kaukulang pondong magamit dahil sa laki na ng pinapasan nila habang hinihintay ang bayad ng PhilHealth,” ani Go.

The post Bong Go sa PhilHealth: Utang sa mga ospital aregluhin appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go sa PhilHealth: Utang sa mga ospital aregluhin Bong Go sa PhilHealth: Utang sa mga ospital aregluhin Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 04, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.