KINUMBINSI ng pamahalaang Duterte ang mga kabataang estudyante na huwag magpalinlang sa mga leftist group na humihikayat na mag-aklas upang labanan ang kasalukuyang administrasyon.
Ito ay makaraang ihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Gen. Vicente Danao ang pagdalo sa Duterte Legacy Caravan at OPLAN Mapayapang Parañaque sa Baclaran Elementary School, Barangay Baclaran.
Binigyang-diin ni Danao na walang maidudulot na mabuti para sa mga kabataan na sumapi sa mga rebeldeng grupo.
Aniya, estilo umano ng mga makakaliwang grupo na lasunin ang kaisipan ng mga kabataang mag-aaral mula sa ilang Unibersidad kung saan ay madali silang hikayatin para mamundok at labanan ang gobyerno.
Inihalimbawa pa ni Danao ang isang studyanteng balidektoryan na nahikayat na sumama sa rebelde sa bundok subalit doon nasawi nang makasagupa ang mga nagpapatrulyang sundalo.
Sa nasabing pagtitipon, labing-limang kabataan na miyembro ng makakaliwang grupo na laging namumuno sa rally sa Metro Manila ang nagbalik loob sa pamahalaan kung saan sila ay pinagkalooban ng pinansiyal na tulong.
Dagdag pa ni Danao na bukas ang PNP na tanggapin at tulungan ang mga kabataan rebelde na nahikayat ng ilang leftist group na partylist na nais magbalik loob sa pamahalaan.(Jojo Sadiwa)
The post REBELDENG GRUPO, KINUMBINSI NA SUMUKO SA GOBYERNO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: