Facebook

Anomalyang Malampaya

NANG bumuhos ang kapalaran noong 2016, iilang mapalad na indibidwal ang nakasalo ng limpak limpak na kaginhawahan sa pagkakamali ng milyon milyong Pilipino na nabola ng talipandas ng Dabaw. Tunay na pagkakamali ang naganap dahil hanggang sa kasalukuyan matindi ang dagok na naranasan ni Mang Juan sa buhay mula sa paglisan ng mga mamumuhunan sa kalapit bansa, pumasok ang pandemya, pektus na laban sa korapsyon, droga, kahirapan, pagmamalabis at lahat ng uri ng pananamantala sa kabang bayan. Ang mga boladas na pinatatamis ng mga ‘di mabilang na panlalait sa dati at kasalukuyang mga lider na bumabatikos sa kilos ng Inferior Dabaw Group na hawak ang lahat uri ng pagkakaperahan sa bansang ito. Ang pag-ayon ng bobotante sa inuusal na panlilibak, bastos na pananalita ang nagbigay lakas loob na ipagpatuloy ang mahalay na mga pahayag. Nahan na ang mabuting asal na itinuro ng ating ama’t ina?

Sa pagtakbo ng panahon, tila tanggap ng bayan ang uri ng pananalita na inuusal ng talipandas ng Dabaw. Nakangiti, tumatawa, humahalakhak at nagpapalakpakan sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng modelong hunghang na pinuno ng bayan. Napakalaki ang ibinaba ng moralidad sa bayang ito na ang dating ‘di tanggap ngayo’y ito ang fashion na binibida sa media’t social media. Nakapanlulumo na sa ilang taon na pamumuno ng IDG sa bayang ito, tila nasunog ang deka-dekadang mabuting asal na itinanim sa isip ni Mang Juan maging sa mga anak nito. Mabilis tanggapin ang kasamaan kontra kabutihan, na maging sa lumang panahon na pinili ang mandurugas sa halip na ang tagapagligtas.

Silipin ang mga nakapanlulumong kaganapan sa panahon ng IDG sa bayang ito. Maraming mamamayan ang umasa na tutupdin ni Totoy Kulambo ang mga pangako sa bayan. Subalit ipinako ang pangako na pagbabago sa napakaraming anak ni Mang Juan, nariyan ang hindi pagtupad sa paglaban sa ENDO, nariyan mapagpanggap na paglaban sa droga kalakip ang pagtumba sa pipitsuging kalaban sa negosyo, nariyan ang kabi-kabilang POGO, nariyan ang mapagpanggap na laban sa korapsyon, nariyan ang mga kopohan ng mga negosyo na napupunta sa taong malapit sa kulto ng Dabaw na kahit ‘di sapat ang puhuna’y nakukuha ang mga kontrata sa pamahalaan. At ang paulit-ulit na malaking anomalya na naganap sa PhilHealth at Pharmally na sa panahon ng pandemya’y napakahirap tanggapin na ang laban sa korapsyo’y tuwiran sa isdang maliliit at hindi sa barakuda ng IDG.

Kung nalakihan sa anomalyang nabangit sa itaas mukhang sisiw ito sa pinakatatago ng Kagawaran ng Enerhiya, na pinamumunuan ng karibal ni Pakman sa partidong PaDapa. Nahihirapan ayusin ang gusot na dahil si Dennis da Menace ang may gawa na ang lapit sa Puno ng Balite sa Malacanan ang puhunang tangan-tangan. Na sa pagkakataong ito, lumabas sa mosquitero si TK upang basbasan ang negosyo ng ibig ng kaibigan. Habang sa Ditto pa lang, silip na ang panlalamang sa pagsabit sa mga pasilidad ng mga kalabang negosyo upang gumalaw ang negosyo sa komunikasyon.

Sa usapin ng Malampaya, sinira ni Dennis da Menace na Cinusian ng Kagawaran ng Enerhiya upang bumitaw ang mga dating kumpanya na may hawak sa pagpapatakbo nito mula pa noong 1991. Ang malupit dito, maaga pa sa madaling araw nagnanais na ang isa sa dalawang kompanya na makakuha ng palugit sa pagpapatakbo ng Malampaya, subalit nagtengang kawali ang QC ng Kagawaran at ‘di narinig ang pagsamo ng kumpanya. Dahil sa karanasan ng katuwang na kumpanya, nagparaya na ang isa pa at ibinenta ang hawak na bahagi sa kumpanya na pag-aari ni Dennis da Menace na siyang nakakuha ng unang bahagi. Ang mas malupit, ang pinambayad upang makuha ang operasyon ng Malampay’y galing o inutang sa mga bangkong lokal. Na kung magkabulilyasuhan wala ito kalugi-lugi. Dahil ang pambayad nito’y manggagaling sa operasyon ng Malampaya. At tila ginisa ang bayan sa sarili mantika.

Sa pagbenta ng pag-aari ng mga negosyo sa iisang kamay, napasakamay nito ang 90% ng operasyon ng Malampaya habang 10% ang sa pamahalaan. Sa kaayusang ito, kontrolado ng IDG ang pagbibigay ng enerhiya sa Luzon na umaabot sa 40%. Dapat na maliwanagan si Mang Juan sa kaganapan ng Malampaya, mainam na silipin ng tamang institusyon ng pamahalaan kung may paglabag ang kagawaran sa “bidding law” na pagtitiyak sa kasiguruhan ng kakayahan at maging ang pinansya ng kumpanyang binigyan ng kontrata. Mukhang na hokus pokus si Mang Juan sa transaksyong ito na magbibigay kay Dennis da Menace ng limpak na limpak na salapi. OO limpak na limpak na salapi dahil hindi kukulangin sa P138B ang nakopo nito, eh paano ang IDG.

Ang nakakatakot, walang kakayahan ang korporasyon ni Dennis da Menace sa usapin ng natural gas na kapag mapabayaan maaaring maganap ang pagtagas na sisira sa karagatan ng Palawan. Balot ng anomalya ang pinasukan ng kagawaran ng enerhiya at may banta ng pagkasira ng yaman dagat ng bansa sakaling magkatagas. Ang kawalan ng kakayahan at ‘di sapat na puhunan ang malaking tanong bakit dito na punta ang kontrata ng Malampaya. Pangalawa, umabot ba sa puno ng Balite ng Malacanan ang biyayang dulot ng Malampaya?

Sa panahong ng mga dorobo, wholesale korapsyon ang katangian ng anomalya na nais nito. Ikinagagalit ni TK ang pitsa-pitsang takits dahil hindi tatak IDG kilos na ito. Ayaw nito ang pipitsugin anomalya dahil mahal ang bayad sa bayad sa abogado. Wala sa bokabularyo ng IDG male-maletang pastillas at tongpats kailangan sako-sako. Ang tipo ng anomalya ng Malampaya ang dapat na transaksyon, na nakataya ang pato’t panabla. Palamuti at pagtatago ang mga gawa laban sa pagnanais na paglilinis sa pamahalaan. Ang magkamal ng yaman siyang layon at ang pagkakahalal ang paraan. Walang habas ang paglililo sa bayan basta’t mapuno ang lukbutan.

Sa ngayon kailangan mag-ingay si Mang Juan ng malaman ng bayan na nakaamba ang anomalya na papasanin sa kinabukasan. Ang ma-anomalyang Malampaya na kinopo ng IDG at ni Dennis da Menace ang pinakahuli sa kasalukuyan? O’ may kasunod pa na labis dito? Kunin na sana kayo ni Lord..

Maraming Salamat po!!!

The post Anomalyang Malampaya appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Anomalyang Malampaya Anomalyang Malampaya Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 02, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.