NAPAKARAMING pulitiko sa Pilipinas na matagal na sa kapangyarihan ang benabalewala ang nakasaad sa ating Saligang-Batas na malaya sa isa’t isa ang ehekutibo, lehislatura at hudikaturang mga sangay ng pamahalaan.
Malinaw ang deklarasyon at ipinag-utos ng Saligang-Batas na hindi dapat nakikialam ang opisyal na kabilang sa ehekutibo sa lehistura o sa hudikatura, sapagkat hindi trabaho ng opisyal sa ehekutibo ang trabaho sa lehislatura ar hudikatura.
Napakahalaga ng probisyon ng Konstitusyon tungkol sa tinatawag sa ingles na “separation of power”.
Subalit, hangang ngayon ay mayroong mga pagkakataong nababalewala ang nasabing utos ng Konstitusyon.
Pokaragat na ‘yan!
Tinalakay ko na ang naturang paksa sa Saligang-Batas sa nakalipas na mga taon, subalit napilitan akong muling ihayag dahil mayroong nakarating na impormasyon sa Bigwas! tungkol sa paglabag umano rito ng punong lalawigan ng Quezon na si Gobernador Danilo “Danny” Suarez.
Sa kalatas na inilabas ng Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc. na pinamumunuan ni Propesor Salvador de Guzman, inakusahan nito si Suarez na nakikialam sa kasong kriminal na kinasasangkutan ni Lopez Municipal Councilor Arkie Yulde.
Si Yulde na tumatakbo sa pagkaalkalde ng Lopez ay sinasabing solidong kaalyado ni Suarez.
Batay sa rekord ng korte sa Rosales Pangasinan, si Yulde ay nahaharap sa mga kasong “kidnapping and serious illegal detention with rape and child abuse”.
Si Yulde ay inihabla ng isang mahirap na kasambahay dahil hangad nitong makamit ang katarungan mula sa sinapit na karumal-dumal na krimen.
Hiniling ng samahan ni De Guzman kay Suarez na huwag na itong sumali sa mga kaso ni Yulde.
Ang panawagan ni De Guzman ay isinapubliko ni Prop. Val Guevarra, tumatayong tagapagsalita ng nasabing organisasyon.
Isinaad ni Guevarra na “hindi dapat pakialaman ni Suarez ang kaso ni Lopez Municipal Councilor Arkie Yulde na kaalyado niya sa pulitika dahil ang nagsampa ng kaso ay isang ordinaryo at pobreng katulong”.
Inamin ni Guevarra na tinurtulungan ng samahang pinamumunuan ni De Guzman ang biktima ng mga krimeng isinampa laban kay Yulde.
“Alam namin na si Governor Suarez ang nagbibigay ng suporta at proteksyon kay Yulde, kaya umaapela ang grupo namin na dumistansya siya”, banggit ni Guevarra.
“[H]uwag nitong gamitin ang koneksyon niya sa pulitika at pera niya upang makaligtas ang alaga niya” susog ni Guevarra.
Naniniwala si Guevarra na makakamit ng biktima ang katarungan basta titigl ni Suarez ang sinasabi ng propesor na pakikialam umano nito sa mga kasong kriminal laban kay Yulde.
Kandidato ng Lakas-CMD si Yulde sa pagiging mayor ng bayan ng Lopez.
Mistulang mayroong sakit na nakahahawa si Yulde dahil balita ko’y wala siyang partner na kandidato sa pagkapangalawang alkalde ng Lopez.
Wala rin siyang mga kandidato sa pagkakonsehal.
Pokaragat na ‘yan!
Sa naganap na pagbasa ng kaso sa kanya, “not guilty” ang sagot ni Yulde nang tanungin siya ni Judge Roselyn Andrada-Borja.
Ang mga abogado ni Yulde ay sina Atty. Joshua Viray at Atty. Teodorico Galapate.
Si Viray ay dating konsehal at dati ring alkalde ng Asingan, Pangasinan, samantalang si Galapate naman ay minsang naging bise-alkalde ng Alcala, Pangasinan.
Si Yulde ay nakakulong sa kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Balungao, Pangasinan alinsunod sa desisyon ni Judge Borja.
Si Yulde ay inaresto noong Setyembre 20 sa bisa ng warrant of arrest.
Iginiit ni Judge Borja na matibay ang nakalagay sa complaint-affidavit ng biktima na suportado rin ng mga testigo, kaya hindi niya puwedeng pagbigyan ang kahilingan ni Yulde na ibasura kaagad ang kaso niya na wala pang nagaganap na pagdinig sa krimeng kinasasangkutan.
Idiniin ni Guevarra na ang biktimang si Ana ay puwersahang dinukot, ikinulong at paulit-ulit na ginahasa ni Yulde sa loob ng isang hotel sa Rosales, Pangasinan mula Abril 17 hanggang Abril 22 ng taong kasalukuyan.
Noong Mayo 14 isinampa ng biktima ang mga kaso laban kay Yulde.
Ang mga kaso ni Yulde ay parehong walang piyansa.
Matatandaan na noong Setyembre 25 nabunyag sa midya ang pag-alok umano ni Gobernador Suarez ng P3 milyon sa nanay ng biktima upang iurong ang demanda laban kay Yulde, subalit hindi pumayag ang biktima dahil ang gusto niya ay hustisya hindi pera.
Sabi ni Rose Rosario Tapiador, nanay ng biktima, na ang alok ni Gobernador Suarez ay personal na sinabi sa kanila nina Atty. Joana Suarez, anak ng gobernador, at Anamarie Santiago, pinsan ng biktima, sa inuupahan nilang bahay sa Pasig City.
Noong Oktubre 7, nagsampa si Tapiador ng mga hiwalay na kasong “obstruction of justice, accessory to the crime of kidnapping and serious illegal detention with rape at child abuse” at hiwalay na kasong administratibo laban sa mag-amang Suarez sa Office of the Ombudsman (OMB).
Subaybayan natin ang kahihinatnan ng mga kaso ni Konsehal Yulde, Quezon Gobernador Suarez at Atty. Suarez.
The post Hiling kay Quezon Gob. Suarez, huwag makialam sa mga kasong kriminal ni Konsehal Yulde appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: