Facebook

Dolomite beach huwag masyadong ipagkait sa publiko

MARAMI ang nananawagan sa kinauukulan partikular na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na huwag naman daw masyadong ipagkait sa publiko ang kabubukas lang na Dolomite Beach sa Roxas Boulevard, Manila.

Ang panawagan ay base ng isara sa publiko ang nasabing beach ng apat na araw mula Oktubre 29 hanggang Nobiyembre 4,2021. Ito ay isang long weekend holiday.

Tinaon pa umano ito sa Undas o Araw ng mga Patay na kung saan sarado rin ang lahat ng sementeryo ng apat na araw ng ganoon din petsa.

Bihira nga naman na mangyari ang ganitong pagka-kataon dahil mahabang pahinga ito at marami pang oras upang mag-relax at mag-enjoy.

Sa kabila ng lahat ay alam niyo ba ang dahilan at motibo kung bakit isinara sa publiko ang Dolomite Beach, napakababaw, bakit kamo?

Ang dahilan umano ayon sa isang mataas na opisyal ng DENR ay… dahil sigurado daw na dadagsain ng mga tao itong beach dahil walang ibang pupuntahan ang mga ito dahil sa sarado nga ang mga sementeryo, eh ano naman ang masama doon, tsk…tsk…tsk

Kasalanan ba anilang mamasyal at makita ang Dolomite Beach? Sayang din nga naman dahil ito lang nga naman ang oras na matagal silang libre at bakante.

Sinabi nila na malaking bagay din ang dulot ng pama-masyal dito dahil maski papaano ay nagiging masaya sila, napapawi rin anila ang kanilang nadaramang kalungkutan at higit sa lahat daw ay nababawasan ang kanilang dinaranas na hirap sa araw-araw sanhi ng pandemya.

Natural lang anila na dumagsa ang mga tao dahil iba talaga ang pakiramdam na dulot ng nature at siguradong mababawasan kahit papaano ang tinatanggap na stress mismo sa ganda ng tanawin at lehitimong kalikasan na bigay ng MAYKAPAL

Karapatan siguro lahat ng nilalang na makalanghap man lang ng sariwang simoy ng hangin, marinig man lang ang hampas ng alon sa pampang mula sa dagat, lalo na ang makita mo ang pagsikat at paglubog ng araw.

Kung ang bigayan nga ng ayuda… pera man, pagkain o anumang bagay ay pinagkakaguluhan din at dinadagsa rin ng publiko makuha lang ang kanilang minimithing karapatan, di ba?

Samantalang ang magpunta sa Dolomite Beach na hindi naman pera o anumang materyal ang pakay kundi ka-kaibang kagalakan. Kailangan talagang damahin ito lalo na ng mga taong punong-puno na at gusto ng sumuko sa buhay. Huwag na sana natin hadlangan at ipagkait ito.

Ipinapalagay ng marami na gagawa na naman ng kung ano-anong regulasyon, patakaran at mga ipagbabawal ang gobyerno na kanilang ipapatupad na naman kay Juan de la Cruz hinggil sa magiging kalakaran sa Dolomite Beach.

Siguradong kawawa at maguguluhan na naman ang publiko sa gagawing hakbang na naman ng pamunuan sa mga alituntunin na siguradong hindi angkop sa kasalukuyang kaganapan.

Wala rin itong pinagkaiba sa mga dating patakaran na paulit-ulit na pinapatupad tulad ng mga lockdown at iba-ibang community quarantine status na lalo pang nag-palala sa problemang kinakaharap, magulo kasi at maraming komplikasyon.

Makakailan lang ay may inanunsiyo ng bagong patakaran ang DENR at ito ay BAWAL NG PAPASUKIN SA DOLOMITE BEACH ANG MGA BATANG MAY EDAD 12 PABABA. Ang aksiyong ito ay mabilis at hora mismong binatas, on the spot kumbaga, ang tanong ay kung pinag-isipan ba nila itong mabuti bago ipatupad?

May pahiwatig rin na magkakaroon nang takdang oras ang pagpasok at paglabas ng Dolomite Beach sa darating na mga araw, mantakin niyong sa halip na ini-enjoy na ng publiko ang mismong proyekto nila ay balak na naman yatang guluhin ang kasiyahan ng taumbayan.

Malakas rin ang kutob ng mamamayan na hindi lang ang mga ito ang ipapatupad ng mga ito, marami pa itong kasunod na maaaring ikadismaya ng publiko, baka naman ayaw niyo talagang sumaya ang mga tao he… he… he…

Huwag naman sanang ipagkait pa sa taumbayan ang konting kasiyahan nilang nadarama dahil ito ay malaking bagay upang maski papaano ay mapawi ang kanilang kalungkutan, higit sa lahat ay malaking tulong ito upang malampasan nilang lahat ang pinagdaraanang kalbaryo na halos dalawang taon na nilang iniinda.

The post Dolomite beach huwag masyadong ipagkait sa publiko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Dolomite beach huwag masyadong ipagkait sa publiko Dolomite beach huwag masyadong ipagkait sa publiko Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 02, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.