SA isang Kalye survey, sinabi ng isang sidewalk vendor sa Batangas City na maraming nagawa sa Maynila si Yorme Isko Moreno kaya iboboto niya ito na pangulo sa darating na eleksiyon sa 2022.
Naniniwala ang responder sa Kalye survey na magagawa rin ni Isko sa buong bansa ang nagawa at ginagawa niya sa Maynila.
Sa maraming miting ni Yorme Isko sa pagdalaw niya sa Pampanga, Isabela, Batangas at iba pang lalawigan, ang nangyari sa Maynila ang nagiging basehan kaya si Yorme Isko ang kanilang gustong maging Pangulo.
Hanga sila sa mga proyekto sa housing, education and health at ang mabilis na kilos ng Manila city government sa pandemya.
Buhay at hanapbuhay ang inasikaso agad ni Yorme Isko, sabi niya, sa tao siya unang nag-invest.
Kasi nga, may multiplier effect kung tao ang uunahing bigyang pansin at puhunan.
Sa harap ng Pampanga’s Best employees, sinabi ni Yorme Isko na 17 times ang balik na magandang epekto ng pamumuhunan sa pabahay at sa edukasyon at kalusugan.
Bawat mahihirap, una sa nais matupad ay magkabahay at malulusog na pamilya, at siyempre, hanapbuhay.
Pagmamalaki ng presidential candidate ng Aksyon Demokratiko, “the multiplier effect is 17 times, so your peso will go 17 times much longer in housing. That has never been done in the Philippines in the past.”
Nagkatrabaho ang libo-libong tao sa malapit nang matapos na Tondominium 1 and 2 at bukod pa rito ang sabay-sabay na itinayong mass housing project, tulad ng Basecommunity na masayang tinitirhan ng mga residente ng Baseco na kumpleto sa paaralan, recreation area at may gulayan pa.
Malapit na ring matapos ang Binondominium, at magkasabay na itinatayo ang Pedro Gil at San Sebastian Residences.
Sino nga ang hindi maiinggit sa mga Manilenyong nabigyan ng murang pabahay, at nabigyan ng hanapbuhay?
At talagang nakakabilib yung COVID-19 Field Hospital sa may Quirino Grandstand na tinapos sa loob ng 52 araw lamang at libo-libo nang pasyenteng may Covid ang nagamot doon mula nang buksan ito noong Hulyo!
Isipin na ang daming buhay ang nailigtas ng ospital na ito – na hindi nagawa sa ibang siyudad at bayan sa Pilipinas!
Sigurado ang health service program sa Maynila, lalo at malapit nang tumanggap ng pasyente sa Disyembre ang 10-storey world class na Bagong Ospital ng Maynila at minamadali ring matapos na President Corazon Aquino General Hospital sa Baseco.
De kalidad na paaralan sa elementarya at high school na kumpleto sa computer at may airconditioning pa ang itinatayo sa Tundo at iba pang lugar sa Maynila.
‘Yan ang Bilis Kilos na plataporma de gobyerno ni Isko, at sabi nga niya, sa awa ng Diyos, basta naging Pangulo siya, ang nagawa niya sa Maynila, magagawa rin niya sa ibang lugar sa bansa.
Kaya, tama na si Isko ang iboboto ng sidewalk vendor ng Batangas City.
***
Malagim ang epekto ng COVID-19 sa negosyo at hanapbuhay ng mamamayang Pilipino, kumbaga sa pasyente, kailangan ay surgery o dugtong buhay na dugo at suwero na pampalakas ng katawan.
Kung siya ang Pangulo, magbubuhos si Yorme ng mula sa P1.5 hanggang P30 bilyong pautang sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Lugmok ang negosyo, hirap na hirap makabangon gawa ng pandemyang COVID-19.
Kung mabibigyan ng magaang na pautang na mababa ang interes, mapasisigla ang MSMEs na umaabot sa 99.5 percent ng negosyo sa bansa.
‘Yung mga Pinoy Taipan at oligarchs, nasa 0.5 percent lang ang hawak nila sa tinatayang 4,761 pinakamalalaking negosyo sa Pilipinas.
Paano ito magagawa ni Yorme Isko kung siya ang Pangulo?
Walang red tape; mabilis na registration, tax incentives, maayos na pag-aasikaso sa mga permit at licenses para maengganyo ang local and foreign investors sa bansa.
Maluwag at bukas na transaksiyon sa kontrata sa gobyerno, at ito ay kasama sa Bilis Kilos 10-point agenda ni Isko.
Bibisitahin niya ang tungkol sa probisyon sa konstitusyon ukol sa direct foreign investment at sa percentage ng pamumuhunan sa bansa na kasosyo ang mga dayuhan.
Mas malaking loan pool at magaang na pagbabayad sa utang, ito ang operasyon, tustos na dugo at suwero sa nagsara at naghihingalong negosyo na ipatutupad ni Yorme sa bansa.
Magtatayo siya ng maraming special agri-economic zones at negosyo at mas pabibilisin at pararamihin niya ang mass vaccination.
Kung ligtas ang mamamayan sa virus ng COVID-19, dadami ang magnenegosyo, dadami ang magtatrabaho gawa ng magkakaroon ng ‘herd immunity.’
Kung malusog, ligtas ang Pilipino, sigurado ang pag-unlad ng Pilipinas.
Tama ang desisyon ng Batangas sidewalk vendor at ng mga responder na nagsabing si Yorme Isko ang kanilang ibobotong Pangulo.
Kasi, nakahanda na ang mga plano, at mangyayari ang pagbangon at paglakas ng mamamayang Pilipino.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post Bakit ibobotong pangulo si Yorme Isko? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: