
MAGILIW na tinanggap at sinuportahan ng maraming Cebuano si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na bumisita sa Central Visayas na ibinida ang “Buhay at Kabuhayan’ na mga programa na tutugon at lulutas sa mabibigat na problema ng bansa.
Personal na sinamahan ni Cebu 3rd District Rep. Pablo John ‘PJ’ Garcia si Yorme Isko sa Barili na doon ay mainit na ipinaliwanag ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko sa mga negosyante ang planong pagkaltas ng buwis sa petrolyo at elektrisidad at iba pang mabilis na kilos upang mapagaang ang buhay at pamumuhay ng mahihirap na pamilyang Pilipino.
Una rito, nagpasalamat si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia kay Moreno sa ipinakitang malasakit at pagkagiliw sa tagumpay ng Cebu CFI Cooperative sa Kapitolyo na unang binisita ng alkalde at mga kasama noong Biyernes, Nob. 5.
Itinuring ng magkakapatid na Garcia ang pagbisita ni Moreno sa kooperatiba na pagbibigay-dangal sa kanilang ina, ang yumaong Judge Esperanza ‘Inday’ Fiel Garcia na itinayo ang Cebu CFI para sa kapakanan ng mga kawani ng Cebu Court of First Instance noong 1970.
Pinuri ni Atty. Winston Garcia, chairman ng kooperatiba si Yorme na sinabing malaking karangalan ang ginawa nito sa kanilang ina.
Mula sa Barili, ang bayang nilakhan ng magkapatid na Garcia, tumuloy sina Isko at mga kasamang kandidato ng Aksyon Demokratiko at Rep. PJ sa Damanjug Heritage Park at nakipagpulong sa mga lokal na opisyal ng 7th District ng Cebu, kabilang sina Dumanjug Mayor Efren Gica, Ronda Mayor Terence Blanco, Alcantara Mayor Fritz Lastimoso, Badian Mayor Carmencita Lumain, Alegria Mayor Verna Magallon at Ginatilan Dean Michael Cinco.
Sumaksi sa pulong na ginanap sa plaza ng munisipalidad ang maraming tao na mainit at masayang sinalubong at nakinig sa mensahe ni Yorme Isko.
Ikinatuwa ito ni Isko na sinabi na gustong-gusto niya na laging makinig at makipagtalakayan sa mga tao.
Aniya, “… Ako kasi, ang gusto ko tao, makinig sa tao at mapakinggan sa tao ang kanilang suliranin o pangarap sa buhay. Gusto namin makasama ang mga tao.”
Ipinaalaala ng alkalde ng Maynila na may solusyon sa maraming problema ng bansa at laging umasa at manalig sa awa ng Diyos.
“Huwag kayong susuko, may awa ang Diyos, makakaraos din tayo. We will be there for you. Tandaan n’yo ‘yan.”
Sa Moalboal, nakipagmiting si Yorme Isko kay Mayor Paz Rozgoni at pinag-usapan ang mga hakbang na gagawin upang matulungan ang maraming nawalan ng trabaho sa sikat-sa-mundong diving resort at paboritong lugar turismo na matinding pininsala ng pandemyang COVID-19 ng nakaraang taon.
Ipinangako ni Yorme Isko sa taga-Moalboal na agad siyang kikilos upang maibangon ang lugmok na industriya ng turismo dahil ito, aniya ang totoong tungkulin at pananagutan ng kanyang pamahalaan kung siya ang papalaring manalong panglo sa Mayo 2022.
Sabado, Nob. 6, binisita ng pangkat ng Aksyon Demokratiko ang Cebu-Cordova Bridge Link Expressway (CCLEex) na isang Public-Private Partnership (PPP) project na may habang 8.98 kms. na mula sa Cordova ay mararating ang Mactan Island patungong Mainland Cebu.
Bubuksan sa publiko ang CCLEex sa Marso 2022 na itatanghal na pinakamahabang tulay sa bansa.
Mainit ding tinanggap sina Yorme Isko sa mga siyudad ng Carcar at Talisay at tumuloy sa Apple One Tower sa Ayala Business Park in Cebu City na doon kinatagpo ang mga may-ari at mga kawani ng mga kompanyang business process outsourcing (BPO).
Inihayag niya na mabuting maglagak ng kapital ang gobyerno sa BPO patungong KPO (knowledge process outsourcing).
“Mas tatlong ulit na mas malaki ang kikitain sa KPO, sabi ni Isko.
Mas malawak at mas mabilis ang mga transaksiyon sa negosyo at komersiyo gamit ang modernong teknohiyang elektroniko na KPO, kaya ipinangko ni Yorme Isko na maglalagak ng malaking kapital ang kanyang administrasyon sa information technology infrastructure, at palalakasin ang internet connectivity.
The post BUHAY AT KABUHAYAN TOUR NI ISKO, MAINIT NA SINUPORTAHAN NG MGA CEBUANO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: