Facebook

BUHAY, KABUHAYAN SA GOBYERNONG ISKO MORENO

TODONG PANSIN sa kahalagahan at proteksiyon ng buhay, pagpapalago ng kabuhayan ang mangyayari sa gobyernong Isko Moreno kung siya ang manunungkulang pangulo sa 2022.

“Buhay at kabuhayan, iyan ang pangako namin sa inyong lahat,” ito ang pangako ni Manila Mayor Isko Moreno sa mamamayang kaharap sa miting na ginanap kamakailan sa bayan ng Santa Fe sa Nueva Vizcaya.

Ibinida rin ni Yorme Isko sa mga opisyal ng bayan, kasama sina Santa Fe Mayor Tidong Benito at dating mayor Teodorico Padilla Jr. ang dahilan sa pagpili niya kay Dr. Willie Ong na katiket na bise presidente.

Kalusugan ng bayan ang pagmamalasakitan ng cardiologist na si Doc Willie, at siya, bilang pangulo ay tutok nang husto sa pagpapalakas at pagpapalago ng ekonomya.

“Mahalaga ngayon ang buhay at kabuhayan. Kaya kinuha kong running mate ay isang duktor. Si Dr. Willie Ong na duktor ng bayan. Duktor na may malasakit sa buong bansa,” sabi ng pangulo at pambatong kandidatong presidente ng Aksyon Demokratiko.

Gagawan niya nang mabilis na aksyon at solusyon ang maraming problema ng bansa gawa ng pandemyang COVID-19, kakulangan sa trabaho at bigat ng pasaning buwis, makupad na serbisyong bayan at tutulungan ang maliliit na negosyo at industriya sa bansa.

Kaltas na 50 porsiyento sa buwis ng langis at koryente, mas maraming gusaling paaralan at ospital, maramihang murang pabahay, at pagtatayo ng maraming special agri-inudstrial zones para umakit ng lokal at dayuhang investor at daan-daan libong trabaho sa mga nawalan ng kita gawa ng pandemya at kalamidad.

Umatend sa miting ang marami pang lokal na opisyal ng 15 munisipalidad sa Nueva Ecija, mga lider-relihiyoso, mga katribung katutubo, dating rebelde mula rin sa NE at lalawigang Quirino, Isabela at Ifugao.

Naroon din ang kinatawan ng Isko Northern Alliance (INA) sa pamumuno ni Cicero Lumauig ng Baguio at Benguet at isang pamangkin ni Nueva Vizcaya Gov. Carlos Padilla Jr., iba-ibang samahan sa Nueva Vizcaya at mga tagasuporta ni Yorme Isko sa Northern Luzon.

Nagpahayag ng suporta sa Aksyon Demokrtatiko si Padilla na inihayag sa Santa Fe magsisimula ang Isko Moreno Solid North bunga ng paniniwala kay Isko Moreno.

“Sabi nga po nila, salita lang ni Isko Moreno ay pwede nang isanla. Mamaya po, isanla na natin para si Isko Moreno na ang susunod na presidente ng Republika ng Pilipinas,” naninindigang sabi ni Padilla.

Aniya pa, “Kapag si Isko Moreno ang naging pangulo, kayong mga tribu sa Nueva Vizcaya, sa Santa Fe – sigurado kapatid niya ang mga ito – hindi niya kayo pababayaan.”

Iginawad kay Isko ang pag-angking “Anak ng Tribuong Kalanguya” pagkarating ng pangkat ng alkalde sa lugar na pinangunahan ni Mayor Benito at ng Council of Elders of the Kalanguyas, isang mayoryang tribu na 12 porsiyento ang populasyon sa lalawigan.

Ipinalangin sa ritwal ang tagumpay ni Yorme Isko at pagtitiwalang magiging pakinabang sa bansa kung siya ang mahahalal na pangulo sa 2022.

Simbolo ng pagiging kapatid at anak ng tribung Kalanguyas ang pagpahid ng dugo ng kinatay na baboy sa noo ni Isko.

Sa ritwal noong Okt. 30, 2021, sinabi ni Padilla na “ipinanganak ang Isko Moreno sa bayang ito.”

“Ang mga Kalanguya ay meron na pong pananagutan, dadalhin ang pangalang Isko Moreno papunta sa Malakanyang. Hindi lang po ang mga Kalanguya, sapagkat andito rin po ang ang ibat-ibang tribu sa Nueva Vizcaya,” sabi ni Padilla na binasbasan si Yorme Isko na kasama sa paglalakbay ang diwa ng tribu patungo sa tagumpay sa Malakanyang.

The post BUHAY, KABUHAYAN SA GOBYERNONG ISKO MORENO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BUHAY, KABUHAYAN SA GOBYERNONG ISKO MORENO BUHAY, KABUHAYAN SA GOBYERNONG ISKO MORENO Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 03, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.