PINASIBAK sa puwesto at pinaiimbestigahan ni Philippine National Police Chief, General Guillermo Eleazar, ang isang hepe ng pulisya sa General Santos na nanakit ng kanyang mga tauhan.
Ang inireklamong opisyal ay si Captain Nemecio Calipjo Jr., Commander ng Gen. Santos Police Precint 8 sa Barangay Tinagacan, na nanuntok at nanampal sa apat nitong tauhan.
“I have already directed the RD, PRO12 to immediately relieve Police Captain Nemecio Calipjo, Jr. as commander of the General Santos City Police Precinct 8 while the investigation is being conducted against him,” ayon kay Eleazar.
Sa reklamo ng isang complainant, naganap ang insidente 1:30 ng madaling araw ng Linggo (Oct. 31, 2021) nang dumating sa prisinto si Calipjo na lasing.
Inutusan umano ni Calipjo ang mga tauhan na magsagawa ng formation sa istasyon na mayroon hawak na M1 rifle at sinimulan pagalitan at pagbantaan ang mga tauhan.
Habang pinagagalitan ay sinuntok at pinagsasampal ng opisyal ang apat na tauhan, pinagagalitan ng mahigit isang oras. Dahil sa kalasingan, pumutok ang bitbit nitong rifle nang ibaba ni Calipjo.
Nagalit umano si Calipjo nang ‘di agad umaksyon ang mga tauhan sa reklamo nito.
“All police commanders should set good leadership examples to their men and what Police Capt. Calipjo, based on the initial report I received, was clearly a breach of discipline and violation of PNP rules and regulation,” saad ni Eleazar.
“Hindi ko hahayaan na ganitong uri ng pulis ang mamumuno sa mga komunidad dahil kung hindi niya kayang sundin ang aming patakaran at irespeto ang kanyang kapwa pulis, malamang hindi rin niya kayang irespeto ang mga karapatan ng ating mga sibilyang kababayan,” dagdag pa ni Eleazar.
Sinabi ni Eleazar na sa sandaling mapatunayan ang naging aksyon ni Calipjo, hindi nila ito kukunsintihin at maharap sa kasong administratibo.(Mark Obleada)
The post LASING NA HEPE NG PULIS NANAKIT NG MGA TAUHAN, SINIBAK! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: