Facebook

ISKO: GAGAWING ECONOMIC CENTER ANG VISAYAS

IPINANGAKO ni Manila Mayor Francisko ‘Isko Moreno’ Domagoso na magtatayo siya ng maraming impraestruktura tulad ng programang “Build, Build, Build” ng kasalukuyang administrasyon upang makalikha ng maraming trabaho at mapabilis ang pag-usbong at paglago ng ekonomya sa maraming lugar sa bansa.

Inihayag ito ni Yorme Isko sa dalawang araw na “Listening Tour” ng pangkat ng Aksyon Demokratiko sa mga lalawigan sa Central Visayas na doon, ipinaliwanag niya ang programa ng administrasyong pamumunuan niya – kung mananalo siyang pangulo sa Mayo 2022.

“Pag meron bagong tulay, highway, airport, sea port, at MRT, siguradong nandyan ang maraming trabaho at maraming opportunity para mas kumita ang tao,” sabi ni Isko tungkol sa uunahing programang “Buhay at Kabuhayan” ng kanyang gobyerno.

Sa pagdalaw ni Yorme Isko sa Cebu, humanga ang magkakapatid na Garcia sa programa nito kung paano palalakasin ang lokal na turismo, tulong sa MSMEs, aksiyong mabilis laban sa pinsalang gawa ng pandemyang COVID-19, pagpapasigla sa agrikultura at isdaan, maayos na pag-iimbak ng pagkain at pagpigil sa katiwalian.

Nitong Sabado, Okt. 6, kasama si Cebu Gov. Gwendolyn Garcia, binisita nila ang Cebu-Cordova Bridge na pinakamahabang tulay sa bansa sa oras na makumpleto ito.

May habang 8.98 kilometro, kokonekta ang Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX) sa isla ng Mactan tagos sa bayan ng Cordova patungong Mainland Cebu.

Mayroon lamang 2.15 kilometro ang kilalang The San Juanico Bridge sa Eastern Visayas.

May malapad na viaduct at causeway, umaabot sa P30-B ang nagagastos sa proyekto na sinimulan noong Enero 9, 2018 at makukumpleto sa Marso 2022.

Sinabi ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko na napakahalaga ng impraestrukturang tulad ng CCLEX sa mabilis na transportasyon ng mga produkto at pasahero mula sa iba-ibang lugar sa Central Visayas at bunga nito babangon at sisigla ang kalakalan, negosyo, hanapbuhay, turismo at ang pagtugon ng gobyerno sa panahon ng kalamidad at iba pang sakuna.

Aniya, itutuloy niya ang “Build,Build, Build Program” na bahagi ng Bilis Kilos 10-Point Agenda for Governance ng kanyang administrasyon, sabi ni Yorme Isko Moreno.

Aniya, hindi rocket science ang pagtatayo ng mga tulay, mga daan at iba pang impraestruktura para maikonekta ang mga lalawigan at lokal na pamahalaan sa mga isla ng rehiyon sa Visayas.

“It’s a matter of priority by the national government,” sabi ni Yorme Isko sa mga mamamahayag.

Upang maikonekta at maikabit ang mga isla sa Visayas, kailangang maitayo ang Tagbilaran-Panglao Link Bridge; Panay Guimaras-Negros Link Bridge; Cebu-Bohol Link Bridge; Cebu-Negros Link Bridge; Bohol-Leyte Link Bridge at Leyte-Surigao Link Bridge.

Kung magagawa ito, magiging sentro ng masiglang buhay at kabuhayan ang Visayas at “hindi na lamang Luzon ang ating economic center. Visayas can be an economic center,” sabi ng kandidato ng Aksyon Demokratiko.

Sa kanyang administrasyon, magpapatuloy ang Public-Private Partnership (PPP).

Napakahalaga na kapartner ng gobyerno ang pribadong sektor na maglalagay ng kapital at teknolohiya upang mabilis na maitayo ang maraming impraestruktura para ang pondo ng pamahalaan ay mailaan sa mga serbisyo sa kalusugan, edukasyon at iba pang tulong sa maraming maliliit na negosyo sa bansa, sabi ni Isko.

Ililinya niya, sabi ni Yorme Isko ang “Build, Build, Build program” ng administrasyong Duterte kasabay ng pagtatayo pa ng maraming murang pabahay, modernong ospital, mga paaralang publiko.

“Kung may construction boom, magkakaroon tayo ng libo-libong trabaho at hanapbuhay sa maraming pamilyang Pilipino,” sabi ni Isko na inaasahang ieendorso ng One Cebu Party ng maimpluwensiyang pamilya Garcia at marami pang politiko at mamamayan ng Central Visayas.

The post ISKO: GAGAWING ECONOMIC CENTER ANG VISAYAS appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ISKO: GAGAWING ECONOMIC CENTER ANG VISAYAS ISKO: GAGAWING ECONOMIC CENTER ANG VISAYAS Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.