MADALAS sumasablay sa kanilang operasyon ang mga awtoridad.
Kaya marami ring drug suspects ang naaabswelto.
Daan-daan ding kasong may kinalaman sa illegal drugs ang nababasura ng Korte Suprema dahil sa lapses ng mga pulis, piskal, at korte.
May mga drug cases din kasi na kahit mahina ang ebidesya ay talagang pilit na isinasampa ng ilang pulis at prosecutors.
Isa sa mga halimbawa riyan ay ang kaso ni Julian Roberto Ongpin, anak ni dating Department of Trade and Industry (DTI) at businessman Roberto Ongpin.
Si Ongpin ay nagpasaklolo sa Department of Justice bunsod ng drug case na isinampa laban sa kanya sa isang korte sa La Union.
Sa 32-pahinang petition for review na inihain sa tanggapan ni Justice Secretary Menardo Guevarra, binigyang diin ni Ongpin na walang ebidensyang susuporta sa findings ng DOJ panel na sa kanya ang cocaine na narekober daw sa silid ng isang hostel na naging dahilan upang masampahan siya ng kasong paglabag sa Section 11 (possession of illegal drugs) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sabi niya, maaaring hindi rin raw nakita ng lupon ng mga piskal na ang sinasabing droga ay nakuha kasama ng mga gamit na hindi naman sa kanya.
Kalakip ng petisyon, nagpakita rin si Ongpin ng mga larawan na kuha sa isinagawang crime scene investigation.
Dito raw makikita na ang hinihinalang droga ay nasa loob ng isang bag na naglalaman naman ng medication o reseta para kay Bree Patricia Agunod na natagpuang walang malay sa hostel room at kalauna’y idineklarang dead on arrival sa isang ospital sa La Union.
“[T]he medication consisting of ‘lamotrigine’ belonged to [Bree] is established by the copies of the prescription dated 29 August 2021, issued by Dr. George S. Soo for ‘Breanna Patricia Agunod’…” ayon kay Ongpin. “Further, a closer look at the SOCO’s picture[s] show that there is a Philippine passport among the items recovered with the subject drugs.”
Kasama aniya sa bag na naglalaman ng droga ang isang pasaporte na kung binuksan daw sana ng mga imbestigador ay malalaman kung sino ang tunay na nagmamay-ari nito dahil ang pasaporte niya ay nasa kanya noong mga oras na iyon.
Kasabay nito, inakusahan ni Ongpin ang panel nang pagbabalewala sa tahasang paglabag daw sa chain of custody rule ng mga awtoridad.
Dapat daw aniya ay nasa lugar siya o ang kanyang legal counsel nang makumpiska ang droga, gayundin ang ilang kinatawan mula sa media at DOJ, at sinumang elected public official, para sa physical inventory at pagkuha ng mga larawan ng droga, dahil maaari silang palagdain dito o bigyan ng kopya pagkatapos ng proseso.
“The error of the panel in ignoring the chain of custody rule in this case is highlighted by the glaring absence of any attempt on record to even summon the respondent-appellant or any of the other essential witnesses to the crime scene during the marking, the physical inventory, and photographing of the subject drugs,” saad pa sa petisyon ni Ongpin.
Well, bunsod ng mga tinukoy na lapses, mukhang tama si Ongpin sa kanyang hirit sa DOJ na isantabi ang ruling ng kagawaran na may kinalaman sa kanyang drug case at tuluyan na itong ibasura.
Bukod pa nga riyan, hiniling din ni Ongpin sa ahensya na bawiin ang inihaing information ng panel of prosecutors laban sa kanya sa San Fernando City, La Union Regional Trial Court Branch 27, at maging ang Precautionary Hold Department Order (PHDO) na inisyu rin ng naturang korte.
* * *
PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!
The post JULIAN ONGPIN NAGPASAKLOLO SA DEPARTMENT OF JUSTICE appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: