Facebook

Magsasaka ng Paniqui, Tarlac nagpapasaklolo sa bagong DAR Secretary

NAGPAPASAKLOLO ang mga magsasaka ng Paniqui,Tarlac sa bagong talagang secretary ng Department of Agrarian Reform (DAR) na si DAR Secretary Bernie Cruz upang iparating ang kanilang hinaing dahil sa mabagal na pagkilos umano ng DAR Tarlac Provincial Office na maipamahagi ang lupang ipinagkaloob na sa kanila ng gobyerno.

Ayon sa grupong Benipisaryong Magsasaka ng Lupaing Cojuangco ng Paniqui,Tarlac sa Barangay Abogado, Estacion at Canan, humihingi ng kaukulang tulong ang mga magsasaka upang maipamahagi na ang mga lupang agrikultural kalakip nito ang mga titulo ng kanilang lupa.

Batay sa nakuhang dokumento, nababalam at inuupuan umano ng DAR Tarlac Provincial Office ang pagproseso umano ng kanilang mga lupang agraryo upang hindi kaagad mapasakamay ng mga magsasaka ang mga naturang lupa na dapat ay mapunta sa mga magsasaka na benipisaryo ng programa ng pamahalaan na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ayon kay Roward Lorenzo, spokesperson ng nasabing samahan may napansin sila na ilan sa sa mga kaukulang Katibayan (Certification) ay sadyang minali umano ang karamihan sa mga pangalan ng mga benepisaryo na siyang isa sa naging sanhi ng pagkalito at pagkakaantala ng proseso para maisalin sa mga magsasaka ang mga titulo ng lupa o Certificate of Land Ownership Awards (CLOA).

Nabatid pa kay Lorenzo na naghihinala umano ang kanilang mga kasamahang magsasaka na nasasabotahe ang proseso ng pagbibigay ng CLOA sa kanila para tuluyang mawalan sila ng interes sa lupang agraryo na kanilang inaasam.

Napag-alaman din naturang lider magsasaka na nagbigay na ng pahintulot si Manuel Cojuangco, sa pamamagitan ng kanilang mga abogado, na ipamigay na ang naturang lupain sa mga tunay na benepisaryo ang titulo ng lupa sa madaling panahon kung saan ito ay naipamahagi na dapat noong 1998 pa.

Kaugnay nito umaasa ang mga magsasaka ng Paniqui Tarlac na makakarating sa kaalaman ng bagong talaga na kalihim ng DAR na si DAR Sec. Bernie Cruz ang hinaing ng mga magsasaka ng lupaing Cojuangco sa Paniqui Tarlac.

Samantala, kaugnay nito sinikap naman ng sumulat na makuha ang panig ng Department of Agrarian Reform (DAR) hinggil sa naturang isyu subalit nabigo ang sumulat na makuha ang panig ng mga opisyal ng DAR.(Boy Celario)

The post Magsasaka ng Paniqui, Tarlac nagpapasaklolo sa bagong DAR Secretary appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Magsasaka ng Paniqui, Tarlac nagpapasaklolo sa bagong DAR Secretary Magsasaka ng Paniqui, Tarlac nagpapasaklolo sa bagong DAR Secretary Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.