
DALAWANG taon na sa Marso 15,2022 mula noong ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang unang lockdown sa bansa bilang solusyon sa pag-atake ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).
Unang tinamaan ng lockdown ang National Capital Region (NCR) noong Marso 15, ngunit pagkaraan ng dalawang araw ay isinama ni Duterte ang buong Luzon sa lockdown.
Isa sa pangunahing laman ng naturang utos ay pagpapatigil sa operasyon ng mga negosyong walang papel sa pagkain at kalusugan.
Ang argumento ni Duterte ay hindi esensiyal ang mga kumpanyang hindi gumagawa ng mga pagkain at mga gamot, kaya lahat ng mga kumpanyang wala sa negosyong ito ay ipinasara.
Natural, maraming manggagawa at empleyado ang nawalan ng trabaho.
Sa madaling salita, hinagupit ni Duterte ang buhay ng mga taong nagtatrabaho o ng mga manggagawang pasok sa “formal sector” dahil nawalan sila ng buwanang sahod.
Pokaragat na ‘yan!
Tinamaan din ang mga manggagawang kabilang sa “informal sector” (mga naghahanap-buhay at kumikita, ngunit ‘di regular dahil hindi sila pumapasok sa kumpanya).
Ngunit, kahit mahigpit ang utos ni Duterte laban sa mga negosyanteng hindi pagkain at gamot ang produkto, patuloy silang nagnegosyo.
Hindi kumita ang mga negosyong ito na inunawa nang lubos ng kanilang mga manggagawa.
Dahil walang kita, malaki ang ibinawas ng mga kapitalista sa sahod ng kanilang mga mga manggagawa.
Mayroong mga kapitalista na kalahati ng minimum ang pasuweldo.
Kalahati na nga, labis-labis ang pagkaantala sa pagpapasuweldo.
Pokaragat na ‘yan!
Kung hindi ako nagkakakamali, ang ginamit na batayan ng mga kapitalista sa napakalaking bawas sa sahod ng kanilang mga manggagawa o empleyado ay ang direktibang inilabas ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nagpapahintulot sa mga negosyante na bawasan muna ang sahod ng kanilang manggagawa sa loob ng anim na buwan o depende sa haba ng buwan na makakaya ng mga negosyante na muling maibigay ang minimum na sahod na siyang nakasaad sa umiiral na batas o batay sa nakasulat sa kontratang pinagkasunduan ng mga empleyado at mga may-ari ng kumpanya.
Sa panahong naging kalahati ang sahod, patuloy pa ring binawasan ito ng mga negosyante kada buwan bilang panghulog sa Social Security System (SSS), sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at iba pang bayarin bawat buwan.
Hindi umangal ang mga manggagawa dahil ito naman ang nakasaad sa batas.
Ang hindi nagustuhan ng mga manggagawa ay ang pagtaas ng SSS sa buwanang hulog.
Humupa ang inis ng mga manggagawa na nangyaring umento dahil wala naman silang magagawa sa implementasyon ng SSS sa binabanggit ng batas.
Ngunit, ikinabubuwisit ng mga mangggagawa ay kinaltasan ang kanilang suweldo upang ipanghulog sa SSS at iba, subalit hindi naman inihulog sa SSS at iba pang ahensiya.
Pokaragat na ‘yan!
Regular na kinakaltasan ang sahod para sa SSS, PhilHealth at iba pang binabayaran sa pamahalaan bawat buwan, tapos hindi inihuhulog!
Pokaragat na ‘yan!
Ligal ba ito o tahasang paglabag sa mga batas?
Hindi tamang katwiran o batayan ang COVID – 19 para balewalain ang hulog sa SSS, PhilHealth at iba pa.
Napakalaking kalokohan na kung COVID – 19 pa rin ang idinadahilan ng mga kapitalista.
Palusot ‘yan ng masisiba sa pera!
Dapat ireklamo ng mga manggagawa ang mga negosyanteng nangsasalaula sa kanilang SSS, PhilHealth at iba pa.
Masama ang epekto sa mga manggagawa kapag hindi nababayaran ang kanilang SSS o PhilHealth dahil direktang sapul ang mga benepisyong dapat nilang mapakinabangan.
Kaya, napakamali ang hindi paghuhulog ng mga kapitalista sa buwanang hulog ng kanilang mga manggagawa o empleyado sa SSS, PhilHealth at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Hindi lang mali, kundi napakasama ng kanilang ginagawa laban sa mga manggagawa!
Pokaragat na ‘yan!
Napakalaking halaga na nga ang nawala sa mga manggagawa o empleyado dahil nanatiling kalahati ang suweldo mahigit isang taon na mula 2020, tapos mayroon pang mga negosyanteng balasubas sa perang dapat inihuhulog sa SSS, PhilHealth at iba pa.
Sa pananatili ng kalahating sahod ay pihadong higit na malaki ang kita at perang pumapasok sa bangko ng mga negosyante kumpara sa napupunta sa mga manggagawa.
Kung hindi ito kasibaan, hindi ko alam ang tawag sa ginagawa ng ganyang klaseng mga kapitalista.
Kundi masisibang negosyante, tulungan po ninyo ako kung alam ninyo ang tawag sa kanila.
The post Napakasibang mga negosyante, balasubas sa mga empleyado kahit kumikita appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: