Facebook

NASA 18K NA ISF NAGKA-BAHAY NA SA QC

HALOS labingwalong (18) libong pamilya na ng mga ‘informal settler families’ (ISFs) ang nabiyayaan ng disenteng tirahan sa ilalim ng ‘socialized housing program’ ng pamahalaang lungsod ng Quezon City sa unang tatlong taon pa lamang ng panunungkulan ni Mayor Joy Belmonte.

Ito ang inihayag ni Ramon Asper, hepe ng Housing Community Development and Resettlement Department (HCDRD), sa nakalipas na ‘turn-over’ ceremony ng bagong tayo na three-storey row houses sa may Sito Sto. Cristo sa may Barangay Balingasa. Apatnapu’t limang (45) pamilya ng ISF ang nabigyan ng maayos na tirahan na may sukat na 21 square meter (sq.m.) at nagkakahalaga lamang ng P450,000 na maaaring bayaran sa loob 25 taon.

Pag-uulat pa ni Asper, bukod pa ang bilang ng naunang 48 pamilya na nakatira na sa katabing ‘row houses’ na naitayo na ng dating administrasyon sa 2,632 sq.m. na lupaing pag-aari ni Estrella Cruz Pangilinan na piniling ibenta na lang sa pamahalaang lokal ang kanyang ari-ariang lupa.

“Dapat, dalawa pang gusali ng row houses ang susunod na itatayo, ngunit nakaisip ng magandang paraan ang butihin nating Mayor na gawing 12-storey building na lamang ang ipatayo sa natitirang espasyo ng lugar, upang marami pang pamilya ng ISF ang mabibigyan ng tirahan,” ang paliwanag pa ni Asper, kaya ang ‘turn-over ceremony’ ay sinabayan na ng ‘ground breaking’ sa nasabing lugar.

“Kapag nakumpleto na ang pagtatayo ng 12-storey building, mayroon itong 315 socialized housing unit, na hahatiin sa iba’t ibang sukat gaya ng 216 units na 28 sq.m.; 51 units na 30 sq. m.; 32 units na 34 sq. m. at 16 units na 35 sq.m. ang laki,” dagdag pa ng hepe ng HCDRD.

“Maari na rin natin patirahin ang natitirang 149 ISFs na dati ay nakatira sa lugar at pababalikin hindi na sa kanilang barong-barong kung di sa maganda at maayos ng tirahan,” ang sabi ni Asper.

Ang natitira pang mga housing units ay iaalok din sa iba pang pamilya ng mga ISFs sa lungsod.

Kabuuang 17,932 na mga ISF na ang iniulat pa ni Asper na nabigyan na ng maayos na mga tirahan sa 26 na ‘parcels of land’ na sumailalim sa mga proseso gaya ng direktang pagbili ng lungsod, negosasyon, tinayuan ng gusali, o kaya ay nasa ilalim ng National Housing Authority Relocation Program, kabilang na ang tinatawag na ‘in-city’ socialized housing projects simula pa noong 2019 na karamihan ay naibigay na sa mga natukoy na mga ISF.

Ang tanging kailangan lamang para maging kwalipikadong benepisyaryo ng socialized housing program ng lungsod, ayon kay Asper, ay kung ang tao o residente ng lungsod ay payak at salat ang pamumuhay.

Ang programang pabahay ay naka-akibat at pangalawa sa “14 point agenda ni Mayor Belmonte, ang pagtatapos ni Asper.

The post NASA 18K NA ISF NAGKA-BAHAY NA SA QC appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
NASA 18K NA ISF NAGKA-BAHAY NA SA QC NASA 18K NA ISF NAGKA-BAHAY NA SA QC Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 13, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.