TAPOS ang maliligayang araw ng mga tiwaling miyembro ng kapulisan, partikular na ang mga tinatawag na ninja cops sa sandaling maupo sa Malacanang ang tandem nina Senador Panfilo Lacson at Senate President Vicente Sotto III sa 2022.
Ito ang tiniyak ni Lacson, ang standard-bearer ng Partido Reporma sa panayam nito Martes ng umaga sa radio station DZRJ, matapos mausisa hinggil sa kung anong programa ang gagawin niya para mawakasan ang paglaganap ng mga ninja cops.
Ang ninja cops ay ang mga tiwaling miyembro ng Philippine National Police na nagre-recycle ng mga ilegal na droga na nakukumpiska sa mga drug operation at saka ito muling ibinibenta sa merkado. Sa isang survey ng Social Weather Station noong 2020, sinasabi na 78 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwala na merong mga “ninja cops”.
Ayon kay Lacson may pagkakamali sa istratehiya sa paglaban sa ilegal na droga kung kayat namayagpag ang mga scalawag sa hanay ng kapulisan.
“Yung approach nating ginawa sa paglaban sa ilegal na droga na focused masaydo sa law enforcement kaya yung mga scalawags ay medyo namayagpag,” ani Lacson.
Giit ni Lacson dapat mai-adjust ang strategy ng pamahalaan sa paglaban sa ilegal na droga na dapat ay sumentro sa prevention at rehabilitation.
“Dapat mag-adjust tayo ng strategy, dapat ang focus, gaya nang palaging sinasabi ni Senate President (Sotto) ay mag-focus tayo more on prevention and rehabilitation, holistic dapat yung approach,” paliwanag pa ni Lacson.
Kasabay nito, iginiit ni Lacson na dapat mawakasan na rin ang walang humpay na extrajudicial killings na ngayon ay nagdulot ng kaliwa’t kanang kaso ng crimes against humanity sa International Criminal Court na isinampa laban kay Pangulong Duterte at ilan pa niyang mga opisyal.
Naniniwala si Lacson na dumami ang EJK cases dahil tila “napakawalan” ang kapulisan habang isinusulong ang drug war.
“Dumami yan dahil nalargahan yung ating mga kapulisahan. Nagkaroon ng resbakan ng mga napapatay o nahuhuli. Naging over eager hindi maganda yung kinalabasan kaya nagkaroon ng maraming kaso ng ganyan,” dagdag pa ni Lacson.
Kailangan aniya na mawakasan ang ganitong mga suliranin ng “ninja cops” at EJK sa pamamagitan ng bagong istratehiya na gagamitan ng holistic approach.
The post Ninja cops, EJK ekis sa Lacson-Sotto tandem appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: