Facebook

OPOSISYON, KRITIKO, LGTBQI KASALI LAHAT SA GOBYERNO NI ‘PRESIDENT’ MORENO

HANDANG makinig, maaari pa ngang isama sa gobyerno ang oposisyon at kritiko sa kanyang gobyerno. 

 

 

“I can work with anybody, kahit sino pa … nagawa ko ‘yan sa Maynila, at magagawa, mangyayari ‘yan sa aking administrasyon,” sinabi ito kamakailan ni Aksyon Demokratiko presidential candidate Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga mamamahayag. 

 

Ginawa ni Yorme Isko ang pahayag matapos ang pulong niya kay Vice Mayor Honey Lacuna at mga opisyal ng pamahalaang lungsod kaugnay ng ginagawang libreng pagbabakuna sa mga batang edad 12 hanggang 17 anyos sa Maynila. 

 

Ikinatuwa ng alkalde ang balitang maraming batang Maynila ang dumating sa mga mall para tumanggap ng libreng bakuna. 

 

Sa tanong kung paano niya tatratuhin ang mga kalaban sa politika, sinabi ni Isko na “kung valid at reasonable ang kanilang kritisismo, then I’ll listen.” 

 

Kasali ang oposisyon at mga kritiko sa tungkuling paglingkuran niya, kung siya ang mahahalal na pangulo sa Mayo 2022. 

 

“Lahat ay kasali, even those who did not vote for me. Mandato ng pangulo ang maglingkod, makinig at magpatupad para sa pakinabang ng lahat, kahit sa mga di bumoto (sa akin),” sabi ni Yorme Isko. 

 

Paliwanag ng 47-anyos na alkalde, marami sa 38 konsehal ng Maynila ay hindi niya kapartido pero maayos na kanyang nakakatrabaho sa City Council. 

 

Galing sa mga prominenteng pamilya, mga abogado, propesyonal ang ilan sa kritiko ng kanyang administrasyon sa Maynila. 

 

“Nakikinig ako sa kanila, kinakausap ko sila, iniintindi ko ang mga sinasabi nila, lahat ay pinakikinggan natin, at ginagawa ko, sinisikap ko na magkaunawaan at magkasundo kami,” sabi ni Yorme Isko. 

 

Okey lang kay Isko ang magdebate pero kung walang saysay ito at kumokontra lang talaga sa pag-asenso ng Manilenyo, “gumagawa na ako ng matatag na desisyon sa ikabubuti ng mamamayan.” 

 

Lahat ay bibigyan niya ng maayos at naangkop na proteksiyon, sabi pa ni Isko. 

 

“Pag sinabi kong lahat, kasama diyan ang mga kasama natin sa LGBTQI community,” sabi ng alkalde – na tinutukoy ay ang mga gay, bisexual, transgender, queer and intersex (LGBTQI). 

 

“Hindi lang natin siya kikilanin: they are part of my governance.” 

 

Mas tinitingnan niya, sabi ni Yorme ang kakayahan, karanasan, kahusayan at katapatan ng tao, at sila ay tatanggapin, bibigyan ng pagkakataon na makasama sa panunungkulan sa kanyang gobyerno, paninindigan ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko. 

 

“Ganyan kami rito sa Maynila, lahat ay ating nire-recognize, lahat ng may talent, kasama, kasali natin sa paglilingkod sa mamamayan,” sabi ni Yorme Isko. 

 

Patotoo nito, noong Oktubre 28, 2020, pinirmahan ni Mayor Domagoso ang Ordinance No.8695 na nag-aatas na alisin ang lahat ng kilos o salita na magbibigay dungis at paghamak sa tao base sa kanilang anyo, itsura, pakiramdam sa sexualidad, lalo na sa LGBTQI. 

 

“Ke bakla, tomboy, o kahit ano pa, ang mahalaga ay ang kanilang talents, kung napakahusay nila, sa kanila, ibinibigay ko ang pinakamataas kong pagrespeto. For me, love begets love; respect begets respect. Anoman o sinoman, magrespetohan tayo at tahimik ang ating mundo,” sabi ni Yorme Isko. 

 

Bunga ng ordinansa, itinatag sa Maynila ang Gender Sensitivity and Development Council (GSDC), pati ang pagbuo ng LGBTQI desks sa lahat ng barangay sa siyudad. 

 

Sa loob ng tatlong taon, iniuutos sa ordinansa ang pagtatayo ng ‘gender-neutral toilet’ sa mga lugar ng negosyo at kungdi ito magawa, sapat na itong dahilan upang tanggihan ang muling pagkakaloob ng business permits, dagdag pa ang multa at maaaring pagkabilanggo.

The post OPOSISYON, KRITIKO, LGTBQI KASALI LAHAT SA GOBYERNO NI ‘PRESIDENT’ MORENO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
OPOSISYON, KRITIKO, LGTBQI KASALI LAHAT SA GOBYERNO NI ‘PRESIDENT’ MORENO OPOSISYON, KRITIKO, LGTBQI KASALI LAHAT SA GOBYERNO NI ‘PRESIDENT’ MORENO Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.