Facebook

Palakas loob

MAY himig panunuya ang huling pahayag ni Rodrigo Duterte tungkol sa formal investigation ng International Criminal Court (ICC) sa kanyang madugo ngunit bigong giyera sa droga. Na-iba ng pahayag ang tila nababaliw na dating alkalde ng Davao City at sinabi na hindi niya papasukin ang mga imbestigador ng ICC.

Nagpapalakas loob si Duterte. Labis siyang nababahala dahil hindi niya kabisado ang proseso ng ICC. Walang nakakapgbigay ng payo sa kanya sapagkat kapareho niyang mangmang sa proseso ng ICC ang mga abogado na malapit sa kanya. Hindi niya maaasahan ang sinuman kina Harry Roque at Sal Panelo na bigyan siya ng maayos na payo.

May pahayag si Duterte sa aakuin niya ang responsibilidad sa pagkitil sa buhay ng nasa pagitan ng 16,000 hanggang 30,000 mamamayan sa ilalim ng bigong giyera sa droga. “Sagot ko kayo,” ani Duterte sa maraming pulis na sangkot umano sa pagpaslang sa mga pinaghinalaan na adik at tulak ng ilegal na droga.

Tulad na nakagawian, nagpapalakas loob lang si Duterte. Mistulang nasa inuman si Duterte at nagpapasikat sa mga kasamang lasing. Hindi niya kabisado ang ICC. Ngunit kung pagbabatayan ang probisyon ng Rome Statute, tratado na bumubuo sa ICC, may kapangyarihan ang ICC na mag-isyu ng arrest warrant laban sa kanya. Puede siyang arestuhin at ikinulong sa kulungan ng ICC sa The Hague. Labis niyang kinatatakutan ito.

Sumulong ang sakdal na crime against humanity na iniharap noong 2017 nina Sonny Trillanes at Gary Alejano sa ICC laban kina Duterte at mga kasapakat ng kinabibilangan nina Bato dela Rosa, Dick Gordon, Alan Peter Cayetano, Jose Calida, Vitaliano Aguirre at iba pa. Sumapit na yugto ng formal investigation ang sakdal. Ito ang yugto na puede maglabas ng arrest warrant ang ICC laban kina Duterte at mga kasapakat.

May batayan sa kasaysayan na matakot si Duterte at mga kasapakat. Noong mga 1990, ganyan kaangas si Slobodan Milosevic, presidente ng Serbia. Nilibak niya ang International Criminal Court for the former Yugoslavia (wala pa ang ICC noon). Sinasabi niya sa buong mundo na hindi siya nagpadakip at haharap sa Tribunal. Walang pagkakaiba sa mga sinasabi ni Duterte ang ipinagmamalaking ni Milosevic.

Pero nang natalo siya sa halalan at wala na sa poder, ibinigay siya ng humalili sa Tribunal na may kulungan sa The Hague. Ikinulong si Milosevic at nilitis hanggang mamatay siya sa atake sa puso noong 2004. Ibinigay siya ng humalili sa kanya dahil pinangakuan ang Serbia ng tulong pinansyal na aabot sa $1 bilyon. May pangako na maging kasapi ng European Union ang Serbia. Aba, malaking biyaya ang inabot ng Serbia na nawasak sa giyera.

Wala nang silbi si Milosevic noon kaya giveaway lang siya.. Ganyan ang mangyayari kay Duterte. Ibibigay siya ng walang abog ng kahit sino ang humalili sa kanya. Wala na kasi siyang halaga. Alam ni Duterte at salat niya ang takbo ng kasaysayan.

***

BASANG sisiw si Harry Roque nang guluhin ng mga kritiko ang cocktail party na isusulong sana ang kanyang kandidatura sa pagka-director ng International Law Commission (ILC), isang sangay ng United Nations na ang pangunahing gawain ay suriin ang daloy ng mga batas sa buong mundo. Nominado siya ni Duterte na maging director sa ILC. Nagdemonstrasyon ang mga kritiko at hindi natuloy ang pagtitipon.

Mukhang alam ni Harry Roque na hindi siya mananalo sa halalan ng directr na bubuo ng ILC. Marami ang tumututol sa kanyang nominasyon. Kaya batay sa huling pahayag, Ang Senado ang pagtutuunan niya na pansin. Ngunit walang panalo si Roque. Hindi siya tinatanggap ng mga lapiang pulitikal upang maging kandidato sa Senado.

***

ISANG netizen ang nagtanong sa amin kung totoong nagbigay ng order si Ferdinand Marcos na bombahin ang mga daan libong sibilyan nagtipon sa sa 1986 EDSA People Power Revolution. At maging sa Camp Crame kung saan nagkuta ang mga rebeldeng sundalo.

Narito ang aming sagot: “Sa totoo lang, pumayag si Marcos. Unang ipinadala ni Marcos, sa pamamagitan ni Gen. Fabian Ver, ang mga tangke na pinamumunuan ni Phil Marines chief B/G Artemio Tadiar noong Feb. 23. Hindi umubra kasi hinarang sila ng mga madre at tao sa panulukan ng EDSA at Ortigas. Balik na lang sa Fort Bonifacio ang mga tangke.

“Sumunod ang mga helicopter gunship ni Col. Antonio Sotelo noong umaga ng Pebrero 24. Ang order ay bombahin ang Camp Crame. Siempre, sapul ang mga tao diyan. Pero bumaligtad ang grupo ni Sotelo at sumama sa mga rebeldeng sundalo. Inutusan si Col. Braulio Balbas noong Pebrero 24 na bombahin ang Camp Crame pero hindi sumunod at pinaglaruan sila ni Balbas.

Bandang huli bumalik na sila sa Camp Bonifacio.

“Sinubukan rin i-disperse ng mga pulis sa pamamagitan ni Police B/G Ruben Escarcha noong umaga ng Pebrero 25 pero hindi umubra. Naghagis sila ng tear gas pero biglang nag-iba ang hihip ng hangin at ang tear gas ay napunta sa mga pulis. Diyan pa lang makikita ang divine intervention.

“May utos sina Ver at BBM na bombahin ang Crame noong umaga ng Pebrero 25. Last minute order na. Pero walang heneral ang sumunod kasi nagsipagbaligtaran na. Diyan may kaunting kontrobersiya. Pinigil daw ni Marcos. Sa TV lang iyon. Ang totoo pumayag siya. Kaya lang walang mangahas loob ng isakatuparan iyon kasi maraming sibilyan ang mamamatay. Kasi naubos na ang mga heneral niya at nasa kabilang panig na.”

Ayan, sana malinaw na. Hindi santo si Marcos na hindi nagbigay ng order na bombahin ang Camp Crame na ikasasawi ng maraming tao. Nagbigay siya ng order. Desperado siyang nangunguyapit sa poder. Ang pinakamalaking suliranin niya ay walang heneral o opisyal na mangahas loob na pumatay ng napakaraming sibilyan. Ayaw nilang matawag ang alinman sa kanila na “butcher of EDSA.” Claro?

Teka, may mga bobong Marcos loyalista na humihirit pa at nagtatanong kung nasaan ang ebidensiya ko na may order si Marcos na bombahin ang Camp Crame. Kung hindi ba naman bobo at ulol sila, bakit hindi nila itanong sa sarili nila kung bakit pumunta ang mga tangke ni Tadiar, bakit pumunta ang mga helicopter gunship ni Sotelo, bakit pinapunta ang tropa ni Balbas, bakit nagpasabog ng tear gas ang mga pulis ni Escarcha? Gagawa ba ng hakbang ang mga taong ito kung walang order ni Marcos? Maigi itanong nila sa kanilang sarili kung bakit hindi sumunod ang mga inutusan ng diktador. Claro?

The post Palakas loob appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Palakas loob Palakas loob Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 04, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.