Facebook

Suarez at 3 pang Bokal, ipinasa ang P4.1-B badyet ng Quezon

IBANG klase rin ang Sangguniang Panlalawigan ng Quezon dahil ipinasa nito ang P4.1 bilyong badyet ng panlalawigang pamahalaang pinangangasiwaan ni Gobernador Danilo “Danny” Suarez, samantalang apat lamang ang mga kasapi nito.

Kahit apat na miyembro lamang ang mga dumalo sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, mabilis na inaprubahan at ipinasa ng apat na Bokal ang
nakabinbing “2021 Annual Budget” ng lalawigan.

Naganap ito sa ikinasang espesyal na sesyong naganap nitong Sabado.

Pokaragat na ‘yan!

Ayon sa nakakaalam ng sesyon, ang anak ni Gobernador Suarez na si Bokal Donaldo “Jet” Suarez ang nagpursigeumano upang maaprubahan at ipasa nila ang ang 2021 revised provincial annual budget na P4,157,830,020.

Dahil dito, mayroon nang pondo ang administrasyon ni Gobernador Suarez para sa 2021.

Pokaragar na ‘yan!

Para sa kaalaman ng mamamayan ng Quezon, ang nangyari raw noong umaga ng Sabado ay binuo ng Panlalawigang Sanggunian, sa pangunguna ni Bise- Gobernador Samuel Nantes, ang Sanggunian bilang “committee-as-a-whole” hanggang inilunsad ang espesyal na sesyon.

Maliban kay Bokal Suarez, dumalo rin sina Bokal Alona Obispo, Yna Liwanag at Rhodora Tan na pawang mga kaalyado ni Suarez sa minority bloc.

Napakagandang pagkakataon sa pangkat ni Suarez ang sitwasyon dahil 60-araw isinuspinde ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mayorya ng mga Bokal noong Nobyembre 11.

Pokaragat na ‘yan!

Dahil wala ang walong Bokal na siyang mayorya, nagsagawa ang pangkat ni Suarez ng tinatawag na “marathon committee hearing” at espesyal na sesyon.

Ayon sa DILG, pinatawan ng suspensiyon ang mga Bokal alinsunod sa utos ng Office of the President (OP).

Mayroong isinampang mga kaso sa OP na “abuse of authority, oppression and grave misconduct” laban sa walo.

Si Bokal Reynan Arrogancia na kabilang din sa mayorya, ngunit ‘di kasama sa mga isinuspinde, ay hindi dumalo sa naturang pagdinig ng komite at espesyal na sesyon.

Bukod sa mahigit P4.1 bilyong badyet, ipinasa rin ang “Provincial Annual Investment Plan” para sa 2022 kung saan ang kalakip na halaga ay P5,331,658,038.

Ang naturang halaga ay siyang pagbabasehan sa ihahandang mungkahing badyet ng panlalawigang pamahalaan para sa taong 2022.

Ayon kay Ubana na tumatayong pinuno ng majority bloc, hindi ang grupo niya ang nagkasala sa ‘di pagpasa dati ng panukalang badyet para sa 2021.

Idiniin niya na sinunod lamang nila ang mga proseso at alituntunin na itinakda ng batas upang matiyak na magagastos nang tama ang salapi ng bayan.

Idinugtong pa niya na batay sa kanilang ginawang pag-aaral, mayroong mga probisyon sa Annual Proposed Budget na hindi tumutugma sa orihinal na Annual Investment Plan na nauna nang ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan.

Una, may nakita umano sila na halos P200 milyon hanggang P300 milyon na disconnected o hindi tugma sa orihinal na plano na dapat pagka gastusan ng pondo.

Pangalawa, walang detalye ang panukalang badyet dahil ginawa itong “lump sum”.

Nakasaad sa Budgetary Regulation na dapat detalyado ang lahat ng gastusin, mga pagkakagastusang proyekto, at mga pangalan ng mga bayan o barangay na paglalaanan ng salapi ng publiko.

Pangatlo, hindi umano tugma ang nakapaloob na mungkahing badyet sa mensahe ng gobernador o “executive message”.

Nakasaad sa mensahe na “this budget seeks to provide response and recovery for Covid”.

Subalit, nang busisiin ang nilalaman nito, natuklasang halos lahat ng ospital sa lalawigan ay nabawasan ng halos 40% ang MOOE (maintenance and other operating expenses), samantalang ang halos lahat ng pagamutan sa probinsiya na mayroon namang pondo na halos P40 milyon upang madagdagan ang casual at job order, sa ilalim ng Governor’s Office.

Sapat at makabuluhan ang nabanggit na mga dahilan at paliwanag, ayon kay Ubana, upang hindi nila ipasa ang naturang hinihinging badyet ng administrasyon ni Gobernador Suarez.

Mayroon ding sapat na panahon ang tanggapan ni Suarez upang baguhin o rebisahin ang hindi ipinasa ng Sanggunian na badyet, kaya nabigyan ito ng pagkakataon na maaprubahan, subalit hindi ito ginawa ng gobernador.

Sa halip, inakusahan ang konseho ng pamumulitika.

Ayon kay Ubana, ang paghahain ng mga kaso para sa kanilang suspensiyon ay malinaw na taktika ng punong lalawigan na pilayan sila upang hindi tuluyang magampanan ang kanilang tungkulin at obligasyon na bantayan at siguraduhing nagagastos nang tama ang pera ng bayan.

The post Suarez at 3 pang Bokal, ipinasa ang P4.1-B badyet ng Quezon appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Suarez at 3 pang Bokal, ipinasa ang P4.1-B badyet ng Quezon Suarez at 3 pang Bokal, ipinasa ang P4.1-B badyet ng Quezon Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 14, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.