TANGING ang ating bansa ang nangunguna kung ang paguusapan ay tungkol sa pangangalaga ng mga katutubo o mga kababayan nating tinatawag na mga Indigenous People (IP). Ito ang tinuran ng National Commission on Indigenous People (NCIP) sa pagdiriwang ng Indigenous People’s Month nitong buwan ng Oktubre.
Una rin kasi, nilikha ang NCIP halos tatlong dekada na ang nakaraan para ipatupad ang mga isinasaad ng Indigenous People’s Rights Act o IPRA Law, upang pangalagaan ang mga karapatan ng ating mga katutubo, di lamang sa kanilang mga ‘ancestral domain’ o mga lupaing kanilang nakagisnan, kung di maging sa pangangalaga ng kanilang kultura at mga kagawian.
Bukod sa ‘IP Month’ ginugunita rin ang ika-24 na anibersaryo ng pagsasabatas ng IPRA Law ngayong taon na may temang: “Ang Paglalakbay ng mga Katutubong Mamamayan para sa Tunay na Pagkilala, Paggalang at Sariling Pamamahala.”
Sa ulat ng NCIP, naitala na daw ang 948 na komunidad ng mga katutubo sa bansa na naninirahan sa tinatayang 13 milyong ektarya ng lupain. 27 porsiyento ng malawak na lupaing ito ay napatituluhan na ng NCIP na pag-aari ng mga katutubong naninirahan doon. Tinatayang nasa 5.8 milyong ektarya ang lupain na ito.
Sa pamamagitan ng NCIP, nagkakaroon ng mga representasyon ang mga IP sa bawat lebel ng pamamahala, simula sa barangay, munisipalidad at maging mga siyudad at lungsod sa malalayong probinsiya. Katunayan mayroon ng 5,006 IP Mandatory Representatives (IPMRs) o mga kinatawan ng mga katutubo sa mga local government councils sa buong bansa.
Ibig sabihin nito na kapag may ancestral domain o significant ang number ng mga IP sa isang lugar dapat may kinatawan sila sa komunidad. Isang malaking nagawa ng NCIP ito, para sa ating mga kababayan na katutubo. Dito kasi ay mailalahad nila ang kanilang mga naisin kung sakaling may mga proyekto o programa ang pamahalaan na makakaapekto sa kanilang pamumuhay at mga karapatan.
Nasa mandato rin ng NCIP na protektahan ang ating mga katutubo sa mga pagsasamantala ng ibang sektor ng lipunan lalo na ang mga pesteng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Matagal na itong problema na ito, ngunit sa panahon ng Administrasyong Duterte, ngayon lamang iniumang ang proteksiyong ito sa pamamagitan ng tinatawag na “whole of nation approach” o ang pagsama-sama ng lahat lalo na ng mga ahensiya ng pamahalaan na panglagaan ang mga katutubo sa pamemeste ng mga komunistang-terorista sa mga kanayunan.
Ganyan kahalaga sa atin ang mga IP at wala pang bansa sa buong mundo ang nakagawa o nakapagpakita ng ganitong pagpapahalaga sa mga katutubo kung di tayo lang.
The post Tayo ang una sa pag-aalaga ng mga IP appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: