Facebook

Walang endgame

HINDI na kami magbibigay ng komento sa iringan na mga nasa naghaharing uri. Hindi namin malaman kung ano ang susunod na kabanata. Hindi namin alam kung ano ang endgame, o hahantungan ng awayan. Sadyang magulo ang mga Duterte, Marcos, at Arroyo. Sa labis na gulo, walang napapala ang sambayanan.

Sa gitna ng kaguluhan, isa lang ang aming sinasabi. Sige, maglaslasan kayo ng lalamunan. Sana walang matira sa inyo. Hindi ninyo mahal ang bayan. Ang mahal ninyo ay inyong mga sarili lamang. Sana mangawala na kayo sa daigdig ng pulitika. Hindi kailangan ng sambayanang Filipino. Magwakas sana ang kasamaan ninyo.

***

NABASA ko lang sa wall ng aming kaibigan na si Dindo Bellosillo na nahuli ng Office of Security na Senado ang magkapatid Mohit at Twinkle Dargani ng kontrobersiyal na Pharmally. Tatalilis sana ang magkapatid sakay ng isang private airplane papuntang Malaysia ng mahuli ng mga tauhan ng Senado sa mismong airport ng Davao City.

May teorya na binigyan ng proteksyon ng pamilya ni Rodrigo Duterte ang magkapatid. Dahil lumpong pato na si Duterte at patapos na ang kanyang panguluhan, wala siyang sapat na lakas upang pigilin ang sigwa ng batas. Hindi palaisipan kung bakit sa laki ng Filipinas, sa Davao City sila nahuli. Hindi rin palaisipan kung bakit ganoon na lang ang pagtatanggol ni Duterte sa mga Intsik at Indian na nasa likod ng Pharmally.

Ayon kay Senate Sergeant-At-Arms Rene Samonte, ipinahuli ang magkapatid na Dargani dahil sa kanilang kabiguan na magsumite ng mga dokumento na hinihingi na mga senador na kasalukuyang nag-iimbestiga sa maanomalyang transaksyon ng Pharmally sa gobyerno. Nakakulong ang dalawa ng kulungan ng Senado.

***

HINDI kami nagulat kahit bahagya nang natalo si Herminio Roque Jr. (totoong pangalan ni Harry Roque) sa halalan ng director ng International Law Commission (ICC). Hindi ordinaryo ang pagkatalo ang inabot ni Harry. Kulelat siya sa 11 kinatawan ng kani-kanilang bansa sa Asya at Pacific. Kakatwa ang nangyari sapagkat nagbunyi ang sambayanan sa kanyang kabiguan. Tagumpay ng sambayanan ang kanyang pagkatalo.

Madaling-araw sa Filipinas nang kumalat ang balita na talo siya sa halalan. Ngunit hindi napigil ang mga netizen sa social media na nagdiwang sa kanyang pagkatalo. Dumaloy ang mga balita mula sa iba’t-ibang source tungkol sa kanyang pagkabigo na kumuha ng kahit isa sa walong director na manggagaling sa Asya-Pacific. Panglabing-isa si Harry Roque sa labing-isa na mga naglaban. Labis na nakakahiya kasi hindi siya pinagbigyan.

Hindi si Harry Roque ang tanging natalo sa halalan ng ILC. Kasama niyang nalaglag si Rodrigo Duterte na nagnomina sa kanya sa ILC. Palatandaan ang pagkatalo ni Harry Roque na hindi popular si ang kanyang amo na si Duterte sa international community. Pareho silang hindi maganda ang reputasyon kaya inilaglag sila.

Mahina ang pakiramdam ni Harry Roque. Nagpilit at nagbakasakali na manalo sa halalan ng ILC. Malinaw lahat ang palatandaan na ilalag siya sapagkat tumanggi sa kanyang nominasyon ang sariling pamantasan kung saan nagturo siya ng maraming taon. Isinuka siya ng mga kasamang manananggol na nagsabing hindi totoong tagapagtanggol ng katarungan si Roque. Hinadlangan ng mga samahan ng abogado sa ibang bansa ang kanyang nominasyon. Masyadong mabaho ang reputasyon ni Harry Roque.

Ang nakakatawa – at totoong pinagtawanan ng marami – ay ang pahayag ni Harry Roque sa kanyang pagkatalo. Ginamit niya ang salitang “tayo” upang iparating ang mensahe na hindi lang siya ang natalo kundi ang sambayanan Filipino. Hindi pa matanggap ni Harry Roque na nag-iisa siya sa kanyang pagkatalo. May isang aral sa nangyari sa kanya. Pagdudusahan talaga ang pagbaligtad sa simulain ng karapatang pantao.

***

MAY nagawa ba ang administrasyong Duterte sa bansa? Basahin:

1. Ipamigay ang teritoryo ng Filpinas sa West Philippine Sea at ipinamigay ang mga iyon sa China na nakangisi pa mandin at maluwag sa kanilang kalooban kahit na galit na galit ang sambayanang Filipino.

2. Walang nangyari sa digmaan sa droga sa limang taon at kalahati sa poder kundi patayin ang mga mahihirap na sinasabing adik, palayain, pakawalan, at hayaan gumala ang mga malalaking druglord, hayaang pumasok sa bansa ang bilyong-bilyong halaga ng ilegal na droga, at ipakulong ang pobreng bodegero ng bodegang pinagdalhan ng ilegal na droga.

3. Wala halos gumalaw sa Build, Build, Build na dapat sanang magsilbing programa sa imprastraktura at manatili itong isang wish list, o listahan lamang ng mga proyektong minimithing magawa para sa kabutihan ng buong bansa.

4. Papasukin ang daan-daang libong Chinese mainlander bilang manggagawa umano sa mga kumpanyang POGO kahit na hindi sila nagbabayad ng buwis at itakwil ng sambayanang Filipino dahil sa kanilang kabastusan, kababuyan, at kawalang galang sa kulturang Filipino.

5. Kampihan ang China sa usapin ng West Philippine Sea at sayangin ang halaga ng ipinanalong sakdal na iniharap sa UNCLOS Permanent Arbitration Commission na nagsabi na walang batayan ang pangangamkam ng China sa halos kabuuan ng South China Sea.

6. Waldasin ang pera ng sambayanan sa mga walang kahulugan na gastusin tulad ng pagbili ng isang jet na hindi naman kailangan.

7. Hayaang magpasa ang Kongreso ng mga mapang-aping batas tulad ng rice tariffication law na nagpabagsak sa presyo ng palay at nagpahirap sa mga magsasaka kahit na hindi bumagsak ang presyo ng bigas.

8. Wasakin ang Marawi City at hindi kumilos para sa rehabilitasyon at muling pagbangon ng sambayanang Maranao.

9. Magpakita ng katamaran sa sambayanan at kawalang kakayahan na harapin ang mga suliranin ng bansa, magmukhang isang patabaing baboy na walang ginawa kundi matulog na hindi malayo sa mga batugan, at iwasan gampanan ang kanyang tungkulin bilang lider at ama ng bayan.

The post Walang endgame appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Walang endgame Walang endgame Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 14, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.