
NAIS palang humingi ng tulong kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga miyembro ng Paniqui Market Vendor’s Association hinggil sa pagkakasunog ng kanilang Palengke na umano’y sinadya na hanggang sa ngayon ay wala pa ring linaw kahit naisampa na ang kaso sa Ombudsman.
Ayon sa mga miyembro ng PMVA labis na silang nag-aalala na baka matabunan na ang inihain nilang kaso sa Ombudsman laban sa mga kasalukuyang namumuno sa kanilang bayan na umano’y may kagagawan ng pagkasunog ng pampublikong palengke na tanging kanilang pinagkakakitaan.
Binanggit ng PMVA na nuong nagdaang Enero 21,2019 ay naglagablab na lamang bigla ang nasabing palengke at base sa isinagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection National Headquarters ay sinadya ang pagkakasunog.
Nabatid na nitong Pebrero 4,2022 ay may natanggap na request ang tanggapan ng National Bureau of Investigation maging ang BFP para sa muling pagsasagawa ng imbestigasyon para sa ikalilinaw ng inihaing kaso sa Ombudsman ng PMVA.
Napag-alaman na kabilang sa sinampahan ng kaso sa Ombudsman ang kasalukuyang Alkalde ng Paniqui na si Max Roxas, Vice Mayor Bien Roxas at mga konsehal ng kasong Pandarambong, Graft and Corruption at Grave Misconduct.
Naniniwala rin ang mga miyembro at opisyales ng PMVA na posibleng hindi pa nakakarating sa tanggapan ni DILG Sec. Eduardo Ano ang kanilang inihaing reklamo sa Ombudsman dahil na rin siguro sa sobrang daming ginagawa ng kalihim.
Nais ring itanong hindi lang ng mga PMVA kundi ang mismong mamamayan ng Paniqui Tarlac kung gaano katutuo at bakit umano natengga ang ginagawang Multi-purpose Gymnasium na sinasabing 2018 pa inumpisahan at gumugol umano ang pamahalaang lokal ng tumataginting na 50 milyong piso sa pagpapatayo nito na naayon sa aprobadong pondo o Approved Budget for the Contract (ABC).
Bukod dito mga Ka Usapang HAUZ, nakasaad din sa reklamo na ang pamahalaang bayan sa pangunguna ng ilang opisyales doon ay nagawang mangutang sa Land Bank of the Philippines ng halagang P470 milyon noong Marso 5, 2019 para naman sa pagpapatayo ng bagong palengke na kung saan ang lupang pagtatayuan ng palengke ay nagkakahalaga ng 124 milyong piso lang naman “NGEK” ang laki naman ng over price kung tutuo nga ito diba po?
Dahil dito hindi lang mga PMVA ang nais manawagan kundi pati na rin ang buong mamamayan ng Paniqui kay PDU30 partikular kay DILG Sec. Ano na magsagawa na rin ng mabilisang imbestigasyon sa maling gawain umano ng mga opisyal ng munisipyo.
Bukas ang Usapang HAUZ sakaling nais namang magbigay ng kanyang panig ang grupo nina Roxas para na rin sa Prinsipyo ng Malayang Mamamahayag.
***
Para sa inyong Puri at Puna maaaring mag email sa cesarbarquilla2014@yahoo.com or mag Txt o tumawag sa 0935-2916036
The post Paniqui Tarlac Market Vendor’s Association hihingi ng tulong kay PDU30 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: