Facebook

HONEY AT YUL, PROKLAMADO NANG MAYOR AT VICE MAYOR NG MAYNILA; ‘LACUNA’, DI NA HANGGANG VICE MAYOR LANG

UNA sa lahat, ang aking mainit na pagbati ng congratulations sa tambalang Manila Mayor-elect Honey Lacuna at Vice Mayor-elect Yul Servo sa kanilang matinding pagwawagi at masayang proklamasyon nitong Miyerkoles ng gabi sa session hall ng Manila City Council.

Bumalik sa aking ala-ala ang itinanong ng kasamahan sa hanapbuhay na si Pat Santos kay Lacuna nung maglunsad ang buong tiket ng Asenso Manileno ng kanilang kandidatura.

Itinanong ang komento ng noon ay Vice Mayor Lacuna kung ano ang reaksyon niya sa mga komento na hanggang vice mayor lang ang Lacuna.

Ang tiniyak ni VM Honey ay siya ang tatapos sa mga sabi-sabi na hanggang vice mayor lang ang mga Lacuna.

Naging madamdamin ang proclamation ni Mayora Honey na dinaluhan ng kanyang buong pamilya, sa pangunguna ng kanyang ama na si dating Vice Mayor Danilo Lacuna at inang si Melanie ‘Inday’ Lacuna.

Kapwa tumulo ang luha ni Mayora Honey at kanyang ama na si dating VM Danny nang yakapin niya ito habang nasa wheelchair matapos ma-stroke ilang taon na rin ang nakararaan. Nakita ko ding naiyak ang kanyang ina sa nasabing tagpo.

Naging emosyonal ang buong pamilya ni Mayora Honey dahil aniya, ang gabing iyon ang katuparan ng pangarap ng kanyang ama, dahil ilang beses din itong tumakbong mayor subalit hindi pinalad.

Hindi lamang si Mayora Honey ang kauna-unahang Lacuna na naging mayor. Siya din ang kauna-unahang babaeng mayor ng lungsod at doktora pa.

Dahil sa dami ng mga nagawa ni Mayora Honey nuong kasagsagan ng pandemya kung saan siya mismo ang personal na nagbabakuna sa mga senior citizens at bedridden na residente, nakilala siya sa kanyang galing at kasipagan.

Malaki ang kanyang naging ambag sa pagtatagumpay ng lahat ng program ani Mayor Isko Moreno, kasama na ang agaran at mainam na pagpili ng mga gamot panlaban sa COVID-19 at napakaraming hakbang para mapigilan ang pagdami ng kaso ng COVID sa Maynila.

Malayo siya sa kanyang mga nakalaban na maski isang piraso ng heringgilya ay walang naiambag sa lungsod o mga residente sa gitna ng pananalasa ng pandemya. Wala na nga silang maiprisintang nagawa, nagawa pang siraan si Mayora Honey.

Masyado nilang minaliit si Mayora Honey pero sa kanyang pagkapanalo ay natapos ang karera ng mga lahing Lopez at Bagatsing.

Sa buong tiket ni Lacuna, lahat ay nanalo at talagang nilampaso nang husto ni Mayora Honey ang lahat ng kanyang mga naging kalaban. Gayundin ang kanyang vice mayor na si Yul Servo na tinambakan din nang husto ang mga kalaban.

Mula mayor, vice mayor, anim na Congressman at 34 mula sa kabuuang 36 na konsehal ay nakuhang lahat ng Lacuna-Servo tandem. ‘Yung dalawa na hindi kasama sa tiket, kaalyado din nila kung tutuusin. Hindi na sila na-accommodate dahil hanggang anim lang ang limitasyon ng kandidato para konsehal sa bawat distrito.

Muli, congratulations kay Mayor-elect Honey at Vice Mayor-elect Yul sa kanilang tagumpay. Siguradong hindi nagkamali ang mga taga-Maynila sa pagpili sa kanila.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

The post HONEY AT YUL, PROKLAMADO NANG MAYOR AT VICE MAYOR NG MAYNILA; ‘LACUNA’, DI NA HANGGANG VICE MAYOR LANG appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
HONEY AT YUL, PROKLAMADO NANG MAYOR AT VICE MAYOR NG MAYNILA; ‘LACUNA’, DI NA HANGGANG VICE MAYOR LANG HONEY AT YUL, PROKLAMADO NANG MAYOR AT VICE MAYOR NG MAYNILA; ‘LACUNA’, DI NA HANGGANG VICE MAYOR LANG Reviewed by misfitgympal on Mayo 12, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.