Facebook

BIGGEST DRUG HAUL NG MARCOS ADMINISTRATION

Sa kabila ng pagbatikos ng ilang sektor sa di pagkakabanggit ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu ng droga sa kanyang kauna-unahang SONA, umiskor naman ng kauna-unahang biggest drug haul ang pambansang kapulisan kamakalawa ng hapon na umaabot ng Php 408 milyong piso halaga ng illegal drugs sa San Fernando City, Pampanga.

Isang buy-bust operation ito ng mga tropa ni General Randy Peralta ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG).

Nahuli mula sa nagsosolong suspek na si Hernani Cosumo ang animnapung (60) pakete ng shabu na nakapaloob at ikinubli sa Chine tea bags na tumitimbang ng 1 kilo kada pakete.

Ganap na ika-2 ng hapon nang masakote ng mga tauhan ni Gen. Peralta ang suspek lulan ng isang Hyundai Starex with plate number YFU 655Starex sa Mega Station Kilometer 62, Barangay San Felipe, San Fernando City.

Ang suspek at ang mga droga ay ipinirisinta sa media ni DILG Secretary Benhur Abalos, PNP OIC Gen. Vic Danao, Gen. Peralta at ng PNP-DEG operatives.

Sinabi ni Abalos na isa ang war on illegal drugs na pinapatutukan ng Pangulong BBM sa buong kapulisan at iba pang law enforcement agencies.

Pinasalamatan din ni Abalos ang PNP sa masigasig na efforts nito sa pagtugaygay sa suspek hanggang nga sa ikinaaresto nito at pagkakakumpiska sa napakaraming shabu.

Bagamat natutuwa si Abalos sa naging napakalaking accomplishment na ito ng PNP-DEG, binigyang-diin ni Abalos na ang mga susunod pang gagawing anti-illegal drugs operation ng pamahalaang Marcos ay isasakatuparan alinsunod sa mga itinadhanang batas at sa tulong na rin ng mga testigo at presensiya ng media at DOJ representatives.

Noon umano’y hirap ang pamahalaang makakita ng mga witnesses na tatayo sa mga kasong isinasampa laban sa mga drug traffickers na kadalasan ay nagiging resulta ay ang pagkakadismis sa mga asuntong isinampa laban sa mga ito sa hukuman.

May punto dito si DILG Sec. Abalos, marami kasi sa mga naglalakihang drug hauls ng mga nagdaang panahon ay nabinbin lamang sa mga husgado at ang ending ay nakakalaya din ang mga suspek dahil walang tumatayong testigo laban sa mga salot ng lipunan.

Posibleng natakot ang mga testigo o nabili sa bandang huli ng mga sindikato ng illegal drugs.

Naniniwala tayo na isa sa pinakamalalaking problemang kinakaharap ng administrasyong Marcos ngayon ay ang expectations ng tao sa magiging performance ng kasalukuyang administrasyon laban sa ipinagbabawal na gamot.

Maganda kasi ang naging pagmanage ng Duterte regime laban sa iligal na droga at napakahirap itong pantayan man lamang ng kasalukuyang gobyerno.

Ito rin kasing salot na ito at nagiging puno at ugat ng iba pang krimen gaya ng patayan, nakawan, rape at kung anu-ano pa.

Malaki ang paniniwala natin na kung magiging hands on sa isyu ng illegal drugs si PBBM at ang administrasyon nito gaya ng ginawa ni former President Rodrigo Roa Duterte, masusustinehan ang giyera kontra droga na malaki ang maitutulong at maibabahagi sa peace and order situation ng bansa.

Maging mga petty crimes gaya ng mga street crimes na snatching at holdapan ay tila tumaas na rin ang bilang dahil nagbalik na rin sa mga lansangan ang mga tulak ng shabu (street pushers).

Bagamat tila sinusubukan lamang ito at tinitesting ng mga sindikato, kailangan na marahil magpakita ng sample ang PNP laban sa mga ganitong bulok na diskarte ng mga tulak at financiers nito.

Kung mapapabayaan at makabalik muli sa dating estado ang kalakalan ng iligal na droga, malaking perwisyo ito at problema sa Marcos administration.

Malaking epekto ito sa peace and order ng bansa na bumabangon pa lamang ang ekonomiya.

Walang sino mang local o foreign investorman ang maglalakas na loob na mamuhunan sa isang narco estate na walang katiwasayan at katahimikan.

Kaya naniniwala tayong ang giyera kontra droga ay kakambal na ng naisin ng Pangulong BBM na iangat ang ekonomiya at buhay ng bawat Pilipino.

Di natin makakamtan ang hinahangad na pagbabago at kaunlaran kung nananatiling naririyan ang mga salot na tagapagpakalat ng droga na sadya namanang sumusira sa utak at pag-uugali ng ating mga kababayan partikular na ng mga kabataan!

***

PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com

The post BIGGEST DRUG HAUL NG MARCOS ADMINISTRATION appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BIGGEST DRUG HAUL NG MARCOS ADMINISTRATION BIGGEST DRUG HAUL NG MARCOS ADMINISTRATION Reviewed by misfitgympal on Hulyo 29, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.