Facebook

“BOKBOK”, MAY BASBAS KAY SANDOVAL?

MARAMI ang nagtatanong na taga Malabon kung ang nagbabalik na sakla, loteng at EZ 2 operation kaya ni Mario Bokbok sa siyudad ng Malabon ay may go-signal o bendisyon ni Mayor Jeanie Sandoval?

Totoo din kaya ang maalingasgas na balitang “namamantikaan ang nguso” ng mayora mula sa salaping kinakale ng salot na “Gambling at Drug King” na si Bokbok?

Hayag sa bawat sulok ng siyudad na si Bokbok ay sakla operator at drug pusher pa sa Malabon ng halos dalawang dekadang panunungkulan ng mga Oreta, hanggang huminto ito dahil tinalo ni Sandoval ang kumandidatong si Enzo Oreta noong May 9, 2022 election.

Nahihiwagaan din ang mga taga-Malabon City kung bakit hindi kabilang sa naitumba sa madugong drug war ni ex-President Rodrigo R. Duterte si Mario Bokbok sa kabila ng pagiging high value target nito sa kampanya kontra-droga ng pamahalaan.

Dahil naman sa bago na ang nanunungkulan sa Malabon sa katauhan ni Sandoval, si Bokbok ay naitsapwera sa sakla operation na siyang prente nito sa pagpapabenta ng droga sa lungsod, kapalit ng isa pang sakla operator.

Nagsimulang maglatag ng kanyang sakla table sa ibat ibang lugar at barangay sa Malabon ang bagong naghawak ng gambling empire sa Malabon City, ilang araw matapos pormal na manungkulan bilang Mayor si Sandoval noong Hulyo 1.

Subalit isang linggo lang sa operasyon ay pinahinto na ang kapalit ni Bokbok na ang pagpapasugal ay epektibo hanggang noon lamang Martes,(Agosto 2), ayon sa ating informant.

Ang biglaang pagsulpot muli ni Bokbok sa sakla operation ay ikinagulat ng marami dahil siya ay kilalang kaalyado at suporter ng mga Oreta at isa sa campaign fund donor ng Oreta laban sa mga Sandoval.

Kung paano nakapasok ngayon ang sakla, loteng at EZ 2 operation ni Bokbok sa mga Sandoval na mahigpit na kalaban ng Oretas, ito ang kuwento ng ating deep penetration agent.

Isang nagngangalang Edwin na dating taga city hall, kamag-anak ng isang kongresista at kalaban din ng mga Sandoval sa pulitika ang nasa likod ng “paggiba” sa bagong sakla operator na naging daan ng muling pagbabalik ng sakla operation ni Bokbok sa siyudad ng Malabon.

Balitang nilapitan ni Edwin ang isang dating kongresista na malapit kay Mayora Sandoval at sa ngalan ng milyones na lagay ay tinanggal ang “naunsyaming sakla operator,” at ibinalik si Bokbok para muling umalagwa ang sakla, loteng at EZ 2 nito at maging ang bentahan ng droga, partikular ay shabu sa Malabon City.

Sa pagkakataong ito, tila nakalimot si ex-congressman na malapit kay Sandoval na kalaban nila si Bokbok sa pulitika matapos ipakita sa kanya ang paldo-paldong salapi.

Nanginginig ang kamay sa pagbibilang ng milyones na “pasalubong” at garalgal pa ang boses, ay kaagad sinabi ni ex-representative na sa madaling panahon ay makapag-uumpisa muli si Bokbok sa kanyang drug at gambling operation.

Bilang mayor ng Malabon, hindi aaminin ni Sandoval, na may alam siya sa nangyayaring sakla, loteng at EZ 2 operation ni Bokbok at ang maintrigang pagbabalik nito sa trono sa larangan ng kailigalan sa syudad.

Pero ang masaklap na katotohanan ay di niya mapapabulaanang napakatindi ngayon ng operasyon ng sakla, loteng at EZ 2 sa Malabon dahil naghambalang, lantaran at talamak ang mga sakla joint at rebisahan ng loteng at EZ 2 sa hurisdiksyon ni Malabon City Police Chief, P/Col. Albert Barot.

Ang payo natin kay Mayor Sandoval ay maglibot sa gabi at madaling araw sa Malabon kasama si Col. Barot at tiyak na bubulaga sa kanya ang parang kabuteng lamesa ng sakla, na ang karamihsn ay sa gitna pa ng kalsada nakalatag.

Bago naman mag- alas 11:00 ng umaga, 4:00 ng hapon at 9:00 ng gabi ang oras ng pagrerebisa ng taya sa loteng at EZ 2 ng mga rebisador ni Bokbok sa mga hayag na lugar din sa Malabon.

Ang mga sakla joint at rebisahan ng taya sa loteng at EZ 2 ay karaniwang nakakalat sa mataong lugar, squatter area sa Brgy Catmon na ang kapitan ay anak pa raw ni Bokbok, Brgy Longos, Potrero, Tonsuya at iba pang barangay sa lungsod.

Maging ang barangay na pinamumunuan ng artistang si Angelica dela Cruz ay pinepeste din ni Bokbok at ng mga alipores nito. Marahil takot, nakikisama o nasilaw na din ang seksing aktres sa gambling at drug money ni Bokbok?

Tulad sa Caloocan City na laganap naman ang iligal na pasugal ng “Sakla at Shabu Queen” na si Lucy, ay lumalakas ang panawagan na kastiguhin o kaya ay sakdalang sibakin na sa pwesto ni Northern Police District (NPD) Chief, PBG Ulysses Cruz si Col. Barot dahil sa posibleng pagpapabaya sa tungkulin at pangungunsinti na makapag-operate si Bokbok.

Nauna nang nagpahayag ng kanilang diskuntento ang maraming taga-Caloocan City sa mahinang performance ni Caloocan City Police Chief, Col. Samuel Mina Jr., at kabiguan nitong umaksyon laban sa operasyon ng halos ay may 100 pwesto ng saklaan ni Lucy sa may 188 na barangay sa lungsod ng Caloocan.

Kung saan nagkalat ang mga saklaan ng gurang at salot na si Lucy ay naroroon din ang mga drug den, lalo na sa squatters area tulad ng Dagat-Dagatan sa District 2 at Bagong Barrio sa Unang Distrito ng siyudad.

Madadamay sa pinag-iibayong Internal Cleansing drive ni PNP Dir. Rodolfo Azurin Jr., si PBG Cruz kung di niya aaksyunan sina Col. Mina Jr. at Col. Barot?

***

Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com.

The post “BOKBOK”, MAY BASBAS KAY SANDOVAL? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
“BOKBOK”, MAY BASBAS KAY SANDOVAL? “BOKBOK”, MAY BASBAS KAY SANDOVAL? Reviewed by misfitgympal on Agosto 06, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.