Nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa gobyerno na aralin munang mabuti ang mga panukala na pagpapaliban sa 2022 barangay at Sangguniang Kabataan elections sa 2023.
“Hinihikayat ko po ang gobyerno na pag-aralang mabuti ang mga suhestiyon na ipagpaliban muna ang barangay at SK elections ngayong taon,” ani Go.
Sinabi ni Go na suportado niya kung anuman ang magiging desisyon ng ehekutibo ngunit dapat na tiyakin na ito ay base sa kung ano ang makabubuti sa bansa.
Hiniling din ng senador sa gobyerno na maging handa na rin para sa barangay at SK elections upang maseguro ang integridad ng resulta nito.
“Kung hindi po talaga magagawan ng paraan na maituloy at kailangang i-postpone, sana po ay mapaghandaan na natin ito sa susunod na taon,” sabi ni Go.
“Pag-aralan natin ang ibang makabagong paraan gamit ang teknolohiya kung paano maisasagawa ang eleksyon sa paraang malinis, may kredibilidad, naaayon sa batas, at ligtas para sa ating mga mamamayan,” dagdag ng senador.
Noong Martes, bumoto ang House suffrage and electoral reforms committee na ipagpaliban ang 2022 barangay at SK elections sa 2023.
Kabilang sa mga binanggit na dahilan ay ang paglalaan ng pondo para sa mga botohan sa pagtugon sa COVID-19, pagbibigay ng oras sa mga guro na magpahinga at makabangon pagkatapos ng kamakailang pambansang halalan at pag-iwas sa dalawang “naghahati” na botohan sa isang taon.
Samantala, muling iginiit ni Go ang pangangailangang bigyan ng kapangyarihan ang mga barangay bilang pangunahing yunit ng pamamahala ng bansa.
Nangako ang mambabatas na ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mga hakbang na magbibigay sa mga opisyal ng barangay ng mas maraming pagkakataon na paunlarin ang kanilang mga kakayahan gayundin ang pagbibigay sa kanila ng regular na suweldo at iba pang benepisyo.
Nanindigan si Go na ang mga opisyal ng barangay ay dapat makakuha ng maihahambing na benepisyo sa ibinibigay sa iba pang empleyado ng gobyerno bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap na pagsilbihan ang kanilang mga nasasakupan.
Ito ang nagbunsod sa kanya na muling ihain ang Senate Bill No. 197, na magtatakda ng Magna Carta para sa mga barangay.
“Alam nating lahat na ang barangay at ang mga opisyal nito ay ang immediate provider ng frontline services sa ating mga kababayan. Sila ang pinakaunang tinatakbuhan ng ating mga kababayan,” sabi ni Go.
Sa ilalim ng SB 197, ituturing na mga regular na empleyado ng gobyerno ang mga opisyal ng barangay. Ang punong barangay, mga miyembro ng Sangguniang Barangay, ang Sangguniang Kabataan chairperson, ang barangay secretary at barangay treasurer ay karapat-dapat sa mga suweldo, emolument, allowance tulad ng hazard pay, representasyon at allowance sa transportasyon, 13th month pay at iba pang benepisyo na ibinibigay sa mga regular na empleyado ng gobyerno.
Sa ilalim ng panukala, ang bahagi ng mga barangay mula sa iba’t ibang buwis ay dapat na direktang ibigay sa kanila. Ang lahat ng pampublikong pondo mula sa National Treasury para sa pagpapanatili ng mga kalsada at tulay ng barangay at mga katulad na gawaing konstruksyon ay dapat ding ilipat sa pangkalahatang pondo ng mga barangay.
Muling iginiit ni Go na ang mga tauhan ng barangay ay may mabigat na responsibilidad na tumulong sa pag-unlad sa kanilang lokalidad kaya dapat silang bigyan ng kompensasyon na maihahambing sa suweldo ng mga regular na empleyado ng gobyerno.
The post Bong Go: Pagpapaliban sa 2022 BSK polls, araling mabuti appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: