Ikinagalak ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagsisikap ng Food and Drug Administration (FDA) na gawing komersyal ang mga bakuna laban sa COVID-19 sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Go na ang hakbang ay magbibigay ng mas maraming opsyon para sa mga Pilipino na isulong pa ang COVID-19 vaccination program.
Gayunpaman, hiniling niya sa FDA na tiyaking dadaan ang mga manufacturer sa proseso ng pagsusuri at pagpaparehistro kapag nag-aplay sila para sa Certificate of Product Registration (CPR).
“Dapat masuri ng mga eksperto ang kaligtasan at bisa ng mga bakuna bago gawin ang mga ito sa komersyo,” sabi ni Go, tagapangulo ng Senate committee on health.
“Ang importante ay masigurong ligtas ang mga bakuna para hindi matakot ang ating mga kababayan. Sundin lang ang tamang proseso at huwag pahirapan ang mga mag-aapply sa FDA,” idinagdag niya.
Inilunsad kamakailan ng FDA ang “Task Force Edward” na ang pangunahing layunin ay ipasok sa komersyo sa bansa ang mga bakuna laban sa COVID-19.
“This initiative will help the current administration to shift its focus from COVID-19 crisis management to a more robust recovery of the national economy,” sabi ng FDA.
Ang mga gumagawa ng mga bakuna ay maaaring mag-apply na para sa CPR na maingat na susuriin ng task force.
Ang sektor ng parmasyutiko ay pinayuhan din ng FDA na tugunan ang lahat ng pamantayan at isumite ang naaangkop na mga aplikasyon para sa pagpapalabas ng sertipiko o marketing authorization.
Ang hakbang ng FDA na gawing available ang COVID-19 para sa komersyal na pagbebenta ay naglalayong tulungang makaalis ang Pilipinas mula sa pandemya.
Samantala, patuloy na pinaalalahanan ni Go ang mga Pilipino na mag-avail ng libreng COVID-19 shots at boosters na ibinibigay ng gobyerno sa sandaling sila ay maging karapat-dapat upang matiyak na mas mapoprotektahan sila mula sa virus at makatulong sa landas ng bansa sa paggaling.
“Patuloy ang aking panawagan sa mga kababayan nating nag-aalangan pa na magpabakuna at magpaturok ng booster shots,” ani Go.
“Libre naman ang mga ito mula sa gobyerno na pinaghirapan nating bilhin noon. Para po ito sa lahat ng Pilipino kaya huwag nating sayangin. Samantalahin niyo na ang libre na mula sa gobyerno,” ayon sa senador.
The post Commercial sale ng COVID-19 vaccines, oks kay Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: