Ni ARCHIE LIAO
RECORDING artist na ang magaling at award-winning actor na si Gold Aceron. Bilang bagong talent ng O/C Records na pagmamay-ari ng mag-asawang Chynna Ortaleza at Kean Cipriano, matagal na raw niyang gustong mapatunayan na hindi lang sa pag-arte siya may ibubuga.
Bukod sa acting projects, ang nasabing kumpanya rin ang mangangalaga sa kanyang singing career.
Si Gold ay dating alaga ng yumaong director na si Maryo J. delos Reyes.
Mula raw nang sumakabilang-buhay ang batikang director, aminado siyang nahirapan siyang i-manage ang kanyang career bilang freelancer.
”Nu’ng freelance ako, waiting ako lagi kung may magbibigay. Kapag may magbigay, ako pa makikipag-usap, ako din magre-rate, ako lahat. Kapag may manager, ang sarap sa feeling na kahit paano, wala akong masyadong iniisip, ‘yung work lang, ‘yung shooting, ‘yung script na ibibigay sa akin kung maganda,” ani Gold.
Ngayon daw na may mina-manage na siya ng dating frontman ng Calla Lily, naniniwala siyang maaalagaan na nang husto ang kanyang career.
Nagkakilala raw sila ni Kean dahil sa ginawa nitong music video.
“From pandemic, may kumontak sa akin para sa isang music video, ‘yung music video na ‘Ligaya.’ Nakita po ako ni Kuya Kean doon, napanood niya po lahat. Nag-thank you siya sa akin tapos kinausap po ako ni Kuya Kean, ‘Gold, may manager ka na ba?’ Sabi ko freelance model ako, so wala,” kuwento ng aktor.
Si Gold na nagwagi ng best actor sa 2019 Cinemaone Originals movie na “Metamorphosis” ay sumabak na rin sa pagpapaseksi sa pelikulang “Scorpio Nights 3” kasama si Christine Bermas at Mark Anthony Fernandez.
Para kay Gold, hindi rin big deal ang frontal nudity na ipinakita niya sa obra ni Direk Lawrence Fajardo lalo na’t kailangan ito sa pelikula.
Ayon pa kay Gold, pangarap niya na ma-penetrate ang mainstream scene para lalo siyang sumikat tulad ng mga idolo niyang sina Robin Padilla at Coco Martin.
Bukod sa mapangahas na papel na nagampanan niya sa “Scorpio Nights 3” marami pa raw siyang dream roles na gustong i-portray sa puting tabing.
”Okay naman sa akin kung iba’t ibang roles at iba’t ibang characters ang ipapasa sa akin. Gusto kong subukan maging bulag, bingi, parang ganun. Nag-BL na rin ako, balutero, pusher, killer,” pagbabahagi niya.
Si Gold ay malapit na ring mapanood sa pelikulang “May-December-January” kabituin sina Andrea del Rosario at Kych Minemoto na idinirehe ng award-winning director na si Mac Alejandre.
The post Gold Aceron recording artist na appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: