Facebook

MAHIRAP KA, TOTOO YAN!

MAHIRAP ka, totoo yan dahil hindi mo kayang bumili ng bagay bagay na kailangan sa pang-araw araw. Hindi mo kayang bumili ng kapirasong karne na pang-sahog sa gulay na ulam sa maghapon. Galing sa NFA ang bigas na isasaing dahil hindi makabili ng ibang uri nito dahil ito lang ang kaya ng budget na gipit. O’ dahil katatangal sa trabaho, dahil kailangan magbawas ng negosyanteng lugi sa kawalan ng mga suki sa panindang nasisira sa halip na mabili. At mapalad kung may trabaho at tumatanggap ng minimum wage dahil kailangan sumunod ng employer.

At sa totoo lang, noodles na masuwerte ang kayang mabibili sa sahod ni mister na bawas na dahil sa mahal na pamasahe. At si Aling Marya, panghihinguto na lang ang gawi sa pagpapalipas ng maghapon , at ang mga anak naroon sa lupang maalikabok ang laruan na ‘di alintana ang sakit na maaaring mapulot sa maghapong paglalaro. Ang masakit, walang perang pambili ng gadget na gamit sana sa eskwela. At nasanay o sinanay na ang mga sarili sa larong lupa na ang lakas ng loob ang puhunan para mabuhay. Sige na lang ang kinabukasan dahil nakatuon ang sarili sa harimunan ng pang araw araw na pangangailangan.

Sa paghahayag ng kahirapan, hindi na itinatago ni Aling Marya at kahit ni Mang Juan na sila’y mahirap at salat sa maraming bagay dahil sa laki ng pamilya at kawalan ng matatag na hanapbuhay. Nariyan na may iskedyul ang pagpasok ng asawa sa trabaho’y dahil sa tumal ng negosyo na pinapasukan. Mainam na ito kaysa sa walang trabaho o kita sa kasalukuyang panahon na unano na lang ang hindi tumataas na iniwan sa taas ng presyo ng bilihin. At kung minsan, mapapansin sa mga balitaan na nasasangkot si Mang Juan sa mga mabilisang trabaho na buwis buhay tulad ng hold-up, snatching at kung anu-ano pa ng may mapakain sa pamilya na halos walang maisubo sa maghapon. O’ nariyan ang mga bata o mismo si Aling Marya na kumakatok sa bahay-bahay na nanghihingi ng limos sa mga may labis kahit labag sa loob ang ginagawa.

Ang kaayusan sa itaas ang patunay na hirap na ang mga Pilipino sa buhay. Ang pagdalaw ng pandemya na magtatatlong taon na sa bansa ang malaking dahilan sa paglalim ng lukbutan ni Mang Juan. Tuwiran ang pag-amin ng mga Pinoy lalo ang nasa mababang antas ng kabuhayan na sila’y tunay na naghihirap at ‘di makapag kunwari na meron pa ito kahit kaunti. Ang programang 4Ps at iba’t ibang klase ng ayuda ng pamahalaan ang patunay na maraming pamilyang Pilipino ang umaasa sa mga bigayang ganito. Na sa totoo lang, dito kumikita ang maraming LGU liders na tuwirang nagsasaad kung sino ang dapat at hindi dapat na nakapaloob sa programa. Malinaw na may kampihan sa mga nakapaloob sa programa, at syempre may hatian sa natatanggap na halaga ng mga benepisyaryo.

Marapat na bigyan datos ang nasa itaas ayon sa Philippine Statics Authority (PSA), sa kasalukuyan ang bilang ng mga mahihirap sa bansa’y nasa 26.14M, na kumikita ng P12,082 kada buwan. Na gastusin sa lima o anim na miyembrong pamilya o P67.10 kada tao sa araw araw na tatlong beses kakain sa maghapon. Hindi pa usapin ang ilan pang gastusin. Sa datos ng PSA, ang mga nakakaramdam na mahirap sila ay humahataw na 48%, 31% naman ang nakakaramdam na nasa borderline ang katayuan sa buhay. Samantalang 21% ang nagsasabing hindi mahirap ngunit umaangal sa mahal ng bilihin. Sa estatistika sa itaas, malinaw na tumatahak sa matarik na bundok ang pamahalaan ni Boy Pektus sa paglaban sa kahirapan. Ang pangarap na sinasabi’y tila pangarap ng gising na kailangan matulog para maging totoo ang panaginip.

Sa estatistika ng PSA at ng NEDA, tila suntok sa buwan ang nais na marating ni Boy Pektus kung kabuhayan ang pagbabasihan. Sa 2023, ang inaasahang pag baba ng kahirapan ay aabot lamang sa 43%, at 40.9% sa 2024. Konserbatibo ang projection sa datos na inilahad na gaganda ang takbo ng ekonomiya ng bansa, ngunit mababa ba? Habang 9% ang antas ng kahirapan ang nais ni Boy Pektus sa pagbaba nito sa pamahalaan sa 2028. Sa pagbaba ng kahirapan, walang nakikitang aberya ang mga economic team ni BP at pawang magagandang senaryo ang tinitingnan na nagaganap sa kabuhayan ng bansa . Parang sinakyan ang panaginip ni BP hinggil sa kabuhayan ng Pinoy. Di batid kung may konsiderasyon na palaasa ang bansa sa anumang kailangan nito mula langis, asukal, gamot, maging mga palabas, at iba pa. Sa kaayusang ito, masasabing baka mauwi ang pangarap sa bangungot, lalo’t ‘di bilib ang mga organic sa pamahalaan sa palakad ni Boy Pektus. Sa DA pa lang, sala na paano pa sa bansa.

Sa pagsilip sa pangarap ni Boy Pektus na maging maayos ang kabuhayan ng mamamayan, tila sumusuntok ito sa buwan dahil batid ni Mang Juan na hindi nga mag-abot ang konting kita sa mahal ng bilihin partikular ang kadena nitong petrolyo. Maraming pagbabago ang naganap sa presyo nito sa mga nakaraang mga linggo ngunit hindi na hahatak sa pagbaba ng presyo ang ibang mga bilihin. Bagkus, hindi magawa ni Aling Marya na ngumiti dahil ‘di sapat ang abot ni Mang Juan na sahod upang may pambili ng pangangailangan. Kulang na kulang ang P200, para sa isang kain, eh kung dalawa o tatlo sa maghapon, tapos na ang sahod na inaabot ng asawang pagal ang katawan sa maghapong trabaho. At sa likod ng pangarap ni Boy Pektus, nariyan ang mga taga SRA, DA , isama na ang Aduana na may sariling diskarte para sa takits. O sadyang kayang paikutin ang nasa puno ng Balite ng Malacanan. Sa totoo lang, ang tuwirang pagsuway ng mga tao sa SRA sa nais ng Kalihim ng DA ang batayang magsasabi na hindi kontrolado ni Boy Pektus ang burukrasya, ano masasabi ni Executive Secretary?

Sa totoo lang, ilang ulit na sumulat ang Batingaw hingil sa pagbangon ni Mang Juan sa kahirapan na batayan ang mga pahayag ng nasa pamahalaan. At hanggang sa maging pangarap ito ni Boy Pektus na iangat ang ekonomiya ng bansa kasama ang mga Pilipino. Ang kawalan ng matibay na batayan sa mga estadistikang inilalabas ng economic team ni Boy Pektus ang nagsasabi na totoo ang kalagayan na mahirap ng bayan at mamamayan. Hindi mapapasubalian na magtatagal ang kahirapan sa bansa lalo’t ang basihan ng datos na binabangit ay ang inihahayag ng pamahalaan. Ang tuwirang pagsuway ng SRA sa nais ng Kalihim ng Agrikultura ang tunay na larawan na ang pangarap nito’y isang propaganda at tila palasyo na naka tuntong sa buhanginan. Maniwala Mang Juan, na mahirap makamit ang pangarap ni Boy Pektus. At tanggapin ang katotohanan na ika’y mahirap at patuloy na maghihirap dahil sa pagkakamali sa nakaraan.

Maraming Salamat po!!!

The post MAHIRAP KA, TOTOO YAN! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MAHIRAP KA, TOTOO YAN! MAHIRAP KA, TOTOO YAN! Reviewed by misfitgympal on Agosto 16, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.