SA maraming panahon kasangga ng bayan sa ano mang larangan ang maraming graduates ng Unibersidad ng Pilipinas. Nariyan ang maraming inhinyero na nagtayo ng malalaking gusali, mahahabang tulay, mga pagamutan at maging ang pagbangon ng teknolohiya ng bansa. Nariyan ang mga nagtapos sa pamantasan na kasama sa nagpalakas ng ekonomiya ng bansa. Nariyan na makikita na gumagamot ng mga mamamayang salat sa kahirapan o maging ang mga kilalang tao sa lipunan.
May mga nagtapos na makikita na nakababad sa mga pamayanan na nag-oorganisa at nagtuturo ng kaalaman sa mga bata, kababaihan, katutubo, mangingisda, at maging sa mga sakahan na may pakinabang si Mang Juan. Marami sa kanila ang makikita sa lehislatura maging sa hudikatura na ang paglikha at pagbigay kahulugan sa batas ang gawa. Marami sa mga nagtapos sa UP ang masasabing tunay na nag-ambag kung ano ngayon ang kalagayan ng bansa.
Hindi maiaalis na mayroong mga nagtapos sa UP ang tumatayong taga pukaw ng mga lider na nalilihis ng landas dahil sarili ang inuuna bago ang bayan. At sa sitwasyong ito, tila ang grupong ito ang napagdiskitahan o mainit sa mata ng mga pinunong bayan na ‘di ibig na may pumupuna sa gawaing nagpapabagal sa paglago na pansarili.
Sa sitwasyong ito, napupuna ang mga kilos ng taga UP o Isko ng bayan. Dahil may kakaibang paraan ang mga guro ng paghubog ng kagalingan ng mga estudyante. Hindi nililimitahan ang pagkalap ng kaalaman sa mga gawaing pansilid aralan lamang sa halip tinitingnan ang lipunan bilang malaking silid aralan o lugar na kapupulutan ng aral na magagamit sa kinabukasan. Maraming paraan ng pagkalap ng kaalaman at ito ang hinihikayat ng mga guro o professor sa Pamantasan na magamit ang pinakamahusay na paraan kasama ang bayan bilang bahagi at pagbabahagi ng karunungan. Tunay na matututo ang mag-aaral kahit sa pinaka payak na paraan sa karanasang ginagawa sa labas ng silid aralan. Nagiging totoo ang teorya kung paano mabuhay kapiling ang mamamayan lalo na sa kanayunan.
Ang sariling pagdaranas ang pamamaraan na matutunan kung paano mabuhay kasama si Mang Juan at ito ang isang paraan ng pagtuturo sa Pamantasan. Tulad ng mga manananggol sa mga hapag ng hustisya, batid ng abogado ang batas ngunit sa pagharap sa korte o sala ng mga tagahatol maraming hindi nababangit sa mga aklat ngunit epektibo sa paglalatag ng pagtatangol ng kaso. Natutunan mismong sa paghawak ng iba’t-ibang usaping legal na doon dinidinig sa hukuman. Gayun din sa mga doktor na ang pagharap sa iba’t – ibang uri ng sakit at pakikipanayam sa mga pasyente ang nagsasabi ng dapat at tamang medisina sa may karamdaman. At karaniwang binabalikan ang mga manggagamot na may-edad dahil sa haba ng karanasan kumpara sa mga bago at katatapos lang na mga doktor.
Sa uri ng pagtuturo ng mga guro sa UP, tila masakit sa mata ng mga nasa pamahalaan ang paraang ito dahil ang lipunan pinaghaharian ang laboratoryong pinag-aaralan. At sa ganitong kaayusan, nabibilad sa taong bayan kung anong uri ang mga taong nahalal na ang tingin sa mamamaya’y mga tagasunod lamang. Ang masakit sa mga ito, ang pagmumulat ng tunay na kalagayang bayan ang isinisigaw at hindi ang sinasabi ng lider ng gobyerno. At dahil di tunay ang pag-unlad na nagaganap, masakit ito sa mata ng nasa pamahalaan. Ang pag-unlad na ipinagmamalaki ‘y kita ng mata ngunit ‘di dama ng sikmurang kumakalam. Ito ang hindi ibig ng nasa pwesto, ang magsimulang magtatanong ng pag-unlad ang hanay nina Mang Juan, Aling Marya at Ba Ipe.
At sa pagkamulat at pagkatuto ng bayan, makita na ang hanay nila na patuloy na nasa baba ng tatsulok na pinakikinggan ng mga duhapa sa pamahalaan. Sa panahon na muling makita ng kaayusan sila – sila , baka muling magising ang hanay ng bayan at muling isigaw ang kaunlaran na para sa lahat. Ang magagandang mga gusali at mahahabang tulay ng kaunlarang nakikita’y hindi sapat sa kanila. Ang magkalaman ang sikmurang kumakalam ang una bago ang kaunlarang di batid. Ang patas na kaunlaran dinanas kuno ng bayan isa lamang kabalintunaan dahil o ito’y kaunlaran para sa iilan.
Ang kaunlarang ‘di dama ng bayan na iminulat ng ilang sa mag-aaral ng UP at ito ang ibinabahagi sa bayan. At marahil ito ang dahilan kung bakit mainit sa mata ng nasa poder ang mga ito at tinaguriang Pulahan. O’ dahil batid na sala ang pag-unlad na sinasabi ng mga nasa pwesto. Walang labanan ng mga uri para sa kaalaman, at hindi tamang tawaging terorista ang mga taga pagmulat sa katotohanan. Ang pagpapaalam ba ng tunay na kalagayan ni Mang Juan, Aling Maria, Ba Ipe’y isang akto ng terorismo?
O dahil hindi nasasagot ang ugat ng paghihirap ng mga kababayang kapos sa lahat ng bagay. Ang pag-aabot ng ayuda na walang pagmumulat ay panandaliang paraan ng paglilihis ng tunay na kalagayan ng bayan. Ang masakit sa pangyayaring ito, karaniwan sa mga tagapagmulat sa bayan ay nagtapos o nag-aaral sa UP na tunay na isinasagawa o isasabuhay ang natutunan.
Hindi tanggap ng mga nasa poder ng pamahalaan ang pagiging taga pagmulat ng mga UP dahil sa katuwirang libre ang pag-aaral ng mga ito. Ito ang uri ng pagbabalik ng mga Isko kay Mang Juan na hindi nakita ng mga lider ng gobyerno. Dahil salat sa pagmumulat ang nasa pamahalaan at pinaasa ang bayan sa ayudang panandalian, masakit sa mata ang ginagawa ng mga Isko dahil tumataas ang kamalayan ni Mang Juan at nagsisimulang magtanong sa kalagayan. Itong ayaw ng lider ng bayan.
Tandaan, hindi lang trabaho ng gobyerno ang pangongolekta ng buwis, kailangan isama ang kahalagahan ng tamang edukasyon sa bayan. Ang pagtuturo sa mga dapat tulad ng mga karapatan sa lahat, gawin ng may kasiyahan. Bilang isang sangay ng gobyerno ang UP’y tuwiran nagsisilbi sa bayan sa lahat ng uri ng kaalaman. At bilang bahagi ng gobyerno, bakit kailangan lakipan ng mga negatibong pahayag ang pamantasan, maging ang mga estudyante. Di ba nararapat na bigyan pagkilala lalo’t ang kagalingan ng mga ito nasa bawat bahagi ng lipunan.
Sa huli, totoong kinikilala ang UP bilang institusyon ng kaalaman, at ang kilos ng mga Isko bahagi ng kalayaan sa akademya na ikinairita ng lider gobyerno. Tila ‘di tangap ng mga ito na may institusyon sa loob na hindi sumasayaw sa ibig nito. Subalit kailangang tandaan, ang uri ng pag-tuturo sa UP ang nagpapatingkad sa galing nito. Likas sa UP ang magkasalungat na pananaw. Ang pagtitimbang sa kung sino ang tama’y nasa tao na nagmamasid at tumatanaw.
Huwag hayaan na madala sa mga damdamin na ang basehan eh ang mga pahayag para sa kaalaman. Sa totoo lang, ang paghuhusga’y dapat ibatay sa mga nagawa at hindi sa pahayag. Huwag ituon ang lakas sa iilan at sa halip tingnan ang naiambag sa kabuuan ng lipunan. Kung mainit ang mata sa iilan ‘di tama na idamay ang serbisyo sa bayan. Ang binawas na budget o pondo sa UP at PGH, hindi ang institusyon ang magdadala, sa halip bayan na umaasa sa tamang serbisyong para sa kanila.
Maraming Salamat po!!
The post MAINIT SA MATA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: