Facebook

May mga ‘tadong taxi driver din pala sa Baguio City

May mga ‘tadong taxi driver din pala sa Baguio City

 

Generally mababait, matitino, mapagkatiwalaan at hindi namimili ang mga taxi driver sa Baguio City. Maraming beses ng napatunayan ito, hindi lang ng inyong lingkod kung hindi maging ng mga nagbabakasyon sa kilalang “Summer Capital” ng bansa.

Hindi rin uso sa mga taxi driver sa lungsod ang pangongotrata at sa halip, talagang ibinababa ang metro…at higit sa lahat, kahit piso pa ang sukli mo ito ay kanilang ibinibigay.

Dahil sa mga ipinapakitang pagsunod sa batas ng mga driver, ikaw na pasahero ang mahihiya at maeengganyong magbibigay ng tip sa kanila o nahihiyang kunin ang sukli mo. Halimbawa ang sukli mo ay P20.00 o P10.00 at sa kabaitan ng driver mahihiya kang kunin ito at sa halip ay baka iyo pang dadagdagan.

Kompara sa mga driver ng taxi sa Metro Manila. Naku po! Taliwas ang lahat. Kung mayroon man matino, iilan lang ito – baka isa sa isangdaan driver. Ganoon ang bilang ng matinong taxi driver sa Metro Manila.

Pero ano pa man, kahit pala masasabing matino sa pangkalahatan ang taxi driver sa Baguio City, mayroon at mayroon pa rin pala mga driver na sumisira sa magandang imahe ng mga taxi driver sa lungsod. Iilan lang siguro pero nakasisira pa rin sa imahe ng mga matitinong driver ng Baguio.

Napatunayan natin ito kamakailan, hindi naman tayong nakarasan ng kabastusan o kabalatuan sa driver at sa halip, Nakita na mayroon pa rin pala mga loko-lokong driver sa lungsod.

Hindi naman sila nangongotrata pero bawal ang estilo ng kanilang paniningil sa nais na sumakay sa kanila.

Kamakailan ay nasa Baguio tayo, isa sa paboritong activity ni Misis sa Baguio ay pamimili ng ukay sa night market na matatagpuan sa Horizon Road – malapit lang ito sa Burnham Park tapat ng Melvin Jones Grandstand at opposite ng Session Road, ang kalsadang tatak ng Baguio City.

Dakong 10:00 PM matapos na mamili sa night market, habang nag-aabang kami ng taxi sa kanto ng Shanum St., at Otek St., hindi kalayuan sa Horizon Road, napansin naman may mga bankanteng taxi na nakahimpil at nakapila sa kanto.

Nilapitan namin para sumakay…at nang buksan nsmin ang pintuan, nagulat na lang ako nang sabihin ng driver na ang singilan nila matapos ko sabihin ang destinasyon namin ay P50.00 per head. E apat kami kaya ang ibig sabihin nito ay P200 pero ang regular fare naman hanggang sa deninasyon namin ay wala pang P100.

Ang estilo ay illegal, estilong kolorum na o pangongotrata na rin ito…kung baga, ang estilo din nila ay pananamantala sa mga bisita ng lungsod. Hindi lang dalawa ang nakapila na taxi kung hindi lima sila. Sa tingin ko ay hindi naman sila kolorum at sa halip legit na taxi pero ang estilo nila ay bulok.

Hindi ko na kailangan pang tanungin ang LTO o LTFRB kung legal ba ang estilong ito ng mga driver dahil siyento por siyento akong illegal ang gawain nila.

So, ano ang dapat gawin sa mga gunggong na mga driver? Nararapat lang na bigyan sila ng leksyon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong maging ng Baguio City Police District.

Mayor Magalong, yes generally matitinong ang mga taxi driver sa lungsod pero, dapat na inyo pong wakasan ang estilo ng mga gunggong na ito – sinisira nila ang imahe ng mga matitinong driver at maging ang imahe ng lungsod.

Paki tuldukan ang estilong ito Mayor Magalong. Maraming salamat po. Iligtas natin ang mga matitinong driver sa mga salot na driver.

The post May mga ‘tadong taxi driver din pala sa Baguio City appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
May mga ‘tadong taxi driver din pala sa Baguio City May mga ‘tadong taxi driver din pala sa Baguio City Reviewed by misfitgympal on Agosto 30, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.