PUMANGATLO ang Maynila sa listahan ng mga local government units na may “Highest Locally-Sourced Revenues for FY 2021.”
Ito ay ipinagkakapuring inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna, na nagsabi na ang Maynila ay tinanghal na ikatlo sa top performing city dahil sa nakolekta nitong P11. 56 million sa revenues.
Ito, ayon sa kanya ay naganap sa kabila na ang bansa ay patuloy na sumasailalim sa pandemya.
Sa pagkakataong ito ay pinasalamatan ni Lacuna ang Department of Finance sa pagkilala at sa lahat ng stakeholders sa lungsod, kasabay ng pagpuri niya sa mga business owners sa Maynila sa pagtulong na makamit ang nasabing ranggo.
“Maraming salamat sa lahat ng ating mga stakeholders at sa mga businesses, sa inyong pagbabayad ng mga buwis,” sabi ng kauna-unahang babaeng alkalde ng lungsod.
Binigyang diin ni Lacuna na dahil sa mga ginagawang pagbabayad ng mga business establishment owners, ang pamahalaang lungsod ay nakagagawa ng maraming programa at serbisyo na napapakinabangan ng mga residente ng lungsod, lalo na ng mga mahihirap.
“Dahil sa inyo ay madaming nagagawa ang lungsod, pabalik sa mga Manilenyo,” sabi ni Lacuna.
Nanguna ang Quezon City na siyang pinakamalaking lungsod sa bansa sa listahan na ginawa ng Bureau of Local Government Finance (BLGF), sumunod ang Makati City na siyang pangunahing financial district ng bansa. (ANDI GARCIA)
The post Maynila, pumangatlo sa lgu’s na may ‘Highest Locally-Sourced Revenues FY 2021’ — Mayor Honey appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: