Facebook

Proteksyon sa delivery riders, isinulong ni Bong Go

Inihain ni Senator Christopher “Bong” Go sa Senado ang Senate Bill No. 1184 o ang panukalang “Food, Grocery, and Pharmacy Delivery Services Protection Act of 2022” na magpalakas sa panlipunang proteksyon ng mga indibidwal na nasa delivery services.

Sinabi ni Go na hindi maikakaila na ang paghahatid ng mga pagkain, grocery, maging ng mga medikal ang mas pinipiling paraan ngayon ng mga mamimili, lalo’t ang serbisyong ito ay nakagiginhawa sa kanila dahil hindi na kinakailangang umalis pa sa mga tahanan.

Dahil sa pagtaas ng demand, iginiit ni Go na malinaw na nakatutulong ang delivery service sector na makaiwas ang bawat isa sa mga kumakalat na sakit.

Sa kabila naman ng panganib na sinusuong dulot ng pandemya, ang mga delivery rider sa kasamaang-palad ay nahaharap minsan sa mga hindi patas na gawain o mga insidente ng peke o nakanselang mga booking at order.

Ito ang nagbunsod kay Go na itulak ang pagpapalakas ng proteksyon at kapakanan ng delivery riders sa bansa.

Nais niyang matiyak ang mga karapatan at kaligtasan kapwa ng customers at riders sa bawat transaksyon.

“Itinuturing nating frontliners ang ating mga delivery rider dahil siniseguro nila na maihatid sa inyo ang inyong kinakailangan habang sinasakripisyo nila ang kanilang kalusugan. Kaya naman marapat lang na mabigyan sila ng kinakailangan nilang proteksyon,” iginiit ni Go.

“Napakalaki po ng kontribusyon nila sa ating ekonomiya. Bukod sa mabilis na paraang makabili ng pagkain, nagbibigay rin ang industriyang ito ng maayos na kabuhayan sa ating mga kababayan sa ligtas at marangal na paraan,” dagdag niya.

Sa ilalim ng kanyang mungkahing batas, ipinagbabawal sa food, grocery, at pharmacy delivery service provider na i-require sa mga rider o driver na maglabas ng anumang halaga ng pera para sa mga order.

Sa kaso ng pagkansela ng mga order, babayaran pa rin ng service provider ang delivery riders para sa kanilang serbisyo.

Higit dito, ang sinumang service provider na lalabag sa pagbabawal sa pag-aatas ng monetary advances sa delivery riders ay papatawan ng multa.

Lilikha rin ito ng isang “Know-Your-Customer Rules” na mag-aatas sa mga customer, bago ang pagpaparehistro sa kanilang mga mobile phone application, internet website o iba pang katulad na platform, na magsumite ng wastong patunay ng pagkakakilanlan. Ito ay dapat ding ipatupad ng service provider.

“Hindi po biro ang pinagdadaanan ng ating delivery riders. Nakalulungkot man po, pero may mga kababayan po tayo na minsan ay niloloko ang ating riders at hindi nila alam kung gaano kalaking kawalan ito sa hanapbuhay nila,” ayon kay Go.

Bilang karagdagan, ang sinumang gagawa ng alinman sa mga ipinagbabawal tulad ng paggamit ng personal na impormasyon ng ibang tao, pagkansela ng mga order, panloloko sa order at pagtangging bayaran ang order, ay isasailalim sa mga parusa.

“Marangal ang trabaho ng isang delivery rider o driver. Sa harap ng pagsubok ng pandemya at iba pang krisis, sinikap nilang pumasok sa ganitong hanapbuhay para may maiuwi sa kanilang mga pamilya. Kaya proteksyunan natin ang kanilang kapakanan bilang mga frontliners na may malaking bahagi sa ating kabuhayan at ekonomiya,” iginiit ng senador.

The post Proteksyon sa delivery riders, isinulong ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Proteksyon sa delivery riders, isinulong ni Bong Go Proteksyon sa delivery riders, isinulong ni Bong Go Reviewed by misfitgympal on Agosto 23, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.