Facebook

SINUSUBOK

HINDI pa nag-iinit ang puwet ni Boy Pektus sa upuan sa puno ng Balite sa Malacanan, nariyan na ang mga pagsubok sa liderato nito lalo sa pagtugon sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad. At tila inuuna ang balwarte, ang Hilagang Luzon na masasabing nagdala ng maraming boto upang ipanalo ang nakaraang halalan. Sa unang sigwa ng kalamidad tinamaan ng malakas na ulan ang Ifugao na nagdulot ng landslide at pagbaha na nagpakaba sa maraming naninirahan sa lugar. At patuloy ang pangamba dahil papasok ang panahon ng tag-ulan. Hindi nakababangon, eto na ang malakas na lindol na may intensity 7.3 na nagpabagsak sa maraming gusali’t kabahayan, mga tourist destination at maging sa kabuhayan ng mga taga Hilagang Luzon.

Sa pagsubok na kinaharap, silip ang hindi magkakaugnay na galaw kilos ng pamahalaan; nariyan ang mabilis na pagtugon ng ilang kagawaran, nariyan ang pag-aatubili ni Boy Pektus na nagpalipas ng araw bago pumunta sa lugar ng mga tinamaan ng lindol sa kadahilanang ayaw nitong maantala ang serbisyong inilalatag. Nakipagpulong sa mga lokal lider na nagpaabot ng kahilingan sa pambansang pamahalaan. Na ibinato ang gagawin sa mga kalihim at ibang opisyales na kasama sa usapan. Ang nakapagtataka, lumipas ang mga araw, tila walang inilalabas na mga pagtatasa sa laki ng pinsala sa imprastraktura at ang kagyat na aksyon dapat gawin. Walang datos kung ano at magkano ang nasirang mga ari-arian. Bulag o binubulag ang bayan sa halaga ng nasisira at lalong mabubulag sa halaga ng kung magkano ang ilalaan sa pagkukumpuni ng dapat ayusin. Sadya bang hindi ipinabatid sa bayan ang danyos ng kaganapan sa anong dahilan? Dahil batid ni Mang Juan na hindi kasama sa ibig na programa ni Boy Pektus ang laban sa korapsyon, ito ba ang napiling paraan? Ang pagtatago ng mga datos hinggil sa pinsala at gagastusin sa pagkukumpuni, tunay na nakakabahala.

Sa totoo lang, marami ang ibig makilahok sa pagbangon ng mga lugar na napinsala, ngunit marapat na malaman ng mga ito saan punto ito makakatulong. Ang hindi paghahayag ng pinsala, liban sa 10 tao na binawian ng buhay, tila kakaiba sa mga nakaraang mga pamahalaan ang kilos ng pamahalaan ni Boy Pektus. O baka walang balak malaman o susumahin ang danyos ng sa gayon walang pasubali ang paglalaan at paglalabas ng pondo sa rehabilitasyon ng mga nasirang imprastraktura. Ito ba ang simula ng pagbawi sa gastos sa nakaraang halalan? Nagtataka lang po. Bulag si Mang Juan sa mga dapat gastusan subalit lalabas sa kabang bayan ang halaga na ‘di malaman ang paggagamitan. Mahalaga ang partisipasyon ng lahat ng sektor na ibig mag-ambag ng kanilang tulong para sa kababayan. Eh paano, tutulong kung bulag at sinasarili ng pamahalaan ang impormasyong kailangan. Sa sitwasyong ito, tila malamya ang ayuda galing sa mga pribadong tao na ibig tumulong. Nagdadalawang isip kung tutulong o hahayaan ang pamahalaan na balikatin ang dapat upang maitayo ang buhay at kabuhayan sa lugar na tinamaan at nasira ng lindol. Ito ba ang panahon na bahala kayo sa sarili ninyo dahil nagkamali kayo sa ibinoto? Huwag naman po!!! O baka bumabawi sa mga na vetong batas na itinulak sa nakaraang pamahalaan.

Sa kabilang banda, sumpungan ang galaw ng politika, nariyan ang ilang panukalang batas na nasa hapag na ni Boy Pektus ang tumaob dahil sa hindi maganda sa panlasa ang panukalang batas na regalo ng nakaraang kongreso. Ganun pa man, nasa panig nito ang kapalaran dahil mukhang nakuha ang mayorya ng dalawang kapulungan na nagtutulak sa mga batas na ibig nitong isulong. At sa pagbalangkas ng batas na ihahain, may babala si BP na ang kailangan na ang batas na makararating sa hapag nito’y sasalamin ayon sa kagustuhan ng ehekutibo. Nasa puntong ito, may ilang mambabatas ang mabilis na pumihit at nagpanukala na palakasin o ginising ang natutulog na LEDAC ng hindi magmukhang walang laman ang mga batas na ihahain at baka ma-veto ni Boy Pektus. O’ baka may ibang nais si BP, ang paikutan ang kongreso na sa Balite manggagaling ang batas na ilalabas sa bayan. Naamoy mo ba ito Mang Juan? At sa pagkakataong ito, ang kongreso ang sinusubok kung bibigay at hayaan ang Balite ng Malacanan ang gumawa ng mga panukalang batas at moro-morong pag-uusapan, pag dedebatihan at ipapasa kuno ng mga mambabatas na kabig o sipsip kay Boy Pektus, hehehe. Huwag magpalinlang Robinhood at huwag sugod ng sugod.

Sa kabilang banda, maging handa Mang Juan sa kung anong kaganapan ‘di lamang sa gawa ng kalikasan maging sa kilos ng tao sa Balite ng Malacanan. Ang pagsubok na hinahain ay tila may matagalang epekto sa kabutihan ng bansa. Tila hindi lang ang kasaysayan ang nais baguhin kundi ang takbo ng kinabukasan. Subalit, maaga pa lang ramdam na magkasalungat ang takbo ng pagsubok dahil ang kalikasa’y nagbabadya ng sariling pagtutol sa maagang pagkilos ng kadiliman. Ang sobrang ulan, maging ang lindol na naganap sa Hilagang Luzon ay malinaw na pahiwatig ng sanlumikha sa mga nakaupo na kailangang ayusin ang pagpapatakbo sa bayan. Nariyan ito, ngunit binabalewala dahil sa kaagahan ng pananatili sa pwesto. Huwag magpadalos dalos at dalhin si Mang Juan sa kung saan. At kung mangyari ito, hindi mo batid na baka muling maganap ang sinapit ng pamilya mo sa nakaraan, maging mapagmatyag sa kaganapan. At kung maigi ang bayan at si Mang Juan, umasa na may bukas para sa inyo.

Kay Mang Juan, huwag hayaan na maganap ang hindi dapat at dahil ang kinabukasan ng iyong salinlahi ang nakataya sa labang ito. Kasama ng sanlumikha magmulat at gumalaw ayon sa kanyang nais. Huwag hayaang dumilim ang bukas dahil sa kamalian sa nakaraan. Ang pagiging gising sa kaganapan ang gawing batayan sa kilos para sa iyo’t sa bayan. Sa totoo lang, kita at dama ang hindi makamasang kilos ni Boy Pektus, tulad ng ‘di pagpasa ng Tax Exemption Bill sa mga guro na kalahok sa halalan, ang hindi pagpapatigil ng mga excise tax at maging ang right sizing kuno sa pamahalaan ay patunay na hindi pinakinggan ang inyong hinaing. Mabuting sa ganitong kaaga’y mamulat at sa paglaon ng panahon kayo na rin ang sisigaw, saan na ang pangakong kaginhawaan para sa bayan.

Hindi naghahanap ng labis, ang hinihingi’y batay sa pangakong binitiwan sa panahon na ikaw ang nangangailangan. Huwag sanang dumating kung saan ang baya’y kailangan sumigaw at magmartsa para mapansin. Sa agang ito ng pag-upo Boy Pektus, tila nalulusaw ang pag-asa ng pagkakaroon ng iisang adhikain para sa bayan. Huwag ng padaanin sa pagsubok si Mang Juan, ang 31M umaasa sa iyo, at ang bayan. Tulad ng sabi ni Sandro ika’y pangulo ng lahat ng Pilipino, huwag pahirapan ang tulad ni Mang Juan at ang balana….

Maraming Salamat po!!!

The post SINUSUBOK appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
SINUSUBOK SINUSUBOK Reviewed by misfitgympal on Agosto 02, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.