MARIING nagpahayag ng pagkadismaya ang mga opisyales ng barangay, religious group, vice at crime crusaders sa Region 4A laban kina Philippine National Police Director General Rodolfo Azurin, Jr. at Region 4A Police Director Brig. General. Jose Melencio Nartatez, Jr. dahil sa paglobo ng operasyon ng “paihi “at mga iligal na sugal na ugat din ng pagdami ng krimen sa rehiyon.
Tanong nila: “Inutil na ba ang dalawang mataas na heneral ng PNP (Azurin Jr. at Nartatez Jr.) dahil hindi nila mapahinto ang operasyon ng paihi ng krudo o gasolina, gayon din ang mga sugal tulad ng Small Town Lottery (STL)- con jueteng, sakla, lotteng at iba pang iligal na uri ng bawal na pasugal?”
Sa datos, ang Region 4A o CALABARZON ay namumutiktik ang krimen na ugat ng mga negosyong paihi at sugalan na front ng bentahan ng iligal na droga sa buong rehiyon.
Marami at lantaran ang paihi sa R4A pero, kung hindi alam ni Azurin Jr., isa lang ang ibig sabihin niyan – siya’y binubulag ng kanyang mga opisyal sa totoong sitwasyon, kapalit ng milyones na regular na linguhang payola mula sa paihi lord na isang Malabon-based Tsinoy, ayon sa source ng Police Files TONITE.
Ang kawalan ng impormasyon ni Azurin, Jr. mula sa mga opisyal na kanyang iniluklok sa R4A, tulad ni Gen. Nartatez, Jr. ang maaring dahilan kaya nagiging parang inutil ito laban sa talamak na paihi at gambling con drugs sa CALABARZON.
Dalawa sa malaking grupo ng paihi rito ay matatagpuan sa lalawigan ng Batangas, partikular sa bayan ng Lemery na minamantine ng magkasosyong “Glen” at “Dondon”, samantalang sa Lipa City ay nag-ooperate naman ng paihian ang isang alias “Kap. Dan”.
Sa probinsya ng Quezon, apat ang ‘di matinag ng pulisya na operasyon ng paihi, tatlo sa mga ito ay nasa bayan ng Candelaria na ino-operate ni alias “Lito”; BarangayLalig sa Tiaong na pinatatakbo ng isang “Lani”; at Brgy. Talim, Eco Road, Lucena City na minamantine ni alias “Bobby”.
Ayon sa source, milyones ang ipinamumudmod na “weekly protection money” nina Glen, Dondon at Kap. Dan sa mga opisina ng regional commander sa Camp Vicente Lim sa Canlubang, Laguna, gayondin sa mga tanggapan ng Batangas provincial director, police chief ng Lemery, hepe ng Lipa City Police, Quezon Provincial Police Office, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at National Bureau of Investigation (NBI) para ‘di matinag ang pagpapaihi ng petroleum products sa mga kuta ng sindikato sa munisipalidad ng Lemery, Lipa City, Batangas at Quezon Province. . Ang higit na nakadidismaya pa, si Lt. Colonel Ariel Azurin, pamangkin ni Gen. Azurin Jr., ang hepe ng pulisya ng Lipa City at ang opisina nito ay ‘di kalayuan sa paihian ni “Kap. Dan”.
Si Police Major Gerry Abalos naman, ang hepe ng Lemery Police, ay sa tanggapan nito kalimitang nakikita si “Glen”, ang dummy operator ng paihian sa Lemery na kinakapitalan ng Malabon based Chinese na kilalang paihi at petro smuggler king.
Ayon sa ilang konsehal ng Lemery at Lipa City, may ulat sa kanila na nagpapadala rin ang sindikato ng “tongpats” sa opisina ng Chief PNP sa Camp Crame sa pamamagitan ng isang nagngangalang “Ocampo” at mga kasamahan nitong “protection money” collector.
Si Ocampo ay kilalang sangkot sa illegal drug operation at financier din ng STL- con jueteng kasama ng may 30 iba pang drug/ gambling operators na kinabibilangan din ng ilang kababaihang iligalista sa Tanauan City. Siya (Ocampo) din ang komokolekta ng P5 milyong buwanang padulas para sa isang mataas na opisyal ng Tanauan City hall at P5 milyon din para sa grupo ng tanggapan nina Gen. Azurin Jr. para huwag nang ipatigil ang operasyon ng sugal at droga sa nasabing siyudad.
Sa bayan ng Nasugbu, Batangas, isang “Willy Bokbok” ang nagpapatakbo ng STL-con jueteng at bentahan ng shabu habang isang alias “Timmy” ang nag-ooperate din ng nasabing sugal at drug trade sa mga mga bayan ng Mabini at San Pascual.
Sa bayan naman ng Silang, Cavite na hometown pa mismo ng kauupong Cavite Provincial Director, Colonel Christopher Olazo, ay laganap naman ang saklaan ng isang alias Sgt. Maala at ng katiwala nitong sina alias Louie S., at ng isang barangay kapitan.
Pakilala ni Sgt. Maala kay Silang Police Chief, Lt. Col. Romulo Dele Rea, kumpare niya ang isang heneral na ex-PNP Director ng R4A, kaya nga marahil ‘di makapalag at dedma nalang ang nasabing police chief sa naghambalang na saklaan kahit sa mga gilid ng kalsada at iba pang lugar sa bayan ng Silang.
Ayon pa sa mga anti-crime, vice crusader at religious group, ang ‘di pagkilos nina Gen Azurin Jr. at RD Nartatez Jr. sa lumalalang operasyon ng paihi, iligal gambling at bentahan ng droga sa CALABARZON ay nagpapababa sa moral ng lipunan.
Nauna nang pinatigil ni Tanauan City, Batangas Mayor Sonny Collantes ang operasyon ng STL-con jueteng pagkaupong-pagkaupo niya sa pwesto noong July 1, 2022.
Ngunit kasunod ng ulat na tumanggap na ng P5 milyon na monthly payola ang isang mataas na opisyal ng Tanauan City hall at P5 milyon din para sa grupo ng matataas na opisyales ng PNP, kasama rito ang tanggapan nina Gen.Azurin Jr., mula sa grupo ng drug/gambling lord na sina Ocampo at sa mga kasamahan nito, muling nagbalik at higit pang naging garapal ang operasyon ng STL-con jueteng at STL-con droga sa lungsod. (CRIS IBON)
The post AZURIN, NARTATEZ “INUTIL” VS VICES SA R4A? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: