BINIGYANG-DIIN ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat pang paigtingin ng mga awtoridad at mga kinauukulang ahensya ang pagsugpo sa dumaraming krimen na iniuugnay sa Philippine offshore gaming operators (POGOs) at tiyakin ang pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at pangangalaga sa buhay ng mga tao, anuman ang kanilang nasyonalidad.
“Kailangan nating maingat na balansehin ang mga gastos at benepisyo tungkol sa mga operasyon ng POGO sa bansa,” ayon kay Go.
“Sa ngayon, ang kailangan ay para sa ating mga law enforcement bodies na sugpuin ang mga krimen na iniulat na konektado sa POGO operations, gayundin ang lahat ng iba pang krimen na ginagawa ng iba’t ibang elemento,” patuloy niya.
Kamakailan, pinangunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang isang operasyon kung saan nagawa nilang isara ang mga iligal na offshore gaming operations sa Angeles City, Pampanga. Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine National Police, Department of Justice at National Bureau of Investigation.
Ang pagsalakay ay bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na puksain ang mga kidnapping na nauugnay sa POGO at mga kaso ng human trafficking sa bansa.
Nasa 40 dayuhang manggagawa ang nailigtas sa operasyon. Ang nasabing mga manggagawa ay pinaniniwalaang pinilit magtrabaho para sa kumpanya.
Iginiit din ni Senator Go ang kahalagahan para sa pamahalaan na mapanatili ang matigas nitong paninindigan laban sa kriminalidad at palakasin ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
“Anuman ang nasyonalidad ng mga biktima, mapa-banyaga man ang mga ito o Pilipino, kailangang mabigyan ng sapat na proteksyon ang sinomang walang ibang ninanais kundi ang mamuhay nang maayos sa loob ng ating bansa,” giit ni Go.
“Kung walang matatag na kapayapaan at kaayusan, magiging mahirap na mapanatili ang pag-unlad ng ekonomiya, lalo na ngayon na sinusubukan nating makabangon nang higit pa mula sa pandemyang ito,” idiniin ng senador.
Higit pa rito, binigyang-diin ni Go ang pangangailangang higit pang masuri at isaalang-alang kung dapat itigil ng gobyerno ang operasyon ng POGO dahil sa epekto nito sa pangkalahatang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan.
“Mahalaga ang peace and order. Kung umabot sa punto na hindi talaga mapigilan ang mga krimeng iniuugnay sa POGO, dapat ikonsidera na ng gobyerno na ipatigil na lang ang kanilang operasyon,” sabi ni Go.
“Ayaw nating madamay pa ang mga ordinaryong mamamayang Pilipino na nais mabuhay nang tahimik at mapayapa. At para sa akin, mas mahalaga ang buhay ng bawat tao,” anang mambabatas.
The post BONG GO: CRACKDOWN SA POGO-RELATED CRIMES, PAIGTINGIN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: