Facebook

ERAP (Unang Bahagi)

HINDI ko nalilimutan ang isang rally ng mga elementong loyalista ng pinatalsik na diktador Ferdinand Marcos Sr. Tag-init noon, buwan ng Mayo, taong 1986. Bagong tatag ang gobyerno ni Cory Aquino at maingay ang mga panatiko ni Marcos na gustong pabalikin si Marcos sa poder at patalsikin si Cory. Nagdaos sila ng rally sa harap ng Malacanang at isa sa mga magsasalita sana ay si Erap Estrada, ang pinalitan na alkalde ng San Juan. Nasama siya sa malawakan at malupit na pagpapatalsik ng mga local official na iniutos ni Cory at pinangunahan ipatupad ng namayapang Nene Pimentel bilang kalihim ng DILG.

Nagkagulo sa rally dahil binuwag ito ng mga pulis. Wala umanong permit. Takbuhan ang mga tao at unang nawala si Erap. Hindi nakapagsalita dahil hindi natuloy ang palatuntunan. Isa ako sa mga kawan ng mga mamamahayag na nag-cover sa rally. Beat ko noon ang panig ng Marcos sa nasarang pahayagan na Philippine Tribune, isa sa mahigit sa dalawang dosenang pahayagan na naglipana ng napatalsik si Marcos.

Fast Forward noong 1987. Niratipika ng sambayanang Filipino noong ika-7 ng Pebrero ang bagong Konstitusyon bilang kapalit ng “Freedom Constitution,” ang pansamantalang saligang batas na pumalit sa 1973 Konstitusyon, ang blueprint ng diktadurya ni Marcos na itinapon ng gobyerno ni Cory Aquino. Sumapit ang Mayo, nagdaos ng halalan para sa bubuo ng ika-8 Kongreso, ang unang eleksyon sa ilalim ng nagbabalik na demokrasya at bagong saligang batas.

Nanguna sa pagka-senador si Jovito Salonga, kasunod si Butz Aquino, Orly Mercado, at Edgardo Angara sa 22 nanalong kandidato ng koalisyon ni Cory Aquino. Tanging si Juan Ponce Enrile at Erap sa Estrada ang nakalusot sa mga kandidato ng Grand Alliance for Democracy (GAD) ang koalisyon ng oposisyon. Ngunit nang nabuo ang Kongreso na binubuo ng Senado at Kamara de Representante, lumipat si Erap sa koalisyon ni Cory. Hindi ko malilimutan ang balita nang nagharap si Cory at Erap sa Malacanang. Pinayuhan ni Erap si Cory na payagan si Kris Aquino, ang bunsong anak, na pumasok sa showbiz. Naiwan mag-isa si JPE bilang oposisyonista sa Senado na binubuo ng 24 na senador.

Isa ako sa dalawang mamamahayag na itinalaga ng aking pahayagan, ang bagong tatag na Philippine Daily Globe na pag-aari ng pamilya Ramos ng National Book Store. Kasama ko ang namayapang David Borje, isang beterano ng nakalipas na giyera. Isa siya sa mga sundalong Pinoy lumaban sa mga Hapones sa pamosong Battle of Bessang Pass. Minsan naikuwento ni Manong David na hindi niya nakita si Ferdinand Marcos Sr. narinig ang kanyang pangalan sa Bessang Pass. Ibang kwento ito. Madali namin nakapalagayang loob ang mga senador.

Halatang kumapa si Erap si Senado. Hindi nakasabay sa mga balitaktakan at deliberasyon ng mga panukalang batas na tinalakay doon. Hindi totoo na hindi marunong ng Ingles si Erap. Kung ihahambing, mas marunong siya ng Ingles kay Lito Lapid, Bong Revilla, at Robin Padilla. Kayang sumabay sa talakayan ni Erap kung gugustuhin. Minsan hindi na nakapagpigil si Erap at tumayo sa bulwagan upang idaing na wala umanong mapapala ang sambayanan sa dakdakan. Maraming suliranin ang bayan at hindi ang daldalan ang makakalutas ng mga problema. Inawat siya ni Orly Mercado na nagpaliwanag na tungkulin ng Senado bilang isang deliberative body ang maging forum ng iba’t ibang ideya bilang bahagi sa pagpanday ng polisiya sa bansa.

Madali kong nakapalagayan loob si Erap. Naging kaibigan ko siya bilang beat reporter sa Senado. Paminsan-minsan naibulalas niya ang kanyang saloobin sa akin. Inamin niya sa akin na hindi siya bagay sa Senado at sa kanyang pakiwari isang executive position ang bagay sa kanya. Minsan, nakita namin na maraming mamamahayag ang nagkakagulo upang kapanayamin si JPE. Tila may pag-iimbot na nasabi niya sa akin: “Teka, bakit kayo nagkakagulo kay Enrile. Mas marami akong boto diyan.” Totoo, lumanding si Erap bilang pang-14 na senador, samantalang pang-24 si JPE, o kulelat sa mga nanalo.

Minsan, dumaan si Erap sa press office ng Senado. Taong 1988 iyon. Isa ako sa mga reporter na binati. Nilapitan ako ni Erap at tinanong kung paano siya mapapansin ng mga reporter. Hindi kasi siya tinitingala ng mga mamamahayag at ang tingin sa kanya ay pipitsugin. Ganito ang takbo ng aming usapan. “Tutal, you asked me a honest question, I’ll give you an honest answer,” sabi ko kay Erap. “Kailangan mayroon kang advocacy,” sabi ko.

“Ano iyon?” pakli ni Erap. Sa loob-loob ko: Susme, hindi alam ni Erap ang advocacy. Eh, bahagi iyon ng trabaho bilang mambabatas. Pero sinagot ko siya ng maayos. “Kailangan may tatayuan kang causa, o simulain. Tingnan mo ang mga kasama mo, may kanya-kanyang advocacy. Pagdating sa graft and corruption, nandyan si Tito Guingona, sa foreign debt, walang mauuna kay Bert Romulo, at land reform, mabilis si Sonny Alvarez,” sabi ko. Napansin ko si Erap na hindi kumibo at nag-iisip ng malalim habang hinihitit ang isang stick ng sigarilyong Lucky Strike na walang filter. Mukhang epektib yata ang dialogue ko, sabi ko sa sarili ko.

“Eh, ano naman ang advocacy ko?” tanong ni Erap. Aba, political adviser na ako, sabi ko sa sarili ko. Pinatulan ko si Erap kahit hindi ko alam na may kakayahan pala ako na magbigay ng payo sa pulitiko. “Erap, kaya mo bang tumayo kontra sa pananatili ng base militar ng Estados Unidos sa bansa?” tanong ko. Mainit na ang isyu ng base militar noon dahil malapit ng magwakas ang U.S. – Philippines Military Bases Agreement, ang tratado na nagpapahintulot sa mga base militar ng mga Amerikano sa bansa hanggang 1991.

“Mayroon tumatayo diyan tulad ni Bobby Tanada. Pero kulang na kulang sa ingay. Masyadong gentleman si Bobby. Masyadong soft spoken. Kung tatayuan mo iyan, ikaw ang Nora Aunor ng kampanya laban sa base militar. Tiyak na dadagsa ang mga tao kapag nagsalita ka kontra base militar,” sabi ko. Hindi nakakibo si Erap at nag-isip. Sa pakiwari ko, hinimay niya ang diwa ng aking payo habang panay ang hitit ng sigarilyo. Sa aking tantiya, nahuli ko ang kiliti niya. “Kaya ko iyan,” ito ang panghuling salita ni Erap sa akin. Nagpasalamat at nagpaalam dahil dadalo siya sa nakatakdang sesyon plenaryo ng Senado.

Lumipas ang tatlong linggo, lumapit muli sa akin si Erap bago ang sesyon ng Senado at sinabi sa akin na sinunod niya ang payo ko at isinama sa kanyang legislative agenda ang pagkontra sa pananatili sa bansa ng mga base militar ng Estados Unidos. Binanggit niya na kinuha niya bilang pangunahing tagapayo ang kanyang bayaw na akademiko na si Dr. Raul de Guzman ng UP School of Public Administration. Kinuha niya si Dr. Francisco Nemenzo na naging pangulo ng UP. Kilala si Nemenzo bilang masugid na kalaban ng mga base militar ng Amerikano sa bansa. Kinuha rin niya ang ilang akademiko na nagpanday ng kanyang pagtutol sa base militar.

Hindi nagtagal, nagsalita si Erap ng kanyang pagtutol sa mga base militar. Nilabag ng mga base militar ang kalayaan at soberanya sa pananatili nila sa bansa, aniya sa isang madamdaming privilege speech. Headline si Erap sa aking pahayagan. Hindi nagtagal, isinulat ko ang balita na magtatambal si Erap at ang kongresistang Nikki Coseteng sa pelikulang “Sa Kuko ng Agila.” Naging magkaibigan kami ni Erap. Pero hindi ako komportable na maging bata ako ni Erap. Hindi ako movie writer. Pero ibang kwento ito. (Itutuloy)

The post ERAP (Unang Bahagi) appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ERAP (Unang Bahagi) ERAP (Unang Bahagi) Reviewed by misfitgympal on Setyembre 04, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.