Kung may patimpalak o’ di kaya’y kompetisyon para sa best police detachment of the year, walang katalo-talo ang Blumentrit police detachment sa lahat ng basehan at aspeto.
Ang nasabing detachment ay na sa ilalim ng kustodiya ng Manila Police District (MPD)-PS-3 na kanyang mother unit sa Quiapo, Manila.
Nasasakupan nito ang isa sa pinakamalaking pampublikong palengke sa lungsod ng Maynila na kung tawagin ngayon ay Obrero market o mas kilalang Blumentrit market.
Ang palengkeng ito ay maikukumpara rin sa Divisoria at Quiapo na kung saan libong mga vendor na may iba’t-ibang kalakal o paninda ang naglipana sa halos lahat ng kalye at eskinita.
Sa dami ng mga vendor dito, matiyagang minatsagan ito ng hanay ng kapulisan dito sa nasabing detachment mula madaling-araw hanggang hatinggabi.
Pinanatili ng mga ito ang disiplina at kaayusan ng kalakalan ng mga vendor na may hangganan at limitasyon at hindi basta na lang nakabalagbag.
Sa liderato ng kanilang detachment commander na si Lt. Ferdie Cayabyab, napanatili nila ang tulungan at pagkakaisa ng bawat panig, give and take basis, ika nga.
Bagama’t istrikto at may kahigpitan itong si Tinyente, hindi ito masyadong iniinda ng mga vendor sa kanyang nasasakupan dahil araw-araw din naman silang nakakapaglatag dangan nga lang ay may patakaran silang dapat na sundin.
Ang patakarang ito na mahigpit na pinapatupad ni Tinyente Cayabyab ay huwag na huwag silang bababa ng bangketa gayundin ang kanilang mga kalakal kung ayaw nilang magkaroon ng problema.
Hanggang sa kasalukuyan ay ganito pa rin ang nagiging kalakaran kung kaya’t maluwag pa rin ang kalsada para sa mga motorista gayundin sa mga pedestryan at mga mami-mili.
Hindi mo rin matatawaran ang tiyaga at sakripisyo ng mga pulis dito sa nasabing detachment dahil madaling-araw pa lang ay nagtratrabaho na at umiikot na sa kanilang AOR upang paala-lahanan ang mga vendor hinggil sa kanilang limitasyon.
Kada 15 minuto ay wala kang ibang maririnig kundi ang atungal ng wangwang ng kanilang mobil, back-to-back, motorsiklo na siguradong may kasunod na mga foot patrol na pumoposte bawat kanto upang panatiliin ang kaayusan at disiplina sa buong paligid.
Ito ang dahilan kung bakit natin binansagan na mga tunay na trabahador ang hanay ng kapulisan sa detachment ng Blumentrit, hindi nga naman ganon kadali ang pagkuha ng respeto ng mga tao partikular na ang mga vendor.
Kung ikukumpara mo sa ibang lugar at police detachment na may malaki ring palengkeng nasasakupan at ino-okupa ng sansamakmak na mga vendor, malayo ito sa Blumentrit dahil bihira dito ang kumpiskahan ng mga paninda sa kadahilanang marunong ang mga itong sumunod sa mga reglamento at pinapatupad na alituntunin ng mga awthoridad.
Di rin kailangan dito ang tulong ng DPS,MTPB at Engineering department ng city hall upang pana-tiliin ang kaayusan at disiplina tulad ng nangyari sa Quiapo at Divisoria kung saan walang kamatayang kumpiskahan ng mga paninda ang naging paraan, hagis dito, hagis doon na walang intindihan at unawaan.
Dito sa Blumentrit ay behave ang lahat, masunurin at walang puknat na sinusunod lahat ang patakaran pina-patupad ng awthoridad kung kaya’t walang nagiging problema. Ang mga patakarang ito sa awa ng Diyos ay naka-sanayan na at nakaugalian na sa araw-araw.
Ang mga patakarang ito ay hindi ningas-kugon dahil sa kulang na tatlong taon pananatili ni Tinyente Cayabyab dito sa Blumentrit ay walang nabago at nag-iba sa kalakaran segun na lang siguro sa mga alert status na idedeklara ng gobyerno.
Ito ang kadahilanan kung bakit nasabi nating walang talo sa award bilang best police detachment of the year ang Blumentrit detachment kagaya ng nakasanayan natin noong araw sa MPD na kung saan binibigyan ng parangal ang lahat ng istasyon, detachment, indibiduwal at iba pang mga tao na nagpakita ng pagiging tunay na ehemplo.
The post MGA PULIS SA BLUMENTRITT DETACHMENT, TUNAY NA MGA TRABAHADOR appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: