May magandang balita na naman para sa ating mga kababayang nagnanais mangibang bansa.
Tradisyon na kasi nating mga Pinoy na mag-seek ng “greener pasture” sa ibayong-dagat dahil na rin marahil sa kakulangan sa oportunidad na makakita ng maayos na trabaho dito sa Pilipinas.
Ilan sa mga bansang dinarayo ng ating mga OFWs ay ang sa Middle East, Taiwan, Hong Kong, Canada at America kung saan malaking bilang ng ating mga kababayan ang mga nasa nasabing mga lugar para maghanapbuhay at mapagkalooban ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak at mahal sa buhay.
Karagdagang “good news” itong rekomendasyon ng Senado sa Department of Foreign Affairs na sikaping mai-negotiate sa bansang Hapon ang tinaguriang “visa-free entry” ng ating mga kababayan.
Nangako naman ang isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makikipag-ugnayan sa Japanese government para sa visa-free entry ng mga Pilipino sa karatig na bansa.
Sa kasalukuyan base sa December 2021 PSA data, may kabuuang bilang na 276,615 na mga Pinoy ang nasa bansang Hapon.
Ilan dito ay doon na mismo naninirahan at may kanya-kanya ng pamilya.
Mga Filipino ang sinasabing fourth-largest foreign community sa bansang ito.
Isang malaking “push” na rin ito sa ating mga kababayan na nagnanais na makipagsapalaran sa nasabing parte ng mundo.
Ang latest development na ito ay bunsod na rin ng rekomendasyon nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Sagip Rep. Rodante Marcoleta na payagan ng Japan government ang pagpasok ng mga Pilipino sa naturang bansa nang walang visa sa isinagawang padinig ng Commission on Appointments committee on foreign affairs.
Tiniyak naman ni Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary to Japan Mylene Garcia-Albano na kanyang isusulong ang naturang rekomendasyon ng mga mambabatas.
Sa bilateral ties kasi ng Pilipinas at Japan, kabilang sa prayoridad ang visa-free entry, food security, energy, health, education, trade and investment at tourism.
Bagamat sa kasaysayan ng ating bansa at ng Japan ay minsan na ring namantsahan ng di magagandang kaganapan dulot na rin ng negatibong epektong duloy ngWorld War II, naging kaagpay naman at kaibigan ng mga Pilipino ang mga Hapon through the years.
Naging shelter din ang Japan para sa mga Pinoy na nangangarap umasenso sa buhay lalo na noong dekada ‘80 at ‘90 kung saan pumatok ang mass exodus ng mga tinaguriang JAPAYUKIs sa bansang Hapon.
Mga kabataang kababaihan ito na nagta-trabaho bilang mga night entertainers sa nasabing bansa.
Nang pumasok ang 20th century, panibagong grupo naman ang maramihang nagtungo sa nasabing bansa para maghanapbuhay rin.
Ang mga ito ay binansagan namang mga “HOSTO” na karamihan ay mga macho at kabataang kalalakihan.
Kaya ang pagkakaroon ng isang VISA-FREE ENTRY policy ng ating bansa sa Japan ay isang napakalaking tulong talaga para sa ating mga kababayan at para na rin sa paglago ng ekonomiya ng ating bansa.
May liwanag na tayong nakikita sa dako pa roon ng mundo na mag-aangat sa kalidad ng buhay ng mga susunod na henerasyon.
Nawa’y di masayang ang mga oportunidad na ito para muli nating buhayin ang dating sigla at kagandahan ng bansang Pilipinas.
Maibalik ang maharlikang dangal ng bawat Pilipino.
Sa ngayon, tiis-tiis muna tayo.
Ika nga sa kasabihang Pinoy, ‘kung maliit ang kumot, magtiyagang mamaluktot’.
Maging masinop at masipag at pasasaan ba, makakamit din natin ang inaasam na kaginhawahan.
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com
The post VISA-FREE ENTRY SA JAPAN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: