Facebook

SUPORTAHAN ANG MGA PROGRAMA NG DA-PCAF AT CLIMATE CHANGE COMMISSION

DOBLE-KAYOD ngayon ang Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) sa pagpapalawak ng kanilang mga programa.

Katunayan, muling hinikayat ng PCAF ang mga civil society organizations (CSOs) na magparehistro at magpa-accredit para maging katuwang sa implementasyon ng mga proyekto at aktibidad ng Department of Agriculture (DA).

Sabi nga ni PCAF Executive Director Nestor Domenden, mahalaga ang partisipasyon ng iba’t ibang organisasyon upang epektibong maipatupad ang mga agriculture programs ng ahensya. Bahagi ito ng pagtataguyod nila ng transparency at accountability at pagpapaigting ng mabuting pamamahala o good governance sa sektor ng agrikultura.

Ang National Technical Committee na siyang nagpoproseso ng akreditasyon ng mga eligible CSOs ay pinamamahalaan din ng PCAF. Kung hindi ako nagkakamali, ang mga accredited CSOs ay popondohan ng DA sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno, katuwang ang isang government agency o isang benepisyaryo ng proyekto.

Para sa mga gustong maging PCAF o DA-accredited CSOs, may nakaabang na 3-step online application process para sa inyo.

Una, maghanda ng accomplished application form na maaari ring i-download sa PCAF website. Pangalawa, i-scan ang certified true copy ng lahat ng mga requirements, kabilang ang isang Certificate of Compliance, para sa mga kooperatiba na nakarehistro sa ilalim ng Cooperative Development Authority. Pangatlo o panghuli, aba’y i-email ang mga kompletong dokumento sa CSO National Technical Secretariat sa cso.nts@pcaf.da.gov.ph.

Ganyan lang kadali, mga tagasubaybay. Makikita rin sa website ng PCAF ang listahan ng mga documentary requirements.

Good job, PCAF at DA!

***

SAMANTALA, lalo pang lumalala daw ang problema sa climate change ng buong mundo. Nagbabago raw ang klima o panahon bunga ng pagtaas ng mga greenhouse gases na nagdudulot ng pag-init ng daigdig.

Sa totoo lang, hindi biro ang hatid nitong problema sa sangkatauhan. Iba’t ibang sakuna ang idinudulot nito tulad ng heatwave, baha at tagtuyot na nagiging sanhi rin ng pagkakasakit o pagkamatay ng maraming tao. Aba’y sa pagtaas ng temperatura ng mundo, tila naka-angkla rin dito ang sangkaterbang sakit gaya ng diarrhea, dengue, leptospirosis, malnutrisyon at iba pa.

Ngunit malaking bagay na may Climate Change Commission (CCC) ang Pilipinas na bumabalangkas ng iba’t ibang mga programa at tumutugon sa mga problema o malubhang epekto ng climate change.

Ipinagmalaki naman ng CCC na nagbunga na ang panggigiit ng Philippine government sa United Nations (UN) para sa climate finance ng mga developing countries.

Ayon kay CCC Vice Chair at Executive Director Robert Borje, naging agenda raw pala sa 27th Session of Conference of the Parties (COP27) ang patungkol sa usapin, partikular na ang $100 billion financial commitment, para sa mga bansang tulad ng ‘Pinas na lubhang apektado ng pagbabago ng klima.

Manggagaling daw ang pondo sa kontribusyon mula sa mga mayayamang estado bilang finance obligation at suporta sa mga at-risk developing nations.

Ang hakbang daw na ito ay nasa ilalim ng Paris Agreement at bahagi ng target na makakuha ng mas mataas na climate finance sa pamamagitan ng New Collective Quantified Goal ng Glasgow Climate Pact.

Kung matatandaan kasi, iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na dapat magbayad ang mayayamang bansa ng danyos dahil sa ambag nito sa lumalalang climate change.

Nang pumasok naman ang bagong administrasyon, sinegundahan ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos igiit sa United Nations General Assembly (UNGA) sa Estados Unidos na dapat tuparin ng mga industrialized countries ang kanilang obligasyon na may kinalaman sa climate financing.

Saludo po ako sa inyo, Usec. Borje, at sa lahat ng mga taga-CCC.

God bless and more power!

***

Gusto mo ba ng ayuda o tulong pangkabuhayan? Bet mo rin bang matuto tungkol sa pagsasaka, sa mga programang pang-agrikultura, pambarangay, atbp.? Aba’y tayo na’t manood at makinig ng “Barangay 882” sa IZTV (Channel 23) at DWIZ. Katuwang ang SM Foundation at iba pa, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa DWIZ 882 FB page, IZTV/Radio, at Youtube DWIZ ON-DEMAND tuwing Sabado ganap na alas-4:00-5:00 ng hapon.

***

At para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa aking FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat po at stay safe!

The post SUPORTAHAN ANG MGA PROGRAMA NG DA-PCAF AT CLIMATE CHANGE COMMISSION appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
SUPORTAHAN ANG MGA PROGRAMA NG DA-PCAF AT CLIMATE CHANGE COMMISSION SUPORTAHAN ANG MGA PROGRAMA NG DA-PCAF AT CLIMATE CHANGE COMMISSION Reviewed by misfitgympal on Oktubre 14, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.