Facebook

HINDI NA BIBITAW

Hindi na maitago ang pagnanais na masungkit sa kinabukasan ang trono ng punong tamad, mapag-imbot at walang katapatan sa bayan. Hindi na kailangan sabihin na sa pagkakahalal sa kinauupuang silya at kinatalagang bahay na malapit sa ULTRA, masidhing minamataan ang puno ng Balite sa kabila ng Pasig River. Marumi man ang tubig ng ilog ‘di na lalanguyin dahil sa speedboat na ipahiram ng matapat na sandatahan sa amang nagpataas ng sahod na pang-uwi. Madaling mabasa ang paglalaway sa upuang tangan ni Boy Pektus sa ‘di matigil na pag-ikot sa ngalan ng oplan paramdam. Paramdam na nagsasaad na nasa tabi-tabi ito at ang legal na kapalit ng patypar-typar at lutang na si Boy Pektus anumang oras ng panahon. May tagong gawa, ngunit dama ni Mang Juan ang pagnanasa na matulad sa amang ubod ng lupit sa kabuhayan ng bansa. Sa natikmang hayahay na buhay patuloy na sinisimsim ang sarap sa pagkakaupo ng manalo sa nakaraang halalan. At nang magwagi sa halalan ng COMELEC, hindi tumigil sa paghahanda sa susunod na halalan. Sa totoo lang maraming pagkakataon na umiinganyo ng mga taong may mataas na ambisyon na tumakbo sa halalan at mapabilang sa tiket nito sa taong hinog na ang pakiramdam.

Napansin ni Mang Juan na nagpapa beauty si Inday Sapak at nag-iikot gamit ang big bike kasama ang sandok ng Norte. May mga paarte pa na nagpapahiwatig na magkabaliktad ang pangalan ng mga kalahok noong nakaraang halalan. Masidhi ang pagpapahiwatig na tila may kumukumpas sa kung paano dadalhin ang sarili sa harap ng kamera o may kamerang umiikot. Natural ang nais na maging dating ngunit hindi biniyayaan ng mahusay na pagganap na mababasa ang ibig ipahiwatig. O’ sadyang mapagmasid si Mang Juan sa galaw ng mga taong mapag-imbot. Tunay na ‘di kayang itago ng mga pulpol ang kilos, alam ninyo kung bakit, dahil galing sa kawan ng Inferior Dabaw Group (IDG) na salat sa pag-iisip, sa kilos at gawa. At ang tanging kagalingan ang paglabag sa Karapatan Pantao at ang usaping pagkakaperahan.

Bilang Bise’t Kalihim ng DepEd, pahiwatig na ang pagnanais ng kapangyarihan sa pagpapanukala ng budget na ubod ng laki. Ang kapuna-puna ng naglaan ng pondo na hindi dapat sa mga opisinang pinamumunuan, ang confidential at intelligence fund. Saang sangay sa nasasakupan na kailangan ng mga pondong inihahain. O’ sadyang itatabi para sa hinaharap na laban. Subalit hindi mahagilap sa panahon ng pangangailangan lalo sa pananalasa ni bagyong Paeng. Tanging banggit, ipagdarasal mga nasalanta, at hanggang doon lang. Sa totoo lang may katagalan bago lumitaw si Inday Sapak at ng magpakita may bitbit itong ayuda, bahagi ba ito ng oplan sa paramdam sa bayan.

Bilang Kalihim ng DepEd, naglabas si Inday Sapak ng isang Department Order No.049, na ibig nitong professionalized kuno ang kagawaran. Binigyan pansin ang ilang mahahalagang punto ng DO 49, una, ipinagbabawal na magkaroon ng malalim na ugnayan ang mga guro sa mga mag-aaral. O sa madaling salita bawal ang personalan. Tanong paano makapagsasabi ang mga mag-aaral ng kanilang saloobin kung malayo ang damdamin ng guro sa kanila? Pangalawa, lahat ng hinaing ng mga guro’y kailangan ipaabot sa punong tangapan ng DepEd o mismo sa kanya. Para saan ang karapatang mag-organisa ng asosasyon kung tuwiran ang pagsasabi ng mga hinaing? Pangatlo, paano kikilos ang mga organisasyon na lapitan ng mga guro o maging ang karaniwang kawani na daanan ng kanilang kahilingan, ayaw ba ni Inday Sapak ang organisadong samahan. Maganda ang layon ng DO 49, ngunit iba ang ibig. Mailalarawan na nais busalan ng Kalihim ang boses o bibig ng mga guro na sanay na nagpapaabot ng hinaing sa pamamagitan ng mga samahan na kinaaaniban. Hindi style ng liderato ni Inday Sapak makipag-usap sa mga Samahan dahil sa usaping utang na loob. Ang dapat, sumunod sa patakaran na ibig ni IS. Paghihigpit o naghihigpit ang kapit sa DepEd na siyang ginawa sa Dabaw.

Sa ngayon mas maingay ang kilos sa pahayag hinggil sa pagnanais na masungkit ang pwestong ibig. Walang duda na ang kilos nito’y patungo sa malaking adhikain lalo’t ang resulta nito’y hayahay na buhay. Hindi nais na umabot sa kalagayan na hahayaan ang kapalaran sa kamay ng iba. Ang kilos na kailangan tingnan ang kasalukuyan para sa kinabukasan. Sa tuso ng ama nito, hindi malayo na ang payo‘y tungo sa naupuang kapangyarihan ng maiwasan ang indultong kahaharapin sa kasalukuyan at kinabukasan. At sa lapit ng pwestong tangan na isang bato lang ang layo sa tunay na ibig, hindi malayo na may mahikang magaganap. At tila ang IDG is falling down, di ba ES?

Sa pagkakaalam sa uri ng manghahalal meron ang bansa, tila ito’y sangkalan na pinapatungan sa kinabukasan. Ang pag-iipon ng salapi na mula sa bayan ang puhunan na gagamitin sa panglililo. Sa 90% uri ng manghahalal, pondo ang mahalaga at ‘di kagalingan. Ito ang tunay na nangyari sa nakaraang halalan. Nakangiti ito kung bakit ang mga tulisan sa nakaraan ang mga nagwagi, paano pa ang butangerang katatakutan. Walang kwenta ang pwestong tangan ng ama kung‘di napakinabangan sa halalan.

Sa paghahanda sa kinabukasan, may kagalingan ang mga taong nagdadala kay Inday Sapak lalo’t nilalaro ang sandok ng Norte. Lumulutang o ipinalabas ang pagiging magkasangga at ang maasahan ng bayan sa kinabukasan. Malinaw na magbibigay daan, si Sen. Sandok at gagamitin ang poder ng kapatid sa darating na panahon. Malayo ang tanawin ng magkasanga at tila walang balak na bumitiw o bitawan ang mga tangang kapangyarihan. Ang paghahanda ng mga duhapa’y hindi simpleng pang madalian o kagyat sa halip ito’y pangmatagalan lalo’t walang nasisilip na pangalan na makakalaban sa kinabukasan. Lumisan na ang lahing sagabal sa tronong tangan, kung may natira man wala itong interes o may sakit. At samantalahin ang pagkakataon, hindi lang sa ngayon ngunit hanggang sa pinaka bunsong anak o apo ng mga duhapang nakaupo.

Ngunit sa totoo lang, sa tingin ninyong wala na ang pamilyang haharap at lalaban sa inyo, hindi natutulog ang Sanlumikha na may sisilang o tatayo maging sa kasalukuyan upang sagkain ang balakin sa interes ng inyong mga angkan. Hindi hahayaan na maduhagi ang bayan ng mga taong ‘di nagmamahal, wala man ang mga maginoo ng Tarlac ngunit isang araw, babalik ang babaeng nagsusumikap na lawakan ang kaalaman upang sa susunod na laban ay may taring tangan. Gagawa ang bayan ng tamang kilos upang mulatin ang manghahalal na iyong pinagliluhan. Gigisingin at ipaalam na ang hangad ninyo’y manatili sa trono na tila nagpapalitan lalo sa pagpapalaki ng iyong kayamanan. Nariyan na magigising, haharap at sasabihing tama na sobra na palitan na ang mapanglilo. At kayo’y mapapaso at bibitaw sa pwestong ayaw bitawan.

Maraming Salamat po!!!

The post HINDI NA BIBITAW appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
HINDI NA BIBITAW HINDI NA BIBITAW Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 15, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.