Facebook

HIRAP NG BARANGAY WORKERS KINILALA NI BONG GO

Bumisita si Senator Christopher “Bong” Go sa lalawigan ng Bulacan kung saan ay binigyan niya ng pagkilala ang mga barangay workers sa Malolos City at kalaunan ay nakiisa sa ceremonial groundbreaking ng Super Health Center sa Balagtas.

Kinilala ni Go ang hirap at dedikasyon ng mga barangay workers ng Bulacan sa ginanap na Gawad Galing Barangay event sa Hiyas Convention Center sa Malolos City.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Go ang lahat ng mga manggagawa sa barangay sa kanilang hindi nasusukat na serbisyo at sa pagsisilbing tulay ng mga Pilipino sa pamahalaang panlalawigan at pambansa.

“Ikinagagalak ko pong maging bahagi ng 21st Gawad Galing Barangay para parangalan ang kagalingan at pagsulong ng mga katangi-tanging barangay sa bansa na ginagampanan ang kanilang mga responsibilidad nang buong husay at katapatan,” ani Go.

“Bilang mga pinuno ng barangay, nagsisilbi kayong frontliner ng gobyerno. Kayo po ang pinakaunang tinatakbuhan at nilalapitan ng ating mga kababayan sa tuwing sila ay may mga suliranin. Kayo rin po ang unang tagapagpatupad at tagapaghatid ng mga programa at proyekto ng ating gobyerno sa inyong mga komunidad,” anang senador.

Pinuri rin niya ang krusyal na papel ng barangay workers sa pagpapabuti ng lipunan at paglalapit sa pamahalaan sa publiko.

“Kung wala po kayo, hindi po magtatagumpay ang gobyernong ito,” ani Go.

Alinsunod sa kanyang pangako na susuportahan ang barangay workers at palakasin ang healthcare system sa bansa, inihain ni Go ang Senate Bill No. 427 na magbibigay ng allowance at insentibo sa barangay health workers.

Kung maipapasa ang batas, ang buwanang allowance na P3,000 ay ipagkakaloob sa lahat ng barangay health workers at magkakaroon din ng karapatan sa seguridad sa panunungkulan at iba pang benepisyo at pribilehiyo.

Inirekomenda rin ni Go na dapat bigyan ng kompensasyon ang mga tauhan ng barangay na maihahambing sa suweldo ng mga regular na empleyado ng gobyerno.

“Naniniwala ako na sa tulong at pakikiisa ninyo, mabilis na makakabangon ang ating bansa mula sa pandemya at anumang krisis na ating kakaharapin,” ani Go.

Makaraan ng awarding, tumuloy si Go sa Balagtas at personal na nakiisa sa groundbreaking ceremony ng Super Health Center ng bayan.

Itinataguyod ni Go na ilapit ang mga serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan sa mga Pilipino, partikular sa mga komunidad sa kanayunan.

Ang Super Health Centers ay istratehikong matatagpuan sa malalayong lugar kung saan iaalok ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan.

Binanggit ni Go na 307 Super Health Centers ang itatayo sa buong bansa ngayong taon, 7 dito ay matatagpuan sa Bulacan, partikular sa mga bayan ng Balagtas, Bulakan, Pandi, San Miguel at Guiguinto; at sa mga lungsod ng San Jose del Monte at Meycauayan.

“Laging handa dapat tayo para hindi tayo mabigla. Alalahanin natin na hindi natin masabi kung ito na ba ang huling pandemya na darating sa buhay natin. Mas mabuti na handa tayo. Mas mabuti na makagawa tayo ng sarili nating bakuna para hindi tayo umaasa sa ibang bansa,” idiniin ni Go.

“Isinulong ko po talaga ang pagpapatayo ng mga Super Health Centers sa buong Pilipinas dahil alam ko po kung gaano kailangang mapalapit sa inyo ang serbisyong medikal ng gobyerno,” ayon sa senador.

Plano ng DOH, sa suporta ni Go bilang chair ng Senate committee on health at vice chair ng Senate committee on finance, na magtayo ng hindi bababa sa 320 pang SHC sa 2023.

The post HIRAP NG BARANGAY WORKERS KINILALA NI BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
HIRAP NG BARANGAY WORKERS KINILALA NI BONG GO HIRAP NG BARANGAY WORKERS KINILALA NI BONG GO Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 17, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.